Kahit Matagal at May Posisyon na sa Paaralang Pinagtuturuan, Nagpasya Pa Rin ang Guro na Magbitiw at Lumipat sa Pampublikong Paaralan; Ito nga Kaya ay Kaniyang Pagsisisihan?
“Sigurado ka na ba T. Stephanie sa gagawin mong pagbibitiw?”
Nakatingin sa kaniya ang mga kasamahang guro na nasa faculty room, dahil nagulat ang lahat na magbibitiw sa kaniyang trabaho ang maituturing na pinakamahusay na guro na si Stephanie, 32 taong gulang. Matagal na siya sa naturang pampribadong paaralan. 12 taon na siya roon at may posisyon na rin bilang Level Chairman ng Grade 11. Nagtuturo siya ng asignaturang Science.
“102%. Oo naman. Pinag-isipan ko itong mabuti. Two years in the making ito. Napaghandaan ko na,” nakangiting tugon ni Stephanie sa kaniyang mga kasamahan. Nagulat siya nang makitang umiiyak na ang isa sa kaniyang mga kasamahan, si T. Vernie, na talaga namang mababaw ang luha.
“Paano na lamang ang Grade 11 kung wala ka na?” tanong ni Simoun sa kaniya, guro naman ng Physical Education at isa sa mga gurong nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa.
“Magagaling naman kayo. Alam kong kung sino man ang pipiliin ng administration para pumalit sa posisyon ko, kayang-kaya niyang gampanan ito,” tugon ni Stephanie.
“Siyempre malulungkot kami. Wala naman kaming magagawa kung naisin mong lumipad pa at tuklasin pa ang ibang daigdig. Wala na kaming masasabi kundi good luck!” saad ng guro sa Filipino at makatang si Francisco.
Nagsimula na ngang mag-impake ng kaniyang mga gamit si Stephanie. Masakit din para sa kaniya ang gagawing pagbibitiw. Naging tahanan niya ang paaralang iyon sa loob ng lagpas isang dekada. Kumbaga, well-established na siya. Pero ‘nagugutom’ siya sa mga bagong hamon sa kaniyang karera. Gutom na hindi maibibigay ng sinuman mula sa paaralang pinaglilingkuran niya.
Hindi naman niya problema ang pera. Ang totoo, nasa middle class sila. Kahit hindi siya magtrabaho, kayang-kaya siyang buhayin ng kaniyang mga magulang. Ngunit bilang nakapag-aral naman siya, at hindi naman niya maaatim na i-asa sa mga magulang ang kaniyang mga gastusin, nagtatrabaho pa rin siya.
Plano niya, nais niyang magturo sa pampublikong paaralan. Nais niyang makapaglingkod sa masa. Sabi ng ilan niyang mga kasamahan, para raw siyang nakahiga sa kutson na lumipat pa sa banig. Katwiran naman niya, buhay niya ito at wala silang pakialam kung ano ang gagawin niya rito.
Mabilis na lumipas ang ilang buwan. Matapos makapag-aplay, dumaan sa pakitang-turo, pagsusulit, at panayam, lumabas na ang resulta. Rank 1 siya. Siya ang nangunguna sa mga teacher-applicant sa buong dibisyon nila. Agad na umulan ng mga pagbati. Nakapasok kaagad siya sa isang Science High School dahil kailangang-kailangan daw ng guro.
Ngunit nagulat siya sa klase ng kultura na kaniyang naabutan. Wala man lamang pumapansin sa kaniyang mga kapwa-guro. Hindi kagaya sa kaniyang pinagmulang paaralan na walang humpay ang tawanan. Parang may kaniya-kaniyang buhay ang mga tao.
Pinatawag siya ng punungguro sa tanggapan nito.
“May kaniya-kaniyang buhay ang mga teachers dito. We don’t mind each other, as long as you do your job well, okay ka. Collegial ang approach namin dito. Highly professionals ang mga teachers. I hope makapag-adjust ka kaagad,” paliwanag ng punungguro.
Nagulat man si Stephanie sa talas ng pananalita ng punungguro, hindi na lamang niya ito inintindi. Ang mahalaga, mapatunayan niya rito ang kaniyang husay.
Ilang buwan pa lamang, naging matunog na ang pangalan ni Stephanie dahil naging usap-usapan siya ng mga mag-aaral. Mahusay raw siya. May bago na silang paboritong guro. Kaya naman, naging mainit ang dugo sa kaniya ng mga seasoned teachers, dahil pakiramdam nila, inaagawan sila ng korona ni Stephanie, na bagong salta lamang.
“Congratulations! Mataas ang nakuha mong rating mula sa students evaluation. Almost perfect. Wala pang nakakakuha ng ganiyang kataas na rating. Alam mo naman ang mga students natin, talagang magagaling, and they have the tendency na mangmata ng kanilang mga teachers dahil pakiramdam nila, mas magaling sila sa Science and Math. You have truly delivered,” papuri ng punungguro.
“Salamat, Ma’am…” kiming pasasalamat ni Stephanie.
Akala ni Stephanie ay bilib na bilib sa kaniya ang punungguro, subalit nagulat siya sa mga naririnig na ito pa mismo ang nagsasabing baka sinusuhulan niya ang mga mag-aaral kaya mataas ang kaniyang rating. Hindi na kinaya ni Stephanie ang ganitong klaseng pamamalakad, kaya nagpasya siyang magpalipat ng paaralan.
Nailipat naman siya sa isang pampublikong paaralan na salat sa lahat ng bagay, subalit mababait naman ang kaniyang mga kasamahang guro, maging ang punungguro. Parang pamilya ang tingin sa isa’t isa. Nagtutulungan. Nagdadamayan.
Napagtanto ni Stephanie na kahit mahirap ang trabaho at tungkulin ng pagtuturo, napapadali at nagiging magaan basta maayos ang mga katrabaho.