Inday TrendingInday Trending
Kapag Tiwala Ang Nawala

Kapag Tiwala Ang Nawala

Mahilig sa night life itong si Jonas, 32 taong gulang. Pagkatapos niya sa trabaho ay madalas mo siyang matatagpuan sa isang bar hindi kalayuan sa kaniyang opisina, kasama ang kaniyang mga kaibigan o kung hindi naman ay kahit mag-isa lamang siya. Dahil rin sa kaniyang palagiang pagpunta sa bar ay marami na siyang nakikilala. Isa na rito ang dancer sa bar na si April. Matagal na siyang nililigawanan ng binata. Dahil sa angking ganda nito ay nahalina sa kaniya si Jonas.

“Kailan mo ba ako sasagutin, April?” tanong niya sa dalaga.

“Tigilan mo ako, Jonas. Alam ko ang mga tipo ng lalaki na gaya mo. At saka hindi ako nagpunta rito sa Maynila para lang makipag-boyfriend. Kailangan kong makaipon para mabawi ko ang sakahan ng tatay ko,” tugon niya kay Jonas.

“Kaya nga sumama ka na sa akin. Kayang-kaya kong tubusin ang sakahan ninyo basta sagutin mo lang ako,” saad pa ng binata.

“Jonas, wala kang aasahan sa akin. Mabuti pa ay ibaling mo na lang sa iba ang nararamdaman mo. Nakikita mo ba ‘yung si Mary? Siya na lang ang ligawan mo. Tiyak kong sasagutin ka nun kasi malakas ang tama nun sa’yo,” wika ng dalaga sabay alis sa harapan ng lalaki.

Ngunit kahit pa ipagtabuyan siya ng dalaga ay lagi siyang nariyan upang iparamdam dito ang kaniyang pagmamahal. Isang madaling araw ay matiyagang naghintay si Jonas kay April hanggang sa matapos ang trabaho nito. Malakas kasi ang bugso ng ulan kaya tiyak ng binata na mahihirapan sa pag-uwi ang dalaga. Dahil sa mga ganitong effort ng binata ay nahulog na rin ang loob ni April. Hindi naman naglaon, sinagot na niya si Jonas.

Naging maganda ang unang yugto ng kanilang pagsasama. Huminto na rin si April sa pagsasayaw sa bar. Tinupad din ni Jonas ang kaniyang pangako sa dalaga na tutubusin ang lupa na sinasaka ng ama. Dahil gusto na rin ni Jonas na lumagay sa tahimik, inaya niya si April na magsama na sila sa ilalim ng iisang bubong. Pumayag naman si April dahil sa pagmamahal sa lalaki.

Ngunit unti-unting nagbago ang pakikitungo ni Jonas kay April. Madalas na itong maghinala sa dalaga. Kahit na hindi naman talaga si April ‘yung tipo ng mananayaw na tumatabi sa mga lalaki noon ay palagi siyang pinagbibintangan ni Jonas na marami nang naging karelasyon. Bantay-sarado din ang mga kilos nito. Halos hindi na nga makalabas si April sa higpit ni Jonas at kung lalabas man ay halos balot na balot ang kasuotan nito.

“Sino na naman ‘yang ka-text mo, April?” galit na sita ng binata sa kaniyang kasintahan.

“Si nanay,” tugon niya. “May sakit daw kasi si tatay parang kailangan ko atanag umuwi,” wika ng dalaga.

“Sasamahan kita sa inyo kung uuwi ka,” saad ni Jonas.

“Hindi na kailangan, Jonas. Alam ko naman na abala ka sa trabaho mo. Kahit ako na lang ang umuwi muna,” tugon niya.

Bigla na lamang nagbago ang mukha ni Jonas.

“Akala mo ba mapapaikot mo ako, April? Siguro kaya ayaw mo akong isama kasi hindi ka naman talaga sa inyo ang punta mo,” wika ng galit na si Jonas. “Umamin ka nga! Siguro ay may iba kang lalaki, ano?” giit niya sa kinakasama.

“Ano ba ang sinasabi mo, Jonas? May sakit ang tatay ko. Kahit itanong mo pa sa pamilya ko sa probinsya!” tugon niya.

