Tinulungan ng Babae ang Batang Mandurukot; Dumating ang Araw na Gagantihan Siya Nito

“Magnanakaw ka! Dapat sa iyo ay ipahuli sa pulis!”

Galit na galit ang isang ale sa batang lalaki na nagtangkang kumuha ng pitaka niya sa palengke.

“Akala mo siguro ay madudukutan mo ko ‘no? Ang bata-bata mo pa, magnanakaw ka na? Nasaan ba ang mga magulang mo at hinahayaan ka na mandukot!” hirit pa ng babae.

“Wala na po akong nanay, nam*tay siya dahil sa malubhang sakit. May sakit din po ang tatay ko kaya kailangan ko ng perang pambili ng gamot niya. Wala po kasing may gustong magpautang sa akin ng gamot kaya naisip ko na lang po na mandukot. Lahat po gagawin ko, mabuhay lang ang tatay ko, ayoko pong mam*tay din siya,” sagot ng bata.

“Ginawa mo pang dahilan ang may sakit mong tatay para mandukot? Kahit ano pang dahilan mo, mali pa rin ang ginawa mo kaya dapat sa iyo ay ipahuli sa pulis para makulong ka!” tugon ng galit pa ring ale habang hawak ang braso ng bata at kinakaladkad sa kalye.

Maya-maya ay may babaeng tindera na lumapit sa kanila.

“Ano bang problema, ale? Bakit mo pinagmamalupitan itong bata?”

“Aba, pinagtangkaan akong dukutan ng batang ito kanina, mabuti na lang at nahuli ko. Ipapahuli ko ito sa pulis at ipakukulong!”

Advertisement

Tinanong ng babae ang bata kung bakit nito nagawa ang ganoon.

“Ang bata mo pa, bakit mo ginawa iyon hijo?”

“May sakit po ang tatay ko, kailangan ko po siyang maibili ng gamot. Wala pong magpautang sa akin ng gamot kaya napilitan ko pong gawin iyon. Ayoko pong mam*tay si tatay, ayoko na pong mawalan ulit ng magulang,” wika ng bata na hindi na napigilang mapaiyak.

“Naku, gimik lang yan, para kaawaan ang batang ‘yan. Dapat sa kaniya ay dalhin na sa presinto!” hirit pa ng ale.

“Ako na ang bahala sa kaniya, ale. Ako na ang magdadala sa kaniya sa mga pulis. Ang asawa ko ay pulis sa presinto,” sambit ng babae.

“Ah ganoon ba? Sige, ikaw na ang bahala sa batang ‘yan, ipakulong mo para magtanda!” sabi ng ale saka tuluyang umalis.

“Ale, parang awa niyo na po, huwag niyo po akong ipapakulong. Gusto ko lang pong bilhan ng gamot ang tatay ko,” pagmamakaawa ng bata.

“Huwag kang mag-alala, hindi kita ipapahuli sa pulis. Hindi naman totoo na may asawa akong pulis. Matagal nang yumao ang mister ko, dalawa na lang kami ng anak kong babae ang magkasama sa buhay,” tugon ng babaeng tindera.

Advertisement

Isinama nito ang bata sa puwesto nito sa palengke sa may bilihan ng manok at baboy. Ipinakilala rin siya nito sa anak nito na si Sharmaine.

“Ikaw, anong pangalan mo?” tanong ng babae.

“U-Utoy po,” sagot ng bata.

“O, heto ang pera ha? Ibili mo na ng gamot ang tatay mo. At itong manok bigay ko na ito sa inyo, lutuan mo ng sinabawang manok ang tatay mo para may makain kayo. Marunong ka bang magluto?” wika ng tindera.

“O-opo marunong po. Salamat po, ale. Ano nga po ulit ang pangalan niyo?” tanong ng bata.

“Ako si Perla. Sige na, ibili mo na ng gamot ang tatay mo. Huwag na huwag mo nang gagawin ang ginawa mo kanina ha? Masama iyon, kung may kailangan ka pa ay bumalik ka rito sa akin. Alam mo naman ang puwesto namin dito,” sambit ng babae.

Masayang nagtatakbo ang bata palayo.

Ilang taon ang lumipas. Matanda na si Perla at dalaga na ang anak niyang si Sharmaine. Nagtitinda pa rin silang mag-ina sa palengke. Ngunit sa hindi inaasahan ay nagksakit si Perla at naratay sa ospital. Sinabi ng doktor kay Sharmaine na kailangan nitong maoperahan sa lalong madaling panahon. Labis ang pag-aalala ng dalaga dahil hindi nila napaghandaan ang sandaling iyon. Nang malaman niya kung magkano ang magagastos sa operasyon ng ina ay bigla siyang nanlumo.

