Inday TrendingInday Trending
Ang Alkansya ni Nikka

Ang Alkansya ni Nikka

Mahirap lamang ang pamilya ni Nikka. Ang ama niyang si Mang Gusting ay isang magsasaka subalit walang sariling lupa. Inuupahan lamang nito ang tinatamnan ng palay. Ang ina naman niyang si Aling Lerma ay simpleng maybahay lamang. Siyam na taong gulang na si Nikka. Siya ang panganay sa kanilang tatlong magkakapatid. Sa pasukan ay nasa ikatlong baitang na siya sa elementarya.

Kapag sumasapit ang bakasyon ay sinasamantala ni Nikka ang pagkakataon. Gumagawa siya ng alkansyang kawayan.

Panahon ng pamumunga ng bungang-kahoy sa kanilang bakuran. Dahil maluwang ang kanilang bakuran ay maraming punong punum-puno ng bunga. Pinipitas nila ng kaniyang ina ang mga bunga at itinitinda iyon sa palengke.

Mabili ang kanilang mga itinitindang prutas. Kapag nakaubos sila ng paninda ay agad siyang binibigyan ng pera ng kaniyang ina para sa kaniyang alkansya.

“Aba, gumawa ka na naman ng alkansyang kawayan, ha! Siguradong marami ka na namang maiimpok niyan,” wika ni Aling Lerma sa anak.

“Opo, inay. Gustung-gusto ko po kasi ang nag-iimpok ng pera para po kapag kinailangan na may paggastusan na mahalaga ay may madudukot po ako,” sagot ni Nikka.

“O, ayan, anak. Ilagay mo sa alkansya mo,” sabi ng ina habang iniabot kay Nikka ang sampung pisong barya.

“Salamat po, inay. Mayroon na naman akong ihuhulog sa aking alkansya,” masayang sabi ni Nikka.

“Hayaan mo, anak. Bago siguro maubos ang mga bunga ng ating mga puno ay mapupuno na ang alkansya mong iyan,” saad ni Aling Lerma.

Lumipas ang ilang buwan at napuno nga ang alkansya ni Nikka. Masipag kasi siyang mag-ipon. Halos araw-araw ay nilalagyan niya ang kaniyang alkansya ng mga sobra niyang barya na ibinibigay sa kaniya araw-araw ng kaniyang mga magulang.

“Wow, ang dami ko ng ipon! Malaking tulong talaga ang pag-iimpok sa alkansya dahil hindi ako natutuksong gastusin ang mga pera ko,” sabi ni Nikka sa sarili.

Tuwang-tuwa ang bata dahil halos hirap na siyang buhatin ito sa sobrang puno. “Ang bigat! Mga nasa magkano na kaya ang naipon ko? Excited na akong buksan ito!” masaya pa rin niyang bulong sa sarili.

Mayamaya ay nakita siya ng kaniyang amang si Mang Gusting.

“O, anak, mukhang marami ka ng naipon, ha. Eh, halos hindi mo na mabuhat iyang alkansya mo,” natatawang wika ng ama.

“Opo, itay. Puno na po itong alkansya ko. Ilang buwan ko rin pong inipon ang laman nito. Hindi ko nga po alam kung magkano na ito, eh,” sagot ni Nikka.

“Ang galing talaga ng anak ko. Mahilig mag-impok. Manang-mana talaga sa akin,” hirit pa ni Mang Gusting.

Narinig naman ni Aling Lerma ang sinabing iyon ng asawa. “Naku, puwede ba, Gusting, manahimik ka na riyan at huwag kang magsabi ng kasinungalingan sa anak mo. Samantalang ikaw itong napakagastador,” natatawa nitong sabi.

“Naku, kinontra mo na naman ako, Lerma. Baka mamaya maniwala pa itong anak natin. Anak, huwag mong papansinin ang inay mo at iniinis lang ako niyan,” saad ni Mang Gusting.

Ngunit isang pangyayari ang biglang gumulantang sa kanilang pamilya.

Nang malapit na ang pasukan ay nagkaroon ng malakas na bagyo at nasira ang mga tanim na palay ng ama ni Nikka. Kakaunti lang ang kanilang inani.

“Diyos ko, bakit naman kung kailan na magpapasukan ay tsaka pa nangyari ito? Paano na ang pag-aaral ni Nikka, Gusting?” nag-aalalang sabi ni Aling Lerma sa asawa. “Walang may kasalanan nito, Lerma. Hagupit ng kalikasan ang nangyari at hindi natin iyon kontrolado. Pasalamat na lamang tayo at ligtas tayo,” sagot ni Mang Gusting.

Nagkautang pa ang ama ni Nikka dahil doon.

Nag-alala naman si Aling Lerma dahil malapit na ang pasukan at nawala ang inaasahan nilang panggagalingan ng pera kaya dahil doon ay kinausap nila ang anak tungkol sa pag-aaral nito.

“Baka hindi ka makapag-aral ngayong taong ito, anak,” malungkot na sabi ni Aling Lerma kay Nikka.

“Nasira ang mga pananim natin dahil sa bagyo at may utang pa tayo kaya pasensya ka na, anak, kung hindi ka muna makakapasok sa eskwela,” sabat pa ni Mang Gusting.

“Kaya huwag ka sanang magtatampo sa amin, anak. Wala namang may gusto na mangyari ito sa atin,” saad pa ng ina ng bata.

“Wala po kayong dapat na ipag-alala, inay, itay. Makakapag-aral po ako. Puno na po ang alkansya ko. Ang laman po nito ang gagamitin ko sa aking pag-aaral,” nakangiting sabi ni Nikka.

Natawa ang mag-asawa dahil hindi nila naalala na nag-iimpok nga pala ng pera ang kanilang anak. Kahit na nagkaroon sila ng problema ay nakaramdam naman sila ng kasiyahan dahil sa pagiging masinop ng kanilang anak. Malaking tulong iyon para maipagpatuloy ni Nikka ang pag-aaral. Napagtanto nila na totoo talaga ang kasabihan na kapag may isinuksok ay mayroong madudukot.

Dumating ang araw ng pasukan at nakapasok sa eskwela si Nikka. Salamat at naisipan niyang mag-impok para sa darating na pangangailangan.

Advertisement