Nagulat ang Binatilyo Dahil Kahit Wala Siyang Pera ay Binigyan pa rin Siya ng Pagkain ng Matandang Tindero; Ikagugulat Niya ang Dahilan Nito

Ilang oras nang naglalakad si Aldrin kaya nakaramdam na siya ng pagod.

“Makapagpahinga na nga muna,” sabi niya sa sarili.

Umupo siya sa isang bakal na upuan na malapit sa tindahan ng mga pagkain. Buong araw na siyang naglilibot sa parke at hindi alam kung saan talaga tutungo.

Tatlong araw na siyang nagpapagala-gala sa kalye. Lumayas si Aldrin sa bahay nila dahil napagalitan siya ng mga magulang niya. Nagkaroon kasi siya ng bagsak na marka sa isang subject niya sa eskwela. Napapabayaan na niya ang pag-aaral dahil sa pakikipagbarkada. Sa labis na sama ng loob ay umalis siya sa kanila at naisipang magpakalayo-layo. Ayaw naman niyang pumunta sa mga kabarkada niya dahil tiyak na matutunton siya roon ng nanay at tatay niya.

“Porket bumagsak lang ako sa isang subject ay pinagalitan na nila ako agad? Ayaw pa nila akong pasamahin sa mga kaibigan ko. Ayoko nang bumalik sa bahay, buong araw na naman nila akong sesermunan at pagagalitan,” sabi niya sa isip.

Dahil sa balak na pagrerebelde ay napagdesisyunan niya na huwag nang bumalik sa pamilya niya at mamuhay na lang na mag-isa.

“Bahala na, kakayanin ko naman na ako lang mag-isa, eh,” hirit pa niya habang nakatanaw sa malayo.

Nang sumapit ang gabi ay naramdaman niya na kumakalam na ang kaniyang sikmura.

Advertisement

“Nagugutom na ako.”

Tumayo siya sa kinauupuan at lumapit sa mga tindahan ng mga pagkain sa parke. Amoy na amoy niya ang masasarap na pagkain na itinitinda roon. May nagluluto ng lugaw, burger, tapsilog, inihaw at iba pa.

“Ang sasarap naman ng mga itinitinda rito. Ano kaya ang kakainin ko?” aniya habang hinihimas ang tiyan.

Maya-maya ay natuon ang mga mata niya sa matandang lalaki na nagluluto ng mami. Paborito niya ang mami kaya iyon ang bibilhin niya.

“Naku, may mami pala rito! Ito ang kakainin ko, hmmm…at mukhang masarap ang mami ni manong,” wika niya na takam na takam na.

Agad niyang dinukot ang wallet sa kanyang bag para kumuha ng pera ngunit laking gulat niya nang makitang wala nang laman iyon.

“W-wala na akong pera?!”

Dali-dali siyang naghalungkat sa loob ng bag niya ngunit kahit barya ay wala siyang nakita.

Advertisement

Naubos na pala ang dala niyang pera. Ilang araw na kasi siyang pagala-gala sa kalye kaya hindi niya namalayan na naubos na niya pala ang baong pera kakabili ng pagkain.

“Paano na ito? Wala na akong pambili ng pagkain,” nag-aalala niyang sabi sa sarili.

Wala siyang kamalay-malay na kanina pa siya pinagmamasdan ng matandang lalaki na nagbebenta ng mami. Alam din nito na nagugutom siya at wala siyang perang maipambibili sa paninda nito.

“Hijo, hijo, halika rito!”

Nagulat si Aldrin nang bigla siyang tawagin ng matanda.

“A, e, bakit po manong?” tanong niya.

“Nagugutom ka ‘no? Gusto mo nitong mami ko?” balik na tanong ng tindero.

“O-opo, p-pero wala po pala akong perang maibabayad. Naubos na po kasi ang baon kong pera,” nahihiya niyang sagot.

Advertisement

“Halika rito at maupo ka na!” yaya ng matanda.

