
Ginalaw ng Lalaki ang Perang Inihabilin sa Kaniya ng Boss Niya at Ginastos Iyon sa Operasyon ng Batang Hindi Niya Kaano-Ano; May Balik na Suwerte ang Kabutihang Loob Niya
Bago pa lang sa pinapasukang kumpanya si Arwin. Kontraktwal lang ang estado niya sa trabaho pero kahit ganoon ay malaki naman ang sahod niya, kaya nga mas pinagbubutihan niya para matuwa sa kanya ang boss niya at gawin siyang regular na empleyado.
Isang araw ay inutusan siya ng boss niyang si Mr. Alonzo.
“O, Arwin, limampung libo ito, ibigay mo ito kapag dumating si Mrs. Dela Cruz bukas. Ito ang budget para sa gagawin niyang project sa labas ng opisina. Wala kasi ako bukas, pupunta ako sa Batangas dahil may mga kakausapin akong kliyente. Sa iyo ko ito inihabilin dahil ikaw ang pinaka-pinagkakatiwalaan kong baguhang staff. Naka-leave din bukas ang sekretarya kong si Ms. Betty, kaya ikaw na ang bahalang magbigay niyan sa kanya ha?” sabi ng boss niya na iniabot sa kanya ang sobre na naglalaman ng pera.
“Areglado po, boss. Ako po ang bahala, makakarating ito kay Mrs. Dela Cruz,” sagot niya.
“Salamat, Arwin. Huwag na huwag mong kalilimutang ibigay iyan sa kanya ha, hijo? May tiwala ako sa iyo,” pahabol pa nito.
“Makaaasa po kayo, boss.”
Walang nagawa si Arwin nang ipagkatiwala sa kanya ni Mr. Alonzo ang malaking halaga ng pera na kailangan niyang ibigay sa isa sa matatagal ng staff ng kumpanya. Ngunit kinabukasan araw ng Biyernes ay hindi pumasok sa opisina si Mrs. Dela Cruz kaya hindi niya naibigay ang pera. Hindi naman niya magawang iwan sa opisina ang pera dahil baka mawala, tiyak na mananagot siya sa boss nila. Minabuti niya na dalhin na lang ang pera at sa Lunes na iabot kay Mrs. Dela Cruz kapag bumalik na ito sa trabaho.
Araw ng Sabado ay nasa kanya ang pera ngunit ‘di niya naiwasan ang tukso na dumating.
“Uy, Arwin sumali ka naman sa pa-raffle sa barangay natin. Trenta pesos lang ang tiket at kapag nakuha mo ang jackpot ay tumataginting na limampung libo ang mapapanalunan mo. Sige na, bumili ka na, minsan lang akong maglambing sa iyo ngayon mo pa ba ako hihiyain?” tanong ng kapitbahay niyang si Cheska na sekretarya sa kanilang barangay.
Hindi niya nagawang tanggihan ang alok ng babae.
“S-sige na nga, pagbilhan mo ako ng tiket,” aniya.
Ang perang ibinili niya ng tiket sa raffle ay ibinawas niya sa pera ng kanyang boss.
“Nakakahiya, pero madali ko na namang mapapalitan iyon, kaunting halaga lang naman,” bulong niya sa sarili habang naglalakad papunta sa bilihan ng barbekyu.
Nang isang aksidente ang masaksihan niya. Biglang nabundol ng kotse ang isang batang lalaking nasa limang taong gulang. Napagtanto niya na ang batang iyon ay anak ng kapitbahay niyang si Aling Imang na isa lamang labandera at biyuda.
“Diyos ko…kawawa naman ang bata,” sambit niya na dali-daling pinuntahan ang batang nakahandusay sa kalsada.
“Tulong, tulungan natin ang bata!” sigaw niya sa mga taong naroon.
May ilan na tumulong sa kanya na madala sa ospital ang bata. Nang makausap niya ang doktor ay sinabi nitong malubha ang lagay ng bata at kailangang maoperahan kundi ay nanganganib ang buhay nito ngunit kinakailangan ng malaking halaga.
Maya-maya ay dumating ang nanay nitong si Aling Imang na walang patid ang pag-iyak sa nangyari sa nag-iisang anak.
“Huwag po sanang may masamang mangyari sa anak ko. Siya na lamang ang natitira sa akin. Nawala na sa akin ang asawa ko, hindi ko na kakayanin kapag pati si Totoy ko ay mawawala pa,” hagulgol ng ginang.
Nakaramdam ng matinding habag si Arwin sa mag-ina. Kinuha niya ang ATM niya sa pitaka at tiningnan kung magkano pa ang naroon.
