Iniwan ng OFW ang Isang Kahig Isang Tukang Nobyo sa Pilipinas Para sa Mayamang Amo, Impyerno Pala ang Naghihintay sa Kanyang Buhay
Sinimulang isulat ni Mary ang liham na ipapadala niya sa nobyo, alam niyang isang malaking desisyon ang gagawin niya pero alam niya rin na ito ang tama. Nasa Taiwan siya ngayon at nasa Pilipinas naman ang boyfriend niyang si Leo. Hindi niya naman sinasadyang mahulog ang loob niya sa among Taiwanese, pinangakuan siya nitong pakakasalan, ibibili ng bahay at dadalhin ang pamilya niya rito sa Taiwan, mga bagay na kailanman ay hindi maibibigay nito dahil ang magulang nito ay hamak na tricycle driver at tindera lang ng gulay sa palengke. Lumipas ang ilang araw at natanggap ni Leo ang sulat, bago buksan ay kay laki ng ngiti niya na unti unting nawala nang mabasa ang nilalaman noon. Leo, I’m sorry. Mas magandang maghiwalay na lang tayo, hindi ko naman alam na mai-inlove ako kay Sir Tzufei, sabi niya pakakasalan niya ako. Alam mo namang matagal ko nang gusto yun diba? Makakahanap ka rin siguro ng para sayo. Mary Malungkot na tinupi ng binata ang sulat. Siguro nga, hindi sila para sa isa’t isa. Makalipas ang apat na taon. Bitbit ni Mary ang kanyang maleta at sumakay ng taxi, kararating niya lang dito sa Pilipinas. Ngayon niya lang naisip na nagkamali siya ng desisyon dahil hindi pala katulad ng ipinangako nito si Tzufei, nang sumama siya rito ay doon niya nalamang napakagaspang pala ng ugali ng lalaki at nananakit pa. Noon niya lang din naisip ang kabutihan ni Leo, at inaamin niyang mahal niya pa rin ito. Kaya heto siya, papunta sa bahay ng mga ito para humingi ng tawad. Pagtapat ng taxi sa bahay ni Leo, medyo nanibago siya dahil lumaki iyon. Kung dati ay parang barung barong, ngayon ay bato na at may gate pa. Kakatok pa lang siya nang may isang batang sa tingin niya ay 2 taong gulang ang lumapit sa gate. “Hi, nandyan ba si Tito Leo mo?” sabi niya, tiyak niyang anak ito ng ate ni Leo. Tinitigan lang naman siya ng bata. Maya maya ay isang magandang babae ang patakbong sumunod dito. “Jed! Naku baby, bakit ka lumalabas, nandito si Papa mo sa loob. Ay, yes po?” biglang sabi nito nang masulyapan siya. “A-andyan ba si Leo?” tanong niya sa babae. Lumipat na kaya ng bahay ang dating nobyo? “Sandali,” sabi nito sabay pasok sa loob ng bahay. Nanlaki naman ang mata ni Leo nang makita siya, akay nito ang isa pang bata. “Mary,” sabi nito sa kanya. Hindi siya nakapagsalita dahil di matanggap ng dibdib niya ang nakikita. Kaya si Leo na ang nagsalita. “Si Jean, misis ko.” Tumalikod nalang si Mary at naglakad na papalayo. Magsisi man siya sa pananakit sa lalaki ay huli na ang lahat. Alam niyang masaya na ito sa piniling buhay. Napakasakit lamang isipin na nakausad na ito habang siya ay patuloy paring nagmamahal. Kung sa bagay, hindi ito kasalan ng lalaki. Iniwan niya ito nang minsang masilaw siya sa mga pangako ng dating asawa. Nasilaw siya sa kinang ng pera at pag-asang makakaahon siya sa kahirapan sa tulong nito. Nagdurugo ang puso niya sa katotohanan na nagdusa siya sa landas na pinili. Naging impyerno ang buhay niya sa kamay ng dating asawa. Halos araw-araw siyang sinasaktan. Kinukuryente, pinapaso ng plantsa, pinapalo ng kaldero sa ulo… ang iba’y hindi na niya matandaan dahil pinili niyang kalimutan ang lahat ng sakit. At heto siya, umuwi ng Pilipinas na nagbabakasakaling muling lumigaya sa piling ng tunay na minamahal. Pero bigo nanaman siya. Mas masakit pala ang nangyari ngayon kesa sa bawat sampal at suntok ng dating asawa. Mas masakit na makita masaya ang lalaking tunay na laman ng puso mo. Mas masakit makitang, masaya na ito sa pamilya niya, samantalang siya, heto at nag-iisa. Patuloy na naglakad palayo si Mary. Paulit-ulit niyang binulong sa sarili ang mga katagang, “May mas magandang plano ang Panginoon sa iyo. May inilaan siyang tunay na magmamahal sayo at kailanman, hindi ka na masasaktan.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!