
Ipinagtabuyan ng Babae at ng mga Kapitbahay ang Magkapatid na Mukhang Unggoy at Kasambahay na Tumulong sa mga Ito; Sa Paglipas ng Panahon ay Sinuwerte ang mga Inapi Nila
Halos mabitawan ni Sandra ang mga pinamili niya nang makitang nakikipaglaro ang anak na si Buknoy sa dalawang ulilang bata na umuupa sa katapat nilang apartment. Biglang nanginig ang buo niyang katawan sa sobrang galit, ayaw na ayaw niya kasing lumalapit o nakikipaglaro ang nag-iisa niyang anak sa mga kapitbahay nilang iyon dahil sa kakaibang anyo ng mga ito.
Pinangingilagan din ng iba pa niyang kapitbahay ang dalawang bata dahil mukhang ‘unggoy’ ang magkapatid na sina Romnick at Rachelle. Naiiba kasi ang kondisyon ng mga ito na puno ng balahibo ang buong katawan at ang anyo ng mukha ay kawangis nga ng unggoy. Ang turing nga nila rito ay mga ‘malas’ bagamat hindi naman nananakit. Sa katunayan ay mababait at magagalang ang magkapatid. Matagal na nilang gustong paalisin ang mga ito sa kanilang lugar, hindi lang nila magawa dahil sa pakiusap ng lola ng magkapatid na si Manang Vida na bukod sa uugod-ugod na ay may iniinda na ring karamdaman. Ang matanda na lamang ang nag-aalaga sa dalawang bata mula nang pumanaw ang mga magulang ng mga ito sa isang sakuna ilang taon na ang nakakaraan. Nabubuhay sila sa pamamagitan ng buwanang pensyong nakukuha ng matanda.
“Hoy, mga batang unggoy, pumasok nga kayo sa bahay ninyo’t mamaya ay mahawahan niyo pa ang anak ko,” nakataas ang kilay na sabi ni Sandra sabay pamewang sa dalawang bata. Kasunod noon ay sinaway ang anak na pumasok sa loob ng bahay nila.
“Ikaw naman, Keila, bakit mo pinababayaan na makihalubilo ang anak ko sa mga malas na iyon? Hindi kita pinapasahod para maging t*nga,” baling niya sa kanyang kasambahay.
“S-sorry po, ate, hindi ko po kasi napansin na lumabas si Buknoy. Hindi na po mauulit,” sagot nito.
Nang hindi na kaharap ang amo ay nakaramdam ng matinding awa ang kasambahay sa ginawang pagsusungit at pagtaboy sa magkapatid. Sobrang maawain ang dalaga na ulila na rin sa mga magulang. Kinupkop ito ni Sandra sa pakiusap ng yumaong tiyahin kapalit ng paninilbihan. Masipag at mapagkakatiwalan si Keila at kasundung-kasundo pa ni Buknoy. Minsan nga ay kapag hindi ito abala sa mga gawaing bahay ay pinupuntahan nito sina Romnick at Rachelle sa kabilang apartment at nakikipaglaro. Sinasaway naman ito at pinagagalitan ni Sandra kapag pumupunta roon pero lihim pa rin nitong sinusuway ang amo kapag nakakahanap ng pagkakataon. Ang dahilan ng dalaga ay parang kapatid na ang turing nito sa dalawang bata at napamahal na sa mga ito kahit hindi kaano-ano.
Isang araw, habang nagluluto ay biglang sumigaw si Keila sa sala na ikinataranta ni Sandra.
“Ate, si Buknoy!” hiyaw ng kasambahay.
“Bakit, Keila? Ano’ng nangyari? Napapaano ang anak ko?! Diyos ko!” napasigaw din siya nang makita walang malay ang anak sa sahig.
“Bigla na lang siya natumba, ate, nagkikisay pagkatapos ay nawalan ng malay at ayaw nang magising,” takot na takot na sabi ni Keila.
Hindi sila magkandaugaga kung paano bubuhatin ang bata, wala pa naman ang mister niya.
Nang dalhin nila sa ospital ang anak ay labis niyang ikinagulat ang sinabi ng doktor tungkol sa kalagayan nito. May k*nser sa utak ang bata, dahilan upang tumumba na lamang ito, nagkaroon ng seizure at biglang nawalan ng malay.
Napahagulgol si Sandra sa natuklasan.
“Diyos ko po, bakit nagkaroon ng gan’yang sakit ang anak ko? Malusog na bata naman si Buknoy ko at walang iniindang anuman sa katawan. Wala din namang history sa pamilya namin na may k*nser. Bakit ngayon lang lumabas ang gan’yan sa kanya? Napakabata pa ng anak ko para magkaroon ng malubhang sakit,” sabi niya sa doktor.