“Bakit ayaw mo akong isama?” tanong ni Jonas.

“Eh di sumama ka! Ako na nga ang nag-aalala sa’yo sapagkat alam kong kailangan ka sa trabaho mo at ayaw kong maabala ka pa,” paliwanag ni April.

“Magpadala ka na lamang ng pera! Kaysa mamasahe ka pa ay ipadala mo na lang sa kanila Tutal ‘yun naman ang kailangan nila, hindi ba?” giit ni Jonas.

Wala nang nagawa si April sa naging desisyon ni Jonas. Ganito ang nangyare sa tuwinang siya ay pinapauwi ng kaniyang ina upang dalawin ang amang may sakit.

“Anak, kailan mo ba dadalawin ang tatay mo?” tanong ng ina ni April. “Matagal ka na naming hindi nakakasama. Lumalala na ang lagay ng tatay mo, baka hindi mo na siya abutan pa,” sambit ng ina ni April sa kaniya.

“Pasensiya na po kayo, nay. Hayaan ninyo po at ngayong linggo ay pipilitin ko po. Kahit isama ko na lang si Jonas,” tugon naman ng dalaga.

“Nak, huwag mo naman mamasamain itong sasabihin ko sa’yo ah? Pero sa tingin ko ay hindi maganda ang pakikipagrelasyon mo diyan kay Jonas. Baka mamaya ay mapano ka dahil lang sa pagseselos at paghihinala niya,” saad ng ginang. “Nagiging mahina kasi ang pag-ibig kapag nawawala ang tiwala,” dagdag pa niya.

“Pasensiyahan ninyo na po si Jonas, nay. Ganun lang talaga ‘yun siguro dahil sa sobrang pagmamahal niya sakin. Marami na rin naman siyang naitulong sa atin,” sambit ni April.

“Nandoon na nga ako, anak. Pero higit sa pera ay kailangan ka namin ngayon. Gusto ka namin makita at makasama. Lalo na ang tatay mo,” paliwanag ng ina nito.

Pinilit ni April umuwi sila ng kinasama sa kanilang probinsiya upang makasama ang kaniyang pamilya. Isinasama din niya ang kasintahang si Jonas. Ngunit dahil hindi puwede si Jonas sa nakatakdang petsa ng kanilang pag-alis, hindi nito hinayaang umalis ang babae ng mag-isa lamang.

“Jonas, parang awa mo na. Kailangan kong makita ang tatay ko. Lumulubha na ang sakit niya. Kailangan ko nang umuwi sa amin,” pagmamakaawa ng dalaga. “Bakit ba wala kang tiwala sa akin? Kahit kailan naman ay hindi kita niloko! Kung ganito lang din tayo palagi, mabuti pang tapusin na natin lahat ng ito,” hindi na naiwasan ni April ang sumigaw dahil sa kaniyang galit.

“Nakikipaghiwalay ka sa akin? Bakit, sino ang pinagmamalaki mo? May ipinalit ka na ba sakin?” giit ni Jonas.

“Bakit ba ang kitid ng utak mo, Jonas?! Hindi ka naman ganyan dati!” sambit ni April. “Nananahimik ako na nagtatrabaho sa bar, Jonas. Una palang ay sinabihan na kita na layuan ako, pero ikaw itong lapit ng lapit sa akin. Hindi kita pinilit na gustuhin ako at hindi kita pinilit na makisama sa akin. Ngayong nagsasama na tayo saka mo ako gaganituhin. Hindi porkit sa bar mo ako pinulot ay sinasalamin na noon ang buo kong pagkatao,” naiiyak na sambit muli ng dalaga.

“Hindi ko na kaya ‘to, Jonas. Pinipilit kitang intindihin dahil mahal kita. Pero nakakasakal ka na. Hindi kita maaaring piliin kaysa sa pamilya ko. Kung mahal mo talaga ako ay pagkakatiwalaan mo ako at hahayaan mo akong makita ko ang pamilya ko,” dagdag pa ni April.

Dali-daling nagbalot si April ng kaniyang mga gamit at tuluyan nang iniwan si Jonas. Agad siyang umuwi sa kanilang probinsiya. Lubha niyang ikinalungkot ang kaniyang nakitang kalagayan ng kaniyang ama. Ang laki ng ipinayat nito. Hirap na rin itong kumilos kaya nakaratay na lamang sa kama. Nang masilayan siya ng kaniyang ama ay napangiti ang matanda.