Advertisement

“Diyos ko, kalahating milyon? Saan ako kukuha ng ganoong kalaking halaga?” bulong niya sa isip.

Ang nakita niyang paraan kung paano magkakaroon ng malaking pera ay ang ibenta ang puwesto at negosyo nila sa palengke. Malaki ang puwestong iyon at ang negosyong pagtitinda ng manok at baboy ay matagal na ipinundar ng ina ngunit kailangan niyang ibenta para isalba ang buhay nito.

Buo na ang desisyon niya. Mas mahalaga sa kaniya ang kaligtasan ng ina kaysa anupaman.

“Para sa iyo ito, inay. Mahal na Mahal kita, gusto pa kitang makasama,” aniya sa sarili.

Nang bumalik siya sa ospital kung saan naroon ang ina ay laking gulat niya nang malamang wala siyang kailangang bayaran sa operasyon nito.

“A-ano po? W-wala na po akong dapat na bayaran?” gulat niyang tanong sa billing staff ng opsital nang manghingi siya ng statement of account.

Nang makita ang papel kung saan nakalista kung magkano ang babayaran niya ay nanlaki ang mga mata niya dahil wala na siyang babayaran. Sinabi ng staff na bayad na raw ang operasyon at lahat ng gastusin nila sa ospital. May iniabot din na sulat ang staff sa kaniya. Dali-dali niyang binasa ang nilalaman niyon.

Wala ka nang dapat na ipag-alala. Wala ka nang babayaran dito sa ospital. Sapat na ang pera at manok na ibinigay noon ni Aling Perla. Muli, maraming salamat.

Advertisement

Dr. Ubaldo Rivera

Mas lalong nagulat si Sharmaine nang mabasa ang sulat. Bigla siyang may naalala sa nakaraan. Agad siyang nagtanong sa staff.

“Miss, sino si Dr. Ubaldo Rivera?” aniya.

“Si Doc Rivera? Siya ang may-ari nitong ospital,” sagot ng babaeng staff.

Hindi makapaniwala si Sharmaine sa kaniyang nalaman. Ang batang tinulungan noon ng ina at binigyan ng perang pambili ng gamot para sa may sakit nitong ama at pagkain ay ang may-ari ng ospital kung saan sila naroon.

Ang hindi niya alam ay nagsikap ang batang iyon para maging mahusay na doktor at ‘di nagtagal ay nakapagpatayo ng ospital na tumutulong sa mga pasyente na walang pambayad sa serbisyong medikal. Ito rin ang doktor na nagsagawa ng operasyon sa kanyang ina. Hindi pala kinalimutan ng batang si Utoy (palayaw nito) ang tulong na ginawa noon ni Aling Perla kaya nang malaman nito ang nangyari sa kanila ay agad sila nitong tinulungan.

Para kay Utoy ay malaki ang utang na loob niya kay Aling Perla dahil sa ibinigay nitong pera noon ay naibili niya ng gamot ang tatay niya at agad itong gumaling.

Biglang napaluha si Sharmaine. Malaki ang pasasalamat niya kay Utoy sa ginawa nito. Kaya humingi siya ng tulong sa staff para personal itong makausap. At nang magkita ang dalawa ay muling nanariwa sa kanilang isipan ang nakalipas.

Advertisement

“Ikaw na pala ang batang iyon na tinulungan ni inay? ‘Di pa rin ako makapaniwala!” wika ni Sharmaine nang makita ang binatang si Utoy.

“Ako nga ito. Malaki ang utang na loob ko kay Aling Perla. Tanging siya lang ang nagtiwala noon sa akin at nagbigay ng tulong. Nagpapasalamat ako sa kanya dahil hanggang ngayon ay kasama ko pa rin ang tatay ko,” tugon ng binata.

“Maraming salamat sa iyo at tinulungan mo kami ni inay,” muling bigkas ni Sharmaine.

“Walang hanggan ang pasasalamat ko sa inay mo,” sagot ni Utoy sabay hawak sa mga kamay niya.

‘Di nagtagal ay gumaling na si Aling Perla at nakalabas na sa ospital. Tuwang-tuwa ito nang malaman ang lahat at nang muling makita si Utoy. Nang maglaon ay nagkapalagayan din ng loob sina Sharmaine at Utoy at naging magkasintahan ang dalawa.

Ang pagtulong sa nakaraan at ang pagtulong sa kasalukuyan ay naging daan din pala para mabuo ang pag-ibig sa pagitan ng dalawang nilalang na walang kamalay-malay na itinadhana rin pala sa isa’t isa.