“Ikinalulungkot ko misis, kung gusto niyo ay magpa-second opinion kayo sa ibang doktor,” suhestyon nito.
Ganoon nga ang ginawa niya, ipinatingin niya ito sa ibang doktor ngunit tulad ng naunang resulta ay pareho ang lumalabas, may k*nser sa utak ang anak niya. Kasunod noon ay niresetahan na lamang ito ng gamot at pinayuhan na magpahinga.
Pag-uwi sa bahay ay nagngingitngit sa galit si Sandra. Hindi niya matanggap na nagkaroon ng sakit ang nag-iisa niyang anak.
“Hindi magkakaganoon ang anak ko kundi dahil sa malas na magkapatid na iyon, eh. Sabi ko na nga ba at walang ibubungang mabuti ang pakikipaglaro ni Buknoy ko sa mga mukhang unggoy na iyon! May dalang sumpa ang mga hay*p na batang iyon kaya nagkasakit ang anak ko!” gigil na sabi niya.
“P-pero ate, walang ginagawang masama ‘yung mga bata. Hindi naman sila ang nakapanghawa ng sakit kay Buknoy, eh. Hindi totoo na may dalang malas ang magkapatid. Huwag niyo naman po silang sisihin, mga walang malay na bata lang sila,” wika ni Keila.
Dinuro-dinuro ni Sandra ang kasambahay niya.
“Ikaw na buwisit ka, isa ka pa, wala ka nang ginawa kundi ipagptanggol ang mga malas na iyon. Akala mo ba ay hindi ko napapansin na mas inaalagaan mo pa sila kaysa sa anak ko? Traydor ka rin, eh,” sagot ni Sandra sa malakas na tono.
“Hindi totoo ‘yan, ate. Mahal na mahal ko rin si Buknoy at nalulungkot din ako sa nangyari sa kanya saka pamilya na ang turing ko sa inyo, alam mo ‘yan, ate. Nagpapasalamat ako at utang ko sa iyo ang lahat-lahat, pero hindi tama na ibintang sa mga batang walang kasalanan ang pagkakasakit ni Buknoy,” paliwanag ng kasambahay.
Ngunit hindi natinag ang babae.
“Hindi! Walang makakapigil sa akin! Makikita ng mga batang ‘yan, kahit ang hukluban nilang lola ay hindi ako mapipigilan,” galit na galit pa ring sambit ni Sandra.
Nang masigurong maayos na ang anak niya sa bahay ay lumabas siya at sinugod ang inuupahang apartment ng maglola.
“Hoy, lumalabas kayo riyan mga mukhang unggoy na malas! Mga walanghiya kayo, pati anak ko’y hinawaan ninyo ng kamalasan!”
Sa ginagawa niyang pag-iiskandalo ay biglang lumabas sa kani-kanilang tirahan ang mga kapitbahay nila at naki-usyoso.
Ilang sandali pa ay lumabas si Manang Vida kasama ang dalawang bata na nagtataka sa nangyayari.
“B-bakit, Sandra? A-ano ba ang problema?” tanong ng matanda.
“Tigil-tigilan mo ako ha, tanda! Nagkukunwari ka pa na walang alam, eh, wala kang ginawa kundi kunsintihin ‘yang mga apo mong mukhang unggoy. Pinapayagan mong lumabas dito at makihalubilo sa mga tao kahit alam mong may dalang kamalasan ang mga ‘yan. Ang anak kong si Buknoy tuloy ang nahawaan ng malas ng dalawa mong apo. Nakipaglaro lang ang anak ko sa mga unggoy na ‘yan ay nagkaroon na ng k*nser sa utak si Buknoy ko. Mga p*tang i*a ninyo, salot talaga kayo rito sa lugar namin. Dapat ay lumayas na kayo rito para hindi na makapanghawa pa ng kamalasan ang mga apo mo!” singhal ni Sandra sa matanda.
Bumakas ang pagkagulat sa mukha ng matanda sa sinabi ni Sandra. Dahil naman sa nalaman tungkol sa pagkakasakit ng anak ng babae ay nagsimula na ring mag-alala ang mga kapitbahay nila at pati ang mga ito ay kinuyog na rin si Manang Vida at dalawa nitong apo.
“Palayasin mo na sa apartment mo Aling Lita ang mga ‘yan, mamalasin din ang pamilya mo kapag nanatili pa riyan ang mga ‘yan,” wika ni Sandra sa may-ari ng inuupahan ng maglola.
