
Napilitang Mag-OFW sa Loob ng Tatlong Taon ang Misis Dahil sa Mister na Walang Diskarte sa Buhay; Bakit Kaya Siya Napaiyak Nang Umuwi na Siya sa Pilipinas?
“Ayos na ang mga papeles ko, Ernesto. Sa susunod na linggo, tuloy na ang pagtatrabaho ko sa Kuwait. Sa wakas, maiaahon ko na rin ang pamilyang ito sa kahirapan.”
Nakatungo lamang si Ernesto habang naglilitanya ang misis na si Virgie. Para siyang tinutusok ng mga palaso sa mga sinasabi ni Virgie dahil totoo naman ang sinasabi nito: tamad siya kaya napilitan na ang misis niya na mangibang-bansa.
“Paano na kami ng mga anak mo?” tanong ni Ernesto.
“Paanong paano na kayo ng mga anak mo, ha? Itanong mo ‘yan sa sarili mo. Paano na kami ng mga anak mo kung hindi ako ang kikilos para naman may mapag-aral tayo sa panganay nating si Tanya sa kolehiyo, o kaya naman ay mabilhan natin ng mga gamit ang bunso nating si Teddy.”
“Patawarin mo ako Virgie kung nangyayari ito ngayon. Huwag kang mag-alala, babawi ako sa iyo. Ako’ng bahala sa mga anak mo. Magbabago na ako,” pangako ni Ernesto sa misis.
Natuloy na nga ang pag-alis ni Virgie patungo sa Kuwait upang magtrabaho bilang domestic helper. Mabuti na lamang daw at mababait ang mga amo nito, kaya walang problema pagdating sa pagtrato sa kaniya. Kaya lang, hindi naman ganoon kalaki ang suweldo.
Ang mga perang ipinadadala ni Virgie para sa kanila ay si Tanya ang kumukuha. Wala umanong tiwala si Virgie kapag ipinagkatiwala ang pera kay Ernesto. Labis na nasaktan si Ernesto subalit wala naman siyang magagawa. Kasalanan naman niya talaga ang lahat kung tutuusin.
Subalit ibinibigay rin naman ni Tanya ang mga perang padala ni Virgie sa kanilang ama.
“Huwag kayong mag-alala. Hindi natin gagastusin ang lahat ng ito. Sosorpresahin natin ang nanay ninyo sa kaniyang pagbabalik, Tanya at Teddie. Huwag kayong maingay sa balak kong ipunin ang mga salaping ipapadala niya. Hahanap ako ng trabaho para may magastos tayo sa pang-araw-araw, at nang may maidagdag sa ipon natin,” pakiusap ni Ernesto sa kaniyang mga anak.
Sumang-ayon naman ang mga bata sa kaniyang ideya.
Kaya naman sa tuwing nagtatanong si Virgie kay Tanya kung saan-saang mga bagay napupunta ang mga perang ipinadadala niya, sinasabi nito na nauubos kaagad dahil sa dami ng mga gastusing kailangan sa bahay at kanilang paaralan.
“Baka naman ginagastos ng tatay ninyo sa walang kapararakang bagay,” ani Virgie nang minsang magkausap sila ni Tanya sa video call.
Kapag ganito, napapakamot na lamang sa ulo si Tanya. Gusto sana niyang ibida sa nanay na matiyagang iniipon ng kanilang tatay ang mga natitira sa perang ipinadadala sa kanila subalit ayaw naman niyang masira ang nakahandang sorpresa nito sa asawa.
Makalipas ang tatlong taon, natapos na ang kontrata ni Virgie sa Kuwait. Iniisip niyang bumalik ulit o magtrabaho ulit sa ibang bansa, dahil wala pa siyang naipong malaki-laking pera sa bangko.
Sa araw ng kaniyang pag-uwi, sinundo siya ng buong pamilya niya. Si Ernesto mismo ang nagmaneho ng isang segunda manong sasakyan.
“Buti may nagpahiram sa iyo?” tanong ni Virgie sa mister.
“Ah oo, mabuti na lang mabait si Kumpareng JV kaya pinahiram niya ako ng kotse.”
Pagdating sa kanilang bahay, labis na namangha si Virgie sa kaniyang nakita.
“T-Teka muna… naligaw yata tayo. Hindi naman ito ang bahay natin ah. Kaninong bahay itong nasa harapan natin? Kay ganda,” paghangang sabi ni Virgie.
“Hindi tayo naliligaw, mahal… ito na ang bahay natin!” bulalas ni Ernesto.
“Ha? Ito na ang bahay nating gawa sa kahoy at kawayan?” gulat na gulat si Virgie, dahil sementado na, bricks, at tiles ito. Magaganda rin ang mga pailaw.
“Oo, mahal. Mula ito sa pinagsamang pera mula sa iyong pinaghirapan, at pinaghirapan ko rin sa aking trabaho at mga raket. May isa pa akong sorpresa sa iyo,” masayang sabi ni Ernesto.
Pumasok sa loob ng magarang bahay ang buong pamilya. Iniabot ng nakangiting si Tanya ang isang passbook. Tiningnan ito ni Virgie. Nanlaki ang kaniyang mga mata. Tumataginting na 1.5 milyong piso ang laman!
“Simula nang nagtrabaho ka sa ibang bansa mahal, inipon namin ng mga anak mo ang mga natitirang pera mula sa mga ipinadadala mo. Hindi kami namuhay sa luho. Bagkus, pinagawa namin ang bahay natin nang pasikreto at hindi namin sinabi sa iyo. Nagkataon din na nagkaroon ako ng trabaho at iba pang raket kaya nadadagdagan ang ipon natin,” paliwanag ni Ernesto.
“Ayaw naming mawala na lamang parang bula ang mga perang pinagpaguran mo, ‘Nay. Alam namin ang sakripisyo at pagtitiis mo bilang isang OFW. Kaya minabuti namin ni Tatay na sorpresahin ka pag-uwi mo rito sa Pilipinas,” paliwanag naman ni Tanya.
Hindi naman napigilan ni Virgie na mapaiyak sa labis na kaligayahan. Hindi naman pala nasayang ang kaniyang pagtitiis at sakripisyo sa ibang bansa!
Masayang namuhay ang kanilang mag-anak at pinili na lamang ng mag-asawa na magtayo ng sariling negosyo upang hindi na umalis ng bansa si Virgie. Ang mga anak nila ay natuto na ring maging masinop sa pera upang mapaghandaan ang kanilang hinaharap.

Hindi na Malaman ng Lola Kung Paano Itutuwid at Hihimukin ang Bulakbol na Apo Upang Magtapos ng Pag-aaral; Hanggang sa may Maisip Siyang Paraan na Babago Rin sa Kaniyang Buhay
