Inday TrendingInday Trending
Hija, Patawag nga Kahit Saglit Lang

Hija, Patawag nga Kahit Saglit Lang

Hindi pa man sumisikat ang araw ay gising na si Arya upang magluto ng pagkain at ihanda ang gamit sa eskwela ng kaniyang anak na si Marjorie.

“Nay, sa tindahan na ho ako didiretso mamaya para tulungan ko po kayong mag-repack ng mga candies,” pahayag ng batang si Marjorie na nasa pitong taong gulang na.

“Ay sus, ang sabihin mo gusto mo lang kumain ng mga tsokolate habang nagbabalot si nanay. Niloko mo pa ko,” natatawang sagot ng babae.

“Kaunti lang naman, nay. Promise. Magto-toothbrush naman ako lagi at tutulungan pa kitang magtinda,” masiglang sagot ni Marjorie at tinapos na ang takdang-aralin para makapasok na sa eskwela.

Nasa sinapupunan pa lamang ang batang si Marjorie ay hiwalay na si Arya sa tatay ng bata. Huli na kasi nang malaman niyang may asawa pala ang lalaki at pamilyado pa. Kaya naman siya na ang nagkusang nakipaghiwalay at binuhay na mag-isa ang kaniyang anak.

Ngayon ang ikinabubuhay niya ay ang pagtitinda ng mga materyales na ginagamit kapag may handaan o selebrasyon katulad ng mga lobo, papremyo at kung anu-ano pa. Pangdagdag kita rin niya ang maliit na puwesto sa palengke kung saan nagtitinda siya ng mga matatamis na pagkain sa murang halaga katulad ng mga cookies at tsokolate na patok na patok sa madla.

“Nay, hindi ka ba naaawa kay lolo? Alam niyo po palagi siyang pinagtatawanan ng mga kaibigan ko. Pulubing matanda na raw kasi tapos ang baho pa po niya. May putok siya, nay,” nakangusong wika ni Marjorie habang naglalakad silang mag-ina papunta sa eskwelahan at nadaanan nila ang matandang pulubi na namamalimos roon sa tapat.

“Anak, ‘yung mga salita mo, ha. Hindi ko gusto ang ganiyang klase ng words na ginagamit mo. Masuwerte nga tayo dahil may bahay tsaka kinakain tayo pero hindi ibig sabihin nun ay ganiyan ka na sa mga katulad ni lolo. Kahit na mabaho pa siya at kahit na namamalimos lang siya ay huwag na huwag mo siyang pagtatawanan, anak, kasi magagalit ang Diyos sa’yo,” sita naman kaagad ni Arya sabay tingin ng diretso sa mata ng bata.

“Huwag kang gagaya sa mga kaklase mo. Hindi maganda iyon,” dagdag pa nito.

“Opo, mama. Sorry po. Reregaluhan ko na lang si lolo ng damit sa Pasko. Mag-iipon ako sa baon ko ng piso araw-araw para mabilhan ko siya ng damit para naman hindi na siya mabaho,” sagot ni Marjorie.

Ngumiti na lamang si Arya sa kaniyang anak at hinalikan ito sa ulo tsaka inihatid sa loob ng eskwelahan.

Saglit tinitigan ni Arya ang matandang nanlilimos. Hindi naman sana kaawa-awa ang itsura ng matandang lalaki dahil kahit may edad na ito ay halatang magandang lalaki ito noong kabataan niya. Kaya lamang ay napuno na sa dumi, grasa at sa alikabok ang matanda kaya naman kasulasulasok na ang itsura nito.

Napailing na lamang si Arya at saka bumuntong-hininga. “Nakakaawa talaga ang mga magulang na pinabayaan ng mga anak,” wika niya sa sarili.

Mabilis na naglakad si Arya patungo sa puwesto niya sa talipapa upang buksan ang tindahan. Katulad ng mga normal na araw ay ganun din ang pasok ng benta sa kaniya ngayong araw, medyo matumal.

“Lolo, umalis nga po kayo rito. Ang baho na nga ng palengke dumadagdag pa kayo,” sigaw ng isang tindera ng mga prutas na may tatlong tindahang puwesto lamang ang agwat sa tindahan ni Arya.

“Wala nga po kaming pay phone. Hindi na ho uso ‘yun. Kung gusto niyo ay sa barangay na lang kayo pumunta. Nakakamalas ho ng araw ang dating niyo,” dagdag pa ng tindera.