Ipinapetisyon ni Sandra at ng mga kapitbahay niya sa barangay nila na paalisin ang maglola. Nagtagumpay naman sila dahil sa kanila pumanig ang kapitan ng barangay. Nag-aalala rin kasi ito na baka totoo na may kamalasang dala ang magkapatid kaya para hindi na maulit pa ang nangyari sa anak ni Sandra sa iba pa nilang kapitbahay ay nagtulung-tulong silang paalisin ang maglola sa lugar na iyon. Sapilitang pinaalis at kinaladkad nila ang magkapatid at si Manang Vida na sa sobrang sama ng loob ay inatake sa puso at bigla na lamang tumumba sa daan. Imbes na maawa ang mga kapitbahay ay hinayaan ng mga ito na nakahandusay ang matanda at pilit pa ring itinaboy ang dalawang bata ngunit hindi na napigilan ni Keila ang sarili na tulungan ang maglola.
“Tama na po! Maawa naman kayo sa kanila. Tulungan niyo po akong dalhin si Manang Vida sa ospital, kawawa naman po ang matanda at huwag ninyong saktan ang mga bata dahil wala naman silang ginagawang masama sa atin,” matapang niyang sabi.
Gigil siyang hinarap ng amo niyang si Sandra.
“Aba, kinampihan mo talaga sila? Wala ka talagang utang na loob, traydor! Mula ngayon ay huwag na huwag ka nang babalik sa bahay ha? Wala ka nang trabaho! Pinapalayas na rin kita sa bahay ko, inggrata ka!” sabi ng babae.
Hindi niya pinansin ang sinabi ng amo, wala na siyang pakialam kung mawalan siya ng trabaho at matitirhan, ang mahalaga sa kanya ay matulungan ang kawawang maglola. Hindi pinakinggan ng mga kapitbahay ang pakiusap niya kaya siya na lamang ang gumawa ng paraan para tulungan ang mga ito. Pumara siya ng taxi para dalhin sa pinakamalapit na ospital si Manang Vida. Nagpatulong siya sa drayber na isakay ang walang malay na matanda, isinama rin niya ang mga apo nito. Mabuti na lamang at may pera siya sa bulsa na ipinambayad niya sa pasahe pero sa pambayad sa ospital ay bahala na.
Makalipas ang ilang taon
“Ate, maghapon ka na namang magkukulong sa kuwarto mo?” tanong ng bago niyang kasambahay na si Gemma.
“Wala kang pakialam ha? Ang mabuti pa ay ang pagluluto sa kusina ang atupagin mo,” sagot niya rito.
Hindi na siya ginambala pa ng dalaga. Mula nang pumanaw ang anak niyang si Buknoy isang taon na ang nakakalipas ay masakit pa rin sa kanya ang pagkawala nito kaya halos buong araw siyang nagmumukmok sa loob ng kuwarto, hindi pa rin siya maka-move on. Hindi na rin kinaya ng anak niya ang hirap sa pagkakaroon ng k*nser sa utak kaya bumigay na ang katawan nito at tuluyan nang namahinga.
Bukod sa nawalan ng anak ay natanggal din sa trabaho ang mister niya kaya ayun, kung anu-anong trabaho ang pinapasok nito na pati pagtitinda ng frozen food ay ginagawa na para maitawid nila ang pang-araw-araw at para may pampasahod sa bago nilang kasambahay. Kahit kinakapos na ay gusto pa rin ni Sandra na may katulong sila dahil nga likas sa kanya ang pagiging tamad at walang alam sa mga gawaing bahay.
Dahil nakaramdam ng pagkainip ay binuksan niya ang telebisyon. Tamang-tama, palabas na ang paborito niyang magazine show na nagtatampok ng mga totoong istorya ng buhay. Bumungad sa kanya ang host ng programa na iniinterbyu ang isang babae na pamilyar sa kanya ang mukha.
“Teka, parang kilala ko itong nasa TV a!”
Kinusut-kusot niya ang mga mata at nang mapagmasdang mabuti ang babaeng iniinterbyu ay laking gulat niya nang mapagsino ito.
“K-Keila?”
Kahit ‘di makapaniwala sa nakikita ay pinanood niya ang interbyu.
“Siya si Keila Agapito na isa sa mga successful na Pinay entrepreneur sa Amerika at nakaka-inspire talaga ang naging buhay niya kasama ang mga taong itinuring niyang mga kapatid. Biruin ninyo, hindi niya kaanu-ano ang magkapatid na sina Romnick at Rachelle Perez na may naiibang kondisyon. Nahahawig kasi ang itsura magkapatid sa unggoy dahil sa puno ng balahibo ang buo nilang katawan ngunit ang pagiging kakaiba ang siyang nagdala sa kanila sa tagumpay. Ngayon ay kilalang-kilala na ang magkapatid sa buong mundo dahil sa mga artworks nila. Mabentang-mabenta ang paintings nila lalo na sa Europa kung saan pinarangalan pa sila na pinakamahusay sa larangan ng pagpinta. Paano mo nakilala ang magkapatid at ano ang naging buhay ninyo bago naabot ang estado ninyo ngayon?” tanong ng babaeng host.