Nagtataka man ay napilitan na ring sumunod ni Aldrin. Umupo siya sa mesa at ilang minuto lang ay hinainan siya ng tindero ng mainit-init pang mami. Napansin niya na punum-puno pa ang laman ang mangkok na ibinigay nito.

“W-wala po akong pambayad, manong,” aniya.

“Basta, kainin mo na ‘yan, hijo. Masarap na kainin ang mami kapag mainit,” tugon ng matanda.

Napangiti si Aldrin. Labis ang pasasalamat niya sa tindero.

“Napakabait niyo po manong. Salamat po!” wika niya at nilantakan na ang pagkain.

“Ako, mabait? Naku, mayroon akong kilala na mas mabait at mas mabubuting tao kaysa sa akin,” tugon ng kausap.

“Sino naman po ang mga iyon?”

Advertisement

“Ang mga taong gagawin ang lahat para sa kanilang anak,” sagot ng matanda.

“A-ano po ang ibig niyong sabihin?” naguguluhan pa rin niyang tanong.

“Bumalik ka na sa inyo, hijo. Hinahanap ka na ng mga magulang mo. Sobra silang nag-aalala sa iyo,” anito.

Napatigil sa pagkain si Aldrin sa sinabi ng matandang lalaki.

“K-kilala niyo po ang nanay at tatay ko?”

“Kahapon ay may mag-asawang pumunta rito at nagtatanong kung nakita ko raw ba ang kanilang anak na naglayas. Binigyan nila ako ng litrato at kapag nakita ko ang binatilyong iyon ay bigyan ko raw ng pagkain para hindi magutom. Inabutan nila ako ng pera na pambayad sa mami na paborito raw na kainin ng kanilang anak. Labis na nag-aalala ang mag-asawa sa pagkawala ng anak nila. Damang-dama ko ang pagmamahal nila sa binatilyong iyon. Heto nga at nag-iwan din sila ng pera para may panggastos ang batang iyon. Ibigay ko raw kapag nakita ko siya. Hindi nila alintana na kung hindi ko man makita ang nawawala nilang anak ay maaari kong ibulsa na lang itong iniwan nilang pera, pero hindi ako ganoong klaseng tao. Magulang din ako, alam ko ang pinagdaraanan at nararamdaman ng mga magulang na kagaya nila. Kaya umuwi ka na sa inyo, hijo. Bumalik ka na sa piling nila, mahal na mahal ka ng nanay at tatay mo,” bunyag ng matanda sabay abot ng pera sa kaniya.

Bigla na lang tumulo ang luha sa mga mata ni Aldrin sa inihayag ng tindero. Hinahanap na pala siya ng nanay at tatay niya. Nakilala pala siya ng matanda dahil sa litratong ibinigay ng mga ito. Napagtanto niya na kahit pinagalitan siya ng mga ito ay nag-aalala pa rin ang mga magulang niya sa kanya. Nagsisisi na siya sa ginawa niyang paglalayas at pag-alis sa kanila.

Matapos ubusin ang mami ay nagpaalam at nagpasalamat si Aldrin sa matandang tindero at agad siyang bumalik sa kanila at humingi ng tawad sa nanay at tatay niya.

Advertisement

“Sorry po, ‘nay, ‘tay. Hindi na po ako maglalayas at mag-aaral na po akong mabuti,” aniya sabay yakap sa mga magulang.

“Huwag mo nang uulitin iyon ha, anak? Sobra mo kaming pinag-alala ng tatay mo,” sabi ng nanay niya.

“Pinapatawad ka na namin, anak. Huwag mo nang gagawin iyon. Hindi namin kakayanin ng nanay mo kapag tuluyan kang nawala sa amin. Mahal na mahal ka namin,” tugon naman ng tatay niya.

Mula noon ay pinagbutihan na niya ang pag-aaral at hindi na umaalis ng walang paalam sa mga magulang.