“Hindi ito sasapat sa gagastusin sa operasyon nung bata, pero hindi ko makakayang makita ang batang iyon na malagay sa panganib. Nawalan na ako ng nakababatang kapatid noon dahil din sa isang aksidente, ayoko nang maulit iyon sa iba,” sambit niya na ‘di na rin napigilang maluha.
Biglang may pumasok sa isip niya.
“Kung idaragdag ang perang ito sa pera ko’y maaari nang maoperahan si Totoy. Patawarin sana ako ng Diyos sa gagawin ko, alam kong hindi akin ang perang ito at wala akong karapatang angkinin ito, pero buhay ng isang inosenteng bata ang nakasalalay,” wika niya habang hawak-hawak ang sobre na may lamang pera na ibinigay sa kanya ni Mr. Alonzo.
Bago siya nagdesisyon ay taimtim muna siyang nanalangin at pagkatapos ay ibinayad na ang sarili niyang pera at perang ibinigay ng boss niya para maisagawa na ang operasyon sa bata.
Makalipas ang ilang oras ay naging matagumpay naman ang operasyon. Ligtas na sa kapahamakan si Totoy. Laking tuwa ng nanay nitong si Aling Imang at lubos ang pasasalamat nito sa kanya sa ginawa niyang pagtulong. Walang-wala kasi talaga ang ginang kaya naisip niyang siya na lamang ang gumastos sa operasyon. Masarap sa pakiramdam kapag nakatulong sa kapwa. Kikitain pa rin naman niya ang perang nawala sa kanya.
Habang pauwi sa bahay niya ay saka lamang pumasok sa isip niya ang tungkol sa perang ginalaw niya.
“S-saan ako ngayon kukuha ng ipapalit sa pera ni boss? Wala pang limang libo ang ipon ko sa alkansya,” bulong niya sa sarili.
Kinaumagahan, Linggo…lahat ng puwede niyang utangan ng pera ay pinuntahan niya at tinawagan pero pare-pareho lang ang sagot sa kanya…
“Sa iba ka na lang lumapit,” sabi ng isa niyang kaibigan.
“Sorry, pero wala akong pera, eh, sa iba ka na lang mangutang,” wika ng isa niyang kaopisina.
“Wala akong ganyang kalaking pera, sa iba ka na lang lumapit, pare,” sabi naman ng isa niyang kapitbahay.
Nang sumapit ang hapon ay pinagpapawisan na nang malapot si Arwin. Saan siya kukuha ng ipapalit sa nagastos niyang pera? Kulang na kulang ang hawak niyang pera, tiyak na mapapagalitan siya ng boss niya. Sumagi sa isip niya na sabihin na lang ang totoo kay Mr. Alonzo, baka sakaling maintindihan pa siya nito, pero kilala niya kasi ang boss niya pagdating sa usaping pera kaya nagdadalawang-isip siya.
“Kontraktwal na nga ako, malamang na matanggal pa ako sa trabaho. Mahirap pa namang maghanap ng trabaho ngayon,” nag-aaala niyang sabi sa sarili. “Diyos ko, ano po ang gagawin ko?” tanong pa niya habang muling ipinikit ang mga mata at nagdasal.
Kinagabihan ay malalakas na katok sa pinto ang bumulabog kay Arwin. Nang labasin niya ay bumungad sa kanya ang kapitbahay niyang si Cheska na may dalang magandang balita.
“Congrats, Arwin, ikaw ang nabunot sa jackpot ng raffle. Bakit kasi hindi ka pumunta sa barangay hall para ikaw mismo ang tumanggap nito kanina? Anyway, nanalo ka ng limampung libo!” wika ng babae na iniabot sa kanya ang pera.
“H-ha? Naku, maraming salamat po Diyos ko!” tangi niyang nasabi.
Kinabukasan, araw ng Lunes ay naibigay niya ang pera sa kasama niya sa trabaho na si Mrs. Dela Cruz nang pumasok na ito na gaya ng sabi sa kanya ng boss niya na ibigay daw dito ang budget para sa proyekto nila sa opisina.
Kahit naibalik niya ang pera ay ipinagtapat pa rin niya kay Mr. Alonzo na nagalaw niya ang pera at kung bakit niya iyon ginawa, pero imbes na pagalitan siya o husgahan ay hinangaan pa siya ng kanyang boss dahil sa kagandahang loob niya sa batang naaksidente. Dahil sobra itong natuwa sa kanya ay sinabi nitong simula sa araw na iyon ay regular na siya sa trabaho at hindi na kontraktwal. Ang mga katulad daw niya na may mabuting puso ang nararapat na magtrabaho sa kumpanya nito. Kaya malaking blessing din ang pagtulong niya sa kapwa, pati siya ay naambunan ng suwerte.
Huwag magdalawang isip na tumulong sa nangangailangan dahil may balik na magandang biyaya ang pagtulong na walang hinihinging kapalit.