Pinangakuan ng Lalaking Rekruter ang Probinsyana na Tutulungan Itong Makapag-Abroad; Panganib Pala ang Dala Nito

Si Milet ay napakarelihiyosa. Mahilig siyang magsimba at magdasal, palaging nagpapasalamat sa mga biyayang dumarating sa kanya, pero ngayon ang dalangin niya ay ang makapag-abroad.

“Diyos ko…matanggap po sana akong domestic helper sa abroad para makatulong sa mga magulang kong nasa probinsya,” sambit niya habang nakaluhod sa simbahan at taimtim na nananalangin.

Lumuwas siya sa Maynila at pansamantalang nakikipisan sa nakatatanda niyang kapatid na si Delia na may asawa at kasalukuyang nagdadalantao. Pumunta siya roon para maghanap ng trabaho at gusto niya ay sa abroad makipagsapalaran dahil mas malaking pasahod ang naghihintay sa kanya. Sa probinsya kasi ay pagsasaka lang ang ikinabubuhay ng mga magulang nila at siya naman ay pagtitinda ng gulay at prutas sa palengke. Hayskul lang kasi ang natapos niya at hindi naipagpatuloy ang pagko-kolehiyo dahil kapos sila sa pera.

Pagkatapos magsimba ay nagpunta siya sa isang recruitment agency na nakita niya sa internet. Desidido na siyang abutin ang pangarap niya.

“Ang daming aplikante naman ang naririto. Paano kaya ang pag-a-apply?” bulong niya sa isip nang madatnan na ang haba ng pila sa labas.

Maya-maya ay may lumapit sa kanyang lalaki na presentable ang suot na damit at mukhang ahente ang itsura. Napansin din niyang guwapo rin ito at may tindig kaya sa tingin niya ay maayos ang pagkatao nito.

“Hi, miss. Ako si Donald Mondragon, isa akong recruitment specialist sa agency na iyan. Gusto mo bang tulungan kita na makapag-apply? Kanina ko pa napapansing patingin-tingin ka rito at ikot nang ikot,” sabi ng lalaki.

Kahit nahihiya ay napilitang sumagot ang dalaga.

Advertisement

“A, eh, naghahanap po kasi ako ng trabaho sa abroad,” sagot niya.

“Tagasaan ka ba miss?” tanong nito.

“T-taga-probinsya po ako. Kaluluwas ko lang dine sa Maynila. Nakikitira ako sa ate ko,” aniya.

Nakangiting tumango ang lalaki.

“Ang mga tulad mo ang gusto kong tulungan. Bukod sa agency na iyan ay may alam akong mas makakatulong sa iyo. May sariling recruiting agency ang kapatid kong babae at mas maraming oportunidad ang maiaalok doon sa iyo lalo na’t pagtatrabaho sa abroad ang gusto mo. Diyan sa agency namin kasi ay mas prayoridad ang mga local clients kaya baka hindi ka maasikaso. Sa agency ng kapatid ko kita dadalhin para doon ka mag-apply, madali kang matatanggap sa abroad dahil sasabihin ko sa kapatid ko na ilakad ka,” wika ng lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Milet sa sobrang tuwa.

“Talaga po? Naku, salamat po. Paano po ang gagawin ko? Ano po ang mga kailangan?”

Sinabi sa kanya ng lalaki ang mga detalye kung saan at anong oras sila magkikita para isama sa agency ng kapatid nito. Sinabi rin nito kung anu-anong mga papeles ang dadalhin niya. Inabutan pa siya nito ng calling card para tawagan ito o itext.

Advertisement

Lumulutang sa kaligayahan ang dalaga nang ibalita sa kapatid ang magandang kapalaran.

“Bukas daw, Ate Delia ay ipapakilala ako ni Mr. Mondragon sa kapatid niyang may-ari ng recruitment agency. Ilalakad daw ako para makapag-abroad,” sabi niya.

“Naku, ngayon pa lang ay binabati na kita, Milet. Galingan mo ha? Sana ay matupad ang pangarap mo na makapagtrabaho sa abroad,” masayang wika ng ate niya.

Kinagabihan bago matulog ay nanalangin muna si Milet.

“Diyos ko…marami pong salamat sa pagsagot sa panalangin ko. Malapit nang matupad ang pag-a-abroad ko,” bulong niya sa isip habang nakapikit at nakaharap sa altar.

Kinaumagahan, sa tagpuan nila ay naghihintay na si Mr. Donald Mondragon, ang lalaking kausap niya na nangakong ipapakilala siya sa kapatid nitong may-ari ng agency.

“Kaunting bola pa at tiyak na bibigay ang probinsyanang iyon sa akin,” natatawang sabi ng lalaki sa sarili habang hinihintay ang pagdating ni Milet.

May masama pala itong balak at lihim na tangka. Laking malas ni Milet dahil agad na nagtiwala sa bulaang ahente na nakilala niya.