Hindi na nagsalita pa si Arya dahil araw-araw naman itong ginagawa ng matandang pulubi. Palagi itong nakikiusap na makitawag ngunit ni isa sa kanila na may mga puwesto roon ay hindi nagbibigay ng tulong sa matanda.

Hanggang sa hindi na natiis pa ni Arya at siya na ang lumapit sa matanda tsaka inakay ito patungo sa kaniyang puwesto.

“Lo, cell phone o telephone ho ba ang tatawagan niyo?” tanong ni Arya habang tinitiis na hindi ipakitang nababahuan siya sa matanda.

“Ay, hulog ka ng langit sa akin, hija. Cell phone ang tatawagan ko. Kailangan ko lang makatawag. Hindi ko itatakbo ang telepono mo. Magkano ba ang sisingilin mo sa’kin?” saad ng lalaking pulubi na nasa 75 anyos na rin ang tanda. Kulubot na ang mga balat nito at nanginginig na rin ang boses.

“Sige po, lolo. Ano po bang number?” tanong muli ni Arya at nilabas ang kaniyang telepono. “09324518415. Ayan, hija,” saad ni lolo.

Kabisadong-kabisado ng matanda ang numero na siya namang ikinahanga ni Arya. Ibinigay na niya ang telepono at hinayaan na ang matanda na makipag-usap sa kabilang linya. Saglit na lumayo pa ito pero alam ng babae na hindi matatakbo ng matanda ang telepono. Wala na kasing labasan pa sa dulo ng pasilyo.

“Hija, maraming salamat. Ito na pala ang telepono mo,” saad ni lolo.

“Nakausap niyo naman po ba ‘yung tinawagan niyo?” tanong ni Arya. Tumango naman ang matanda tsaka ito ngumiti at dahan-dahan nang naglakad palabas.

“Lo, ano nga po pala ang pangalan niyo?” tanong muli ng babae bago tuluyang makaalis ang matanda. “Ay, oo nga pala. Ako nga pala si Lolo Gabriel, hija. Ikaw, anong pangalan mo?” sagot ng matanda tsaka inabot ang maduming kamay nito.

“Uy, kahit pulubi si lolo may manners,” isip-isip ni Arya.

“Arya, lolo. Ako rin po ang may-ari ng puwesto na ito. Ito nga po pala. Biscuit para po sa inyo,” wika muli ng babae at inabot ang isang Rebisco sa matanda.

“Huwag na. Ako na nga ang tinulungan mo, eh. Ako pa ang bibigyan mo ng regalo. Hayaan mo sa susunod na araw babawi ako sa’yo,” pahayag ni Lolo Gabriel at saka ito umalis.

Simula noon ay palagi nang nakikitawag kay Arya ang matanda. Tinulungan na rin niya ito na makaligo sa pampublikong banyo na meron sa palengke. Binilhan niya ng isang pares ng damit para may pampalit si Lolo Gabriel.

“Arya, sobra-sobra na itong ginawa mo sa akin. Hayaan mo. Kapag sinundo ako ng mga anak ko sasabihin kong bayaran ka nila. Hindi kasi kasya ang nalilimos ko para mabayaran ka. Kasya lang sa pambili ko ng pagkain kay Aling Yolly sa kanto. Pasensya ka na talaga,” nahihiyang saad ng matanda habang hinahaplos ang malambot na tela ng suot nitong damit.

“Wala po iyon, lolo. Ang mahalaga ay malinis na kayo at hindi na rin kayo aasarin ng mga bata,” masayang sagot ng babae.

“Baka naman wala nang magbigay ng limos sa akin nito dahil sa pogi na ko,” masiglang sabi ni Lolo Gabriel at saka nagtawanan ang dalawa.

“Nabanggit niyo po kanina na kukuhanin kayo ng mga anak niyo? Bakit, lo? Nasaan po ba sila?” tanong ni Arya sa matanda. “Naku, nandoon sa amin. Hindi ko maalala ang lugar namin. Matanda na kasi ako. Basta nagising na lang ako na nasa kalsada na ako. Baka naglayas na naman ako sa’min. Ang huli ko lang naaalala ay bibili ako nun ng pansit para sa aking apo pero wala na. Hindi ko na maalala pa,” kuwento ni Lolo Gabriel.

“Kaya nga ako laging nakikitawag sa’yo. ‘Yan kasi ang number ng anak ko,” pahayag ni lolo.

“Eh, ano pong sabi sa inyo sa telepono?” tanong ni Arya rito.

“Babae ang sumasagot. Ingles ang sinasabi at hindi ko naman maintindihan. Arya, aalis muna ako. Maglalabasan na ang mga estudyante. Doon muna ako manglilimos, ha,” pahayag ng matanda at masaya pa itong kumaway palayo sa babae.

