Dismayado ang Babae dahil Prank Lang Pala ang Wedding Proposal ng Kaniyang Nobyo; Ito Naman Kaya ang Kaniyang Ma-Prank?
“Will you marry me?”
“Yes!”
At isinuot na nga ni Lance ang singsing sa palasinsingang daliri ng kaniyang kasintahang si Tricia. Naiiyak na si Tricia. Kahit sinong babaeng may kasintahan, pangarap na alukin ng kasal ng lalaking mahal nila. Iharap sa dambana. Makasama habambuhay.
Ngunit ang kaligayahan sa kaniyang puso ay mabilis ding napawi.
“It’s a prank!!!”
Nawala ang mga ngiti sa labi ni Tricia. Todo-hagalpak ang tawa ni Lance. Nagsimula na ring magtawanan ang mga kakilala nila na nagsilbing mga kasabwat nito. Pulang-pula naman ang mukha ni Tricia. Pakiramdam niya, biglang gumuhong tila yelo ang kaniyang mga aspirasyon, ang kaniyang mga pangarap.
“P-Prank lang ang lahat?” nauutal na tanong ni Tricia. Ang totoo, sanay naman siya palabiro at funny character ng kaniyang nobyo. Simula’t sapul, masayahin na ito. Lahat idinaraan sa biro. Noon ngang nanligaw ito sa kaniya, akala niya’y good time lang. Kaya hindi niya agad sineryoso. Pero nahulog din ang loob niya dahil sweet at maaalalahanin.
Kaya lang, sadyang mapagbiro ito, easy-go-lucky, at minsan, wala na sa lugar ang mga pagpapatawa nito, lalo na ang pagkahilig nito sa prank.
“Babe naman eh… parang hindi naman sanay sa ‘kin! Prank nga lang ‘to. Huwag ka na mapikon,” saad ni Lance sa kaniyang nobya.
“Lance, hindi lahat ng biro mo nakakatawa. Hindi lahat kailangang idaan sa biro, gaya nito!” pabulong subalit mariing sabi ni Tricia. Kunwari ay nakangiti siya para hindi mapahiya ang nobyo subalit ang totoo, labis-labis ang pagtitimpi niya. Gusto pa rin niyang bigyan ng dignidad ang kaniyang kasintahan.
Nang sila ay pauwi na, kapansin-pansin ang pananahimik ni Tricia. Nasa loob siya ng kotse ni Lance, ihahatid na siya nito sa bahay. Hindi siya umupo sa tabi nito. Pinili niyang maupo sa likod.
“Babe… something wrong?”
Hindi kumibo si Tricia. Ibinaling ang paningin sa labas.
“Sorry na… let’s talk naman oh. Ayokong ganiyan ka.”
Hindi pa rin kumibo si Tricia. Huminto si Lance sa pagmamaneho. Pinalipat ang nobya sa tabi niya. Nang hindi ito lumipat, bumaba siya. Pumasok sa passenger’s seat ng kotse, sa tabi ni Tricia.
“Babe, kung na-offend ka kanina sa prank ko, I’m so sorry. Alam mo namang mahilig ako sa prank, ‘di ba?”
Hinarap ni Tricia ang nobyo. Tinitigan ng kaniyang mga naluluhang mga mata ang mga mata nito.
“Alam mo bang pangarap ng isang babae na gaya ko na balang araw, maranasang mahingi ang kamay ng isang nobyo, senyales na gusto na siyang pakasalan. Na wife material ka. Sana naman huwag mong gawing biro iyon. Huwag mo namang gawing biro ang emosyon ko,” naiiyak na saad ni Tricia. Masamang-masama ang loob niya.
Niyakap siya ni Lance. Mahigpit. Naramdaman ni Tricia ang sinserong paghingi ng tawad nito.
“Patawarin mo ‘ko, babe. Wala naman akong intensyong saktan ka or what. Pangako, maibibigay ko rin sa iyo ang pangarap mong wedding proposal.”
Simula niyon, bumilang pa ng buwan at taon ngunit wala pa ring proposal si Lance para kay Tricia. Napapansin din ni Tricia na para bang walang direksyon si Lance. Magastos ito at halos walang natitira sa suweldo kaka-good time. Pakiramdam ni Tricia ay hindi nito pinag-iipunan ang kinabukasan nila, lalo na ang kasal.
Isang araw, nabalitaan na lamang niyang nagbitiw ito sa trabaho.
“Bakit ka nag-resign sa trabaho mo?” tanong ni Tricia.
“Eh tinatamad na ‘ko eh. Hindi ako nakakapag online game. Saka sabi naman ni Mama siya na muna bahala sa akin,” sagot ni Lance habang nakadukmo ang atensyon sa cellphone, naglalaro ng mobile game. Doon napagtanto ni Tricia na wala ngang direksyon sa buhay ang nobyo.
Hanggang isang araw, sa muling pagkikita nila ni Lance, nagulat siya dahil nagpareserve pa ito ng buong restaurant at may banda pa ng musiko. Maya-maya, naglabas na ito ng kahita. Inilabas ang singsing.
“Babe, naalala mo noong nakaraang taon? Nag-prank ako sa ‘yo ng proposal. Ngayon, totoo na ‘to. Mahal na mahal kita. It’s a about time na tanungin kita ngayon. Will you marry me?”
Hindi tumugon si Tricia.
“Babe, I said… will you marry me?”
Hindi inasahan ni Lance ang sagot ni Tricia.
“No…”
Napapitlag si Lance.
“B-Babe, ano ‘to… prank ‘to no? Gumaganti ka sa ginawa kong prank dati ‘no?” nakangiting tanong ni Lance.
“H-Hindi Lance. Matagal ko na itong pinag-isipan. Nagpapasalamat ako na prank lang ang ginawa mo sa akin dati. Batay sa obserbasyon ko, hindi ka pa handa sa responsibilidad. Hindi ko alam kung handa ka na ba sa next level ng relasyong ito: ang pagbuo ng pamilya. Kaya pasensiya na babe. Hindi muna yes ang ibibigay ko sa iyo as of the moment. Patunayan mo muna sa akin na karapat-dapat ka.”
Walang nagawa si Lance sa naging desisyon ng nobya. Tama naman ito. Wala ngang direksyon ang kaniyang buhay. Ang totoo, kaya lang siya nag-propose dito ay dahil gusto lang niya. Hindi pa pumapasok sa isipan niya ang pagpapakasal at ang posibilidad na maging asawa at ama ng tahanan sa malapit na hinaharap.
At lumipas pa ang isang tao. Naging “wake up call” kay Lance ang pagtutol ng kasintahan sa kaniyang alok na kasal. Kaya naman binago niya ang kaniyang paraan ng pag-iisip. Mas naging disiplinado siya. Naghanap siya ng trabaho upang makaipon at mapaghandaan ang kanilang kasal at posibleng pagtatagyuod ng sariling pamilya, saka siya muling haharap kay Tricia.
Makalipas ang dalawang taon, tuluyan na ngang nagbago si Lance. Nakapag-ipon na siya. Binago niya ang mga ugaling hindi dapat. Mahal na mahal niya si Tricia at gusto niyang maging karapat-dapat sa paningin nito. Ang resulta? Nang muli niyang alukin ng kasal ang nobya, isang malaking “YES” ang kaniyang natamo.
Sa lalong madaling panahon ay nag-isang dibdib ang magkasintahang Lance at Tricia; buong puso at buong kaluluwa silang handa sa panibagong yugto ng kanilang pagmamahalan!