Nairita sa Tindera ng Bagoong ang mga Kapwa-Pasahero Dahil sa Malansang Amoy na Dulot Nito; Bakit Nakita na Lamang Nila ang Sariling Nagpapasalamat sa Kaniya?
Masayang binilang ni Aling Shawie ang napagbentahan ng kaniyang mga bagoong. Hindi na masama. Makakadagdag na para sa pangangailangan ng kaniyang mga anak para sa online class.
Sinulyapan niya ang relo. Alas singko ng hapon. Kailangan na niyang makauwi. Magluluto pa siya.
“Shawie, kumusta benta?”
Nilingon ni Aling Shawie ang pinanggalingan ng tinig. Si Lourdes na nagtitinda naman ng mga gulay. Ipinagpatuloy ni Aling Shawie ang pagbibilang ng mga benta. Itinabi na ang tubo sa puhunan.
“Ayos lang. Hindi na masama. Mas mabenta ang bagoong isda. Sa susunod bibili naman ako ng padas, maraming naghahanap.”
“Alas singko na narito ka pa? Wala kang sundo?” untag ni Lourdes.
Napahinto sa pagbibilang ng pera si Aling Shawie. Antimanong napatutop sa noo at napapikit. Oo nga pala! Nawala sa isip niya. Hindi nga pala siya masusundo ng panganay na anak na si Peter. Nagpaalam itong may lalakarin. Araw-araw siyang hinahatid-sundo nito sa palengke gamit ang kanilang pedicab.
“Paano kaya ito? Nawala na sa isip ko. Baka… sumakay na lang ako ng jeep,” tugon ni Aling Shawie.
“Sigurado ka? Eh baka ireklamo ka na naman ng mga pasahero,” sansala ni Lourdes.
“Bahala na. Basta makauwi,” tugon ni Aling Shawie.
Iyon ang numero unong dahilan kung bakit siya hinahatid-sundo ng kaniyang panganay na anak. Ayaw na niyang maranasan ang naranasan niya noon sa isang pampasaherong jeep na kaniyang sinakyan. Inireklamo siya ng mga pasahero dahil sa malansang amoy ng kaniyang mga panindang bagoong, na nakasilid sa mga timba. Dumating sa puntong pinababa pa siya ng mismong tsuper. Mula noon, tiniyak niyang may sarili na siyang behikulo para walang masabi ang iba.
Subalit sa sitwasyon ngayon, wala siyang magagawa. Hindi siya makakauwi kung hindi siya sasakay ng jeep. Kung uupahan naman niya ang buong jeep, baka doon lamang mapunta ang pinagbentahan niya ng bagoong.
Bahala na. Iisipin pa ba niya ang sasabihin ng iba? Walang masama sa itinitinda niya.
Kaya naman, bitbit ang dalawang timba ng mga natirang bagoong, nag-abang ng jeep si Aling Shawie. Nang may huminto, agad siyang sumakay. Pumwesto siya sa bandang dulo, sa likurang bahagi ng tsuper. Doon niya piniling umupo at pumwesto upang hindi siya makaistorbo sa mga papasok na pasahero sa loob ng jeep.
Hindi nakaligtas sa paningin ni Aling Shawie ang pagtatakip ng ilong ng mga kapwa-pasahero, kahit na nakasuot sila ng face mask. Hindi rin nakaligtas sa kaniya ang pagkunot ng mga noo nito.
“Baho naman…” narinig ni Aling Shawie na sinambit ng isang ginang na pakiramdam niya ay kaedad lamang niya. Marami itong suot na burloloy sa katawan. Mukhang yayamanin. Hindi na lamang kumibo si Aling Shawie. Baka hindi niya matantiya ito at mabuhusan niya ng bagoong sa mukha.
“Dapat kasi hindi na sumasakay sa ganito eh…”
Hindi matukoy ni Aling Shawie kung sino sa mga kapwa pasahero ang nagsabi niyon. Mahirap matukoy. Naka-face mask ang lahat. May face shield pa. Hindi na lamang niya pinansin ulit. Baka mapaaway pa siya. Sayang lamang ang mga panindang bagoong.
Maya-maya, may sumabit na dalawang lalaki sa jeep. Walang face mask. Walang face shield. Pero may dalawang baril. Itinutok sa kanilang mga pasahero. Kahit walang sinabing “Holdap ‘to!” halata naman ang pakay.
“Bilisan n’yo na para walang usap. Ihanda ang mga cellphone, pitaka. Ipasok sa eco bag,” saad ng isang nakasabit. Pumasok sa loob ng sasakyan ang isa. Patuloy sa pagmamaneho ang tsuper, halatang nabigla rin at hindi alam ang gagawin. Paralisado ang mga pasahero.
Nang mapatapat ang holdaper na nasa loob sa babaeng maraming borloloy at nanita kay Aling Shawie, inutusan nitong hubarin ang lahat ng mga alahas na suot niya. Kandabulol ito sa pagpapaliwanag.
“K-Kuwan, p-peke ang mga ito. P-Puwet ng baso…”
“Wala akong pakialam. Hubarin mo lahat. Ilagay mo rito sa loob, bilis!” iritableng utos ng holdaper.
Walang nagawa ang ginang kundi hubarin ang mga borloloy, na ayon mismo sa kaniya ay mga peke lamang.
Hindi papatinag si Aling Shawie. Hinanda niya ang sarili. Nang mapatapat sa kaniya ang holdaper, agad niyang tinanggal ang takip ng timbang kinalalagyan ng bagoong at hinampas sa mukha nito. Pagkatapos, mabilis niyang kinuha ang timba, at ibinuhos sa mukha nito ang bagoong isda.
Sinamantala naman ito ng lalaki sa dulo at sinipa ang holdaper na nakasabit. Nabitiwan nito ang hawak na baril, at nagpagulong-gulong sa daan. Napahinto ang kasunod na sasakyan; muntik na siyang masagasaan.
“Mga walang hiya kayo! Mas mabaho pa ang ugali ninyo sa bagoong na paninda ko!” galit na sabi ni Aling Shawie habang sabunot sa buhok ang holdaper. Kinuyog na ito ng mga pasaherong lalaki, at pinaghahampas naman ito ng bag sa mukha ng mga babae. Mabuti na lamang at may mga rumorondang pulis ng mga sandaling iyon. Mabilis na nahuli ang mga holdaper.
“S-Salamat sa bagoong mo, ate… nailigtas mo kami,” nag-aalangang matawa ang ginang na maraming burloloy sa katawan.
“Oo, pasalamat kayo sa malansang amoy ng bagoong ko at nailigtas tayo sa kapahamakan. Kaya huwag kayong mapanghusga,” nasabi na lamang ni Aling Shawie.
Nasayang man ang mga bagoong niya, alam niyang nakatulong naman siya sa kaniyang kapwa.