Advertisement

“Dadalhin ko siya sa motel…pagsasawaan ko muna ang katawan niya bago ko siya iiwan,” ngiting dem*nyo pang sambit nito sa isip na atat nang dumating ang nagoyo niyang probinsyana.

Samantala, sa bahay ng kapatid ni Milet ay paalis na siya para makipagkita kay Mr. Mondragon.

“Mag-iingat ka ha, Milet at good luck sa pag-a-apply mo,” sabi pa ng ate niya.

“Huwag kang mag-alala ate, hindi ako papabayaan ng Diyos,” sagot niya na bihis na bihis. Talagang pinaghandaan niya ang araw na iyon. Ang pinakamaayos na damit ang isinuot niya at presentableng-presentable pa para kapag humarap siya sa may-ari ng agency ay dagdag puntos agad siya rito.

Nang biglang…

“Aray kupo!” wika ng ate niya na napahawak sa tiyan nito.

Nagulat ang dalaga at inalalayan ang kapatid na namimilipit sa sakit.

“A-ate? Bakit?”nag-aalala niyang tanong.

Advertisement

“N-ngayon na yata ako manganganak, Milet…a-ang s-sakit…h-hindi ko na kaya…ahhhraaayy,” sagot ng kapatid niya.

“Naku po, pumutok na ang panubigan mo, ate!”

Natatarantang isinugod ni Milet sa ospital ang kapatid. Tinawagan niya sa opisina ang mister nito na sinabing papunta na rin doon.

Pagdating sa ospital ay agad naman silang inasikaso hanggang sa…

“Normal ang panganganak ng ate mo, hija. Maayos na ang lagay niya at ng baby niya. Nasaan nga pala ang ama ng bata?” tanong ng doktor.

Napabuntung hininga sa tuwa si Milet nang malamang ligtas na ang ate niya.

“S-salamat po, doc. Mamaya po ay narito na rin ang bayaw ko para makita ang mag-ina niya,” tugon niya.

Pagkatapos niyon ay saka pa lang naalala ulit ni Milet si Mr. Mondragon.

Advertisement

“T-teka, b-baka mainip sa usapan namin si Mr Donald at umalis sa tagpuan namin..huwag naman po sana,” sambit niya sa sarili.

Nagpaalam siya sa kapatid na pupuntahan na ang katagpo kaya pinayagan na siya nitong makaalis. Parating na rin naman daw ang mister nito. Paglabas sa ospital ay nagmamadaling sumakay ng taxi si Milet papunta sa lugar na pinag-usapan nila ng lalaki.

Samantala, isang oras nang naghihintay si Donald sa harap ng mall na sinabi niya sa dalaga.

“Antagal naman ng probinsyanang iyon. Hindi bale, masusulit ang paghihintay ko pag dumating siya,” nakangising sabi niya sa isip.

Nang biglang…

“Hoy, Donald Mondragon, alyas boy m*nyakis!” wika ng isa sa mga pulis na dumating sa kinaroroonan niya.

“Huh? Buwisit, bakit may mga pulis?” gulat na tanong ng lalaki.

Tatakas sana siya ngunit mabilis siyang nasukol ng mga alagad ng batas at pinosasan.

Advertisement

“Arestado ka…maraming kaso na ng panggag*h*sa ang reklamo sa iyo,” sabi ng bigotilyong pulis na dumakip sa kanya.

“Tapos na ang maliligayang araw mo. Mabuti at may nag-tip sa amin na dito ka matatagpuan.” wika ng isa pa.

Matagal na palang pinaghahanap ng mga awtoridad ang lalaki na ang modus ay lokohin ang mga nakikilalang mga babae na pinapangakuan na hahanapan ng trabaho at kapag kumagat sa bola niya ay dadalhin niya sa motel at pagsasamant*lahan ang mga kawawang biktima.

Kakaalis lang ng mga pulis nang dumating si Milet sa tagpuan nila ni Donald.

“Naku, w-wala na si Mr. Mondragon, dumating kaya siya? Nainip siguro sa paghihintay sa akin kaya umalis na?” aniya sa isip.

Nagtanong siya sa guwardiya na nagbabantay sa labas ng mall kung may napansing lalaki na naghintay roon at sinabi nga nito na may lalaki nga na kanina pa inip na inip na naghihintay sa labas ngunit dinakip ng mga pulis dahil isa palang r*pist at illegal recruiter. Nagimbal si Milet sa nalaman niya.

“Diyos ko…isa palang masamang tao si Mr. Mondragon? Muntik na niya akong mabiktima. Salamat po dahil iniligtas Niyo ako sa tiyak na kapahamakan,” sambit niya na umusal ng maikling dasal.

Iba’t ibang paraan ang pagsagot ng Diyos sa bawat panalangin. Hindi pa man dinidinig ang dasal ni Milet na makapag-abroad ay iniligtas naman siya sa panganib na dulot ng manlolokong si Mr. Mondragon.