
Hindi na Malaman ng Lola Kung Paano Itutuwid at Hihimukin ang Bulakbol na Apo Upang Magtapos ng Pag-aaral; Hanggang sa may Maisip Siyang Paraan na Babago Rin sa Kaniyang Buhay
“Lola, talaga hong bagsak ang apo ninyo. Hindi po siya nagpapasa ng mga requirements sa halos lahat ng mga asignatura niya. Minsan din ho, hindi siya pumapasok.”
Tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Lola Delilah sa mga narinig niyang pahayag mula sa gurong tagapayo ng kaniyang apong si Lucas. Nasa Grade 10 na ang apo, at sa malas ay mukhang hindi ito makatutuntong sa Senior High School.
“Eh Ma’am, pasensya na kayo, talagang ginawa ko naman ang lahat para makastigo ang batang iyan na magpursige sa pag-aaral, subalit sadyang matigas ang ulo. Hindi ko na ho alam talaga kung anong gagawin ko para mapatino. Tamad na tamad nang mag-aral at gusto na lamang magbulakbol,” naiiyak na sabi ni Lola Delilah.
“Nasaan ho ba ang mga magulang ni Lucas, kung maitatanong ko lang ho?” tanong ng gurong tagapayo.
“Hiwalay na po kasi ang mga magulang niya simula noong maliit pa siya. Noong bata pa po iyan, hindi naman ganiyan iyan. Mabait na bata at palaaral. Subalit simula noong maghiwalay ang mga magulang, parang napansin ko na mas madalas na siyang makipagkita sa barkada kaysa maglagi sa bahay. Mabait naman po sa akin at hindi naman bastos. Kaya lang, pagdating sa pag-aaral, wala na siyang gana.”
Kaya naman, kinausap niya nang masinsinan ang apo pagkauwi sa bahay, sa halip na pagalitan.
“Apo, hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa iyo. Huwag mo naman akong bigyan ng sama ng loob. Matanda na ako. Ayusin mo na ang pag-aaral mo. Iyan lamang ang tanging paraan para gumanda ang buhay mo. Kahit saan ka makarating, kakayanin mo kapag titulado ka. Huwag mo na akong tularan, apo,” pakiusap ni Lola Delilah kay Lucas.
“Eh Lola… ayoko na pong mag-aral. Nagbibigay naman po ng sustento sina Mama at Papa. Okay na po ‘yun. Saka, marami na pong paraan ngayon para kumita ng pera. Yung mga kalaro ko nga po, kumikita sila sa paglalaro ng online games. Iba na po ang panahon ngayon, ‘La,” katwiran ni Lucas.
“Kung ako ang nasa kalagayan mo apo, may pera, may pagkakataon, tatapusin ko ang aking pag-aaral. Hindi ako nakatapos ng hayskul hindi dahil sa ayaw ko, kundi dahil kinailangan ko nang magtrabaho para sa aming pamilya, dahil napakahirap namin. Mas mahirap pa kami sa daga.”
Subalit tila walang gana na talaga si Lucas na magpursige pa sa kaniyang pag-aaral.
Kailangang makaisip ng paraan si Lola Delilah kung paano niya makukumbinse ang apo na ayusin nito ang pag-aaral niya. At may naisip na siyang paraan.
Agad siyang nagtungo sa kanilang munisipyo at nagtanong-tanong siya hinggil sa tinatawag na Alternative Learning System o ALS. Magtatapos siya ng hayskul at kung papalarin, itutuloy niya hanggang sa kolehiyo, kung kakayanin ng kaniyang pera at panahon.
Nais niyang maging mabuting halimbawa sa kaniyang apo kaya pinursige niyang makatapos ng hayskul sa pamamagitan ng ALS. Hangang-hanga naman sa kaniya ang mga naging guro niya dahil kahit 64 na siya ay kayang-kaya pa rin niyang makipagsabayan.
“Ang galing mo naman po, Lola,” namamanghang papuri ni Lucas nang malaman ang tungkol sa pinasok na ALS ng kaniyang lola.
“Salamat apo, pero mas lubos akong masisiyahan kung aayusin mo na ang pag-aaral mo. Sa palagay mo, ano na lamang ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman nilang nagkabaligtad ang sitwasyon natin? Na ikaw ang nasa bahay at ako ang nasa paaralan? Sabay nating tamuhin ang edukasyong nararapat sa atin, apo!”
At mukhang naging epektibo naman ang ginawa ni Lola Delilah dahil tila nahamon si Lucas na kung kaya ng kaniyang lola na mag-aral sa kabila ng edad, lalo pa siya na bata pa at sariwa pa ang isip upang magtamo ng iba’t ibang kaalaman.
Kaya naman, sabay na dumalo sa magkaibang graduation rites sina Lola Delilah at Lucas sa kani-kanilang mga pag-aaral.
Si Lucas ay nagpatuloy sa Senior High School habang si Lola Delilah naman ay nagpatuloy nga sa kolehiyo sa kursong Edukasyon.
Hangang-hanga si Lucas sa kaniyang lola.
Kaya naman, matapos ang Senior High School, nagtuloy-tuloy na ang pag-aaral ni Lucas hanggang sa kolehiyo. Kumuha siya ng kursong Civil Engineering, at makalipas ang apat na taon, nakatapos na rin siya at nakamit ang diploma.
Dalawa na sila ni Lola Delilah niya na may diploma sa kolehiyo!
“Maraming salamat po Lola, kung hindi dahil sa inyo, hindi ako mahahamon sa aking sarili na magtapos ng pag-aaral. Nagsilbi po kayong inspirasyon sa akin,” pasasalamat ni Lucas sa kaniyang lola, na nakapasa na rin sa board exam para sa mga guro.
Masayang-masaya naman si Lola Delilah dahil nagbunga ang kaniyang mga sakripisyo, dahil naituwid niya sa tamang landas ang apo, gayundin ang kaniyang sarili.