Mabilis na kinuha ni Arya ang kaniyang telepono upang tignan ang numerong tinatawagan ni Lolo Gabriel. Hindi niya ito pinakialaman ni minsan pero may kung anong awa siyang nararamdaman para sa matanda kaya naman siya na mismo ang kakausap sa anak nito.

Mabilis niyang tinawagan ang numero at idinikit ito sa kaniyang tenga kaya lamang ay nagtaka siya sa sinabi ng kabilang linya.

“The number you have dialed is either unattended or out of coverage area. Please try your call later,” sabi ng operator.

Tinawagang muli ni Arya ang numero ngunit parehas lamang ang sagot nito. “Hala, hindi naman kaya ito ‘yung sinasabi ni tatay na babaeng Ingles ang sinasabi?” saad niya sa sarili.

Kinaumagahan ay inantay ni Arya si lolo Gabriel na tumawag at pinakinggan niya ito.

“Hello, hija. Pakisabi naman sa anak ko na nandito ako sa Paranaque. Sunduin na kamo nila ako,” malakas na sagot ni Lolo Gabriel sa operator.

Nalungkot at tila napunit naman ang puso ni Arya sa kaniyang narinig. Sa tinagal-tagal ng panahon ay hindi man lang niya napagtanto na walang nakakausap ang matanda sa kabilang linya.

Kaya naman hiningi niya kay Lolo Gabriel ang pangalan ng mga anak nito para mahanap niya sa Facebook. Ngunit doon na lumabas ang katotohanang gumulat sa kaniya sa hindi inaasahang pagkakataon.

“Lolo, alam niyo po ba kung bakit hindi kayo napupuntahan ng mga anak niyo?” malungkot na tanong ni Arya sa matanda. “Naku, mga abala lang ‘yun sa buhay kaya hindi ako mapuntahan,” nakangiting sagot ng matanda.

“Teka, bakit? Tumawag na ba ang mga anak ko? Anong sabi nila sa’yo?” tanong agad ni Lolo Gabriel. “Hindi pa po, lolo. Pero kung gusto niyo po ay puntahan na lang natin sila sa inyo. Ako na po ang sasama sa inyo,” sabi ni Arya sa matanda.

Agad na bumiyahe ang dalawa patungong Tondo. Nahanap ito lahat ni Arya sa Facebook at sa tulong na rin ng ilang pagtatanong ay nalikom niya ang mga kinakailangan na impormasyon upang matulungan si Lolo Gabriel.

Doon na sinabi ni Arya sa matanda na nasama ang buong pamilya nito sa natupok na sunog sa naturang lugar kaya naman wala na ang buong pamilya nito. Nahimlay na sa sementeryo. Matagal na rin palang naliligaw ang matanda at wala itong kaalam-alam sa sinapit ng kaniyang pamilya.

“Sana sinama niyo na lang ako diyan. Hindi naman masaya ang maiwan mag-isa rito sa itaas. Nabubuhay na lang ako sa limos ng mga tao. Kuhanin niyo na lang ako!” iyak ni Lolo Gabriel sa puntod ng kaniyang asawa, anak, manugang at kaisa-isang apo.

Mabilis naman na niyakap ni Arya ang matanda at sinabi niya dito na dadalhin na lang niya ito sa home for the aged. Mabuti na lang at nakumbinse rin niya ang matanda kaya naman nagkaroon na ito ng maayos na matutuluyan lalo na sa kaniyang edad.

“Lolo Gabriel, pasensya na ho kayo kung dito ko po kayo iiwan. Hindi rin ho kasi talaga kaya ng kita ko na suportahan pa kayo,” nahihiyang pahayag ng babae.

“Ako nga ang dapat na mahiya sa’yo dahil tinulungan mo ang pulubing katulad ko. Kung hindi dahil sa’yo malamang ay nasa lansangan pa rin ako ngayon. Maraming salamat sa mabuting puso mo, Arya,” sagot naman ni Lolo Gabriel at nagyakapan ang dalawa.

Masakit man na malamang wala na ang pamilya ni Lolo Gabriel ay hindi na rin nila iyon mababago. Ipinagpapasalamat na lang rin ni Arya na natulungan niya kahit papano ang matanda. Dahil kung hindi rin niya nilambutan ang kaniyang puso ay baka nasa lansangan at tumatawag pa rin ang matanda sa teleponong hindi siya sasagutin kahit kailan.

Advertisement