“Ganito po iyon, ma’am. Kasambahay lang po ako dati na pinaalis ng aking amo dahil tinulungan ko ang magkapatid na sina Romnick at Rachelle at ang lola nilang si Manang Vida nang ipagtabuyan sila ng amo ko’t mga kapitbahay namin dahil malas daw sila sa lugar na iyon. Nang mga panahong iyon ay hindi ko maatim na hindi tulungan ang maglola na walang awang pinapalayas sa kanilang inuupahang apartment na mga wala namang kasalanan hanggang sa inatake sa puso ang kanilang lola habang itinataboy sila, hindi na nga po umabot sa ospital si Manang Vida at tuluyan nang binawian ng buhay. Naulila ulit ang magkapatid, ang ginawa ko’y dinala ko na lamang sila sa DSWD para kahit paano’y doon ay maasikaso sila dahil wala rin naman akong trabaho at tirahan, paano ko sila maaalagaan kaya iyon ang naisip kong tulong para sa kanila pero isang araw ay dumating ang nakababatang kapatid ng lola nila na si Manang Leticia na galing sa Amerika, siya ang natitirang kamag-anak ng magkapatid. Kinuha sila nito sa DSWD at kinupkop, pati ako ay inampon din ng mabait na matanda dahil sinabi ng mga apo niya na tinulungan ko raw sila. Dinala niya kami sa Amerika at doon kami pinag-aral. Doon nakilala ang husay ng magkapatid sa pagpipinta at ako naman mula nang makatapos sa kolehiyo ay nagtayo ng maliit na negosyo roon hanggang sa ‘di ko akalain na lalago iyon at makikilala rin. Utang ko ang lahat ng ito sa magkapatid na sina Romnick at Rachelle, sa namayapang si Manang Vida at mabait niyang kapatid na si Manang Leticia,” buong kababaang sagot ni Keila.
Nakaramdam ng labis na pagkapahiya si Sandra sa napanood niya. Ang mga taong pinaalis niya noon, hinamak at ipinagtabuyan ay mga matatagumpay na ngayon.
“Ano naman ang masasabi mo sa mga taong nagpaalis sa inyo noon lalo na sa magkapatid?” tanong ng host.
“Hanggang ngayon ay masakit pa rin sa akin ang nangyari noon kapag aking naaalala, kahit hindi ko kadugo ang magkapatid at si Manang Vida ay nalulungkot ako sa pinagdaanan nila dahil hindi sila masasamang tao at hindi rin totoo na malas sila, sadya lang talagang mapanghusga ang ibang tao. Pero sa kabila ng lahat ay gusto ko pong magpasalamat sa mga taong nanghamak sa kanila dahil kundi dahil sa ginawa nila noon ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob ang magkapatid na lumaban sa hamon ng buhay kaya sila hinahangaan ngayon ay dahil sa angkin nilang talento na ibinigay sa kanila ng Diyos, dahil sila ay mga espesyal. Malaki rin po ang pasasalamat ko sa magkapatid dahil hindi ko mararating ang kinatatayuan ko ngayon kung hindi ko sila nakilala at ang napakabuti nilang tiyahin na si Manang Leticia,” sagot ng dating kasambahay.
Hindi na kinaya ni Sandra ang pinapanood niya, bigla na lamang umagos ang luha sa mga mata niya. Pinagsisisihan na niya ang mga ginawa niya noon sa maglola at kay Keila, masyado kasi siyang naging mapanghusga sa kapwa kaya ang naging kabayaran ay ang buhay ng kanyang anak. Ito ang nagbayad sa kasamaan niya. Lingid sa kanya ay napanood din ng mga kapitbahay niyang nagmalupit sa mga bata noon ang interbyu ni Keila at gaya niya ay halos lumubog din sa kinauupuan ang mga ito sa sobrang pagkapahiya.
Samantala, ang dating kasambahay na si Keila ay mariwasa na ang buhay ngayon sa Amerika kasama ang tinulungan niyang magkapatid. Hindi pa rin makapaniwala ang dalaga na ang mga ito pa ang nagdala sa kanya ng suwerte dahil na rin sa kanyang pagmamagandang loob.