“Anak, naparito ka na sa wakas. Kay tagal ka naming hinintay ng nanay mo,” sambit ng kaniyang ama kahit nahihirapan sa pagsasalita.

“Opo, itay, narito na po ako. Mananatili na po ako rito para alagaan kayo,” umiiyak na sambit ni April sa ama.

Dahil nga salat sila sa buhay ay minarapat na lamang ni April na ibenta ang lupa upang ipangtustos sa gamutan ng kaniyang ama. Ang konti niyang naipon ay ipinampuhunan niya sa pagtitinda ng isda sa palengke.

Isang araw, habang nagtitinda siya sa palengke ay may lumapit sa kaniyang bata.

“Ate, pinapabigay mo noong ginoo sa inyo,” wika ng bata kay April sabay abot ng isang nakabilot na papel.

Agad pinunasan ni April ang kaniyang kamay at tinignan ang papel.

“Titulo ito ng sakahan namin. Saan mo ito nakuha, boy?” tanong niya sa bata.

“Sa ginoo po. Andon po siya sa labas ng palengke. Ang sabi po niya ay ibigaw ko daw po ‘yan sa inyo,” tugon niya.

Dali-daling tumakbo si April palabas ng palengke upang hanapin ang ginoo. Lubusan niyang ikinagulat nang makita niya si Jonas sa hindi kalayuan.

“Anong ginagawa mo dito, Jonas?” tanong niya sa binata.

“Narito lamang ako para isauli ‘yan sa iyo. Alam kong kailangan mo ‘yan,” tugon niya.

“Itong titulo? Ibig mong sabihin…” di makapaniwalang sambit ni April.

“Oo, ako ang bumili ng lupa ninyo, April,” pag-amin ng lalaki. “Mula noong umalis ka ay hindi na nawala sa isip ko ang mga sinabi mo. Alam kong marami akong nagawang pagkakamali sa’yo noon pero sana, April, ay mapatawad mo ako. Nagawa ko lang naman ‘yun sa sobrang takot ko na mawala ka sa akin. Hindi ko alam na nasasakal na pala kita. Naging makasarili ako, patawad,” paghingi ng paumanhin ni Jonas.

Napangiti naman si April sa kaniyang narinig.

“April, sana ay matanggap mo ako ulit. Hayaan mong itama ko ang lahat ng pagkakamali ko. Hayaan mong bumawi ako sa’yo,” saad ni Jonas. “Pangako ko sa’yo kahit kailan ay hindi ko na uulitin ang hindi ka pagkatiwalaan. Mahal na mahal kita, April. Sana ay matanggap mo muli ang pag-ibig ko,” wika ni Jonas.

“Matagal ko nang hinihintay ang araw na ito, Jonas. Sa totoo lamang kasi ay magpahanggang ngayon ay mahal pa rin kita. Ikaw ang unang lalaking nagpatibok ng puso ko kaya hirap din akong kalimutan ka. Ngunit sa tuwing naaalala ko ang mga nangyari sa atin noon ay lubusan akong natatakot. Pero ngayong sinabi mong magbabago ka na ay magtitiwala akong muli sa iyo dahil mahal kita,” saad ni April sa binata.

Hindi na nila napigilan ng dalawa na hagkan ang isat-isa. Tuluyan silang nagkabalikan. Napagtanto na ni Jonas na importante sa isang relasyon ang tiwala. Mula noon ay hindi na nagduda pa si Jonas kay April at naging lubos na ang kaniyang pagtitiwala sa dalaga. Lubusan naman ding minahal ni April si Jonas dahil sa pagbabago na ipinakita nito. Hindi naglaon ay nagpakasal ang dalawa. Sa pagtutulungan din nila ay naipagamot na ang kanilang ama at tuluyan nang gumaling. Naging masaya at puno ng pagmamahal ang kanilang naging pagsasama.

Ang relasyon na walang tiwala ay parang sasakyan na walang gasolina. Maaari kang manatili dito ngunit hindi kayo aandar at wala kayong patutunguhan.

Advertisement