Inday TrendingInday Trending
Mabuti na Lang at May CCTV

Mabuti na Lang at May CCTV

Pitumput tatlong taon na ang lola ni Jenny na si Aling Anita. Matagal na ring nakaratay ang matanda sa higaan mula ng siya ay ma-stroke. Dahil kailangan ni Jenny na magtrabaho ay humanap siya ng mag-aalaga sa kaniyang lola habang siya ay nasa opisina.

Hindi naging madaling proseso ang pagpili niya sa mag-aalaga sa matanda. Sapagkat si Aling Anita ang nagpalaki sa kanya, kaya nais din niyang ibalik ito sa matanda. Kung maaari lamang na siya ang mag-alaga dito ay ginawa na niya. Ngunit kailangan nila ng panggastos lalo na sa gamutan ng matanda.

Nakahanap naman sila ng tagapangalaga sa katauhan ni Ditas. Apatnaput isang taong gulang na ito. Inirekomenda si Ditas ng isa sa mga kaibigan ni Jenny. Dahil tiwala ang dalaga sa kaibigan ay agad nagsimula si Ditas sa trabaho.

“Ate Ditas, narito ang listahan ng gamot ng Lola Anita,” bilin ng dalaga sa ale sabay abot ng isang kapirasong papel. “Nakasulat na rin diyan ang oras ng pagpapainom at kung ilang beses. Pakipalitan mo din siya ng adult diaper niya at ibiling mo paminsan-minsan para hindi magkasugat ang kaniyang likod. Pakitignan na din kung pinagpapawisan siya, ah,” dagdag pa niya.

“Huwag na huwag siyang malilipasan ng gutom, ate, kailangan lagi itong nasa oras. Kahit paunti-unti. Pakidagdagan na lang ang pasensiya sa lola ko sapagkat matanda na siya. Minsan talaga ay madami siyang nasasabing hindi maganda kahit hirap siyang magsalita. Kung minsan naman ay sisimangutan ka. Baka kasi dala na rin ng nararamadam niyang hirap. Kung pwede lang talaga na ako ang mag-alaga sa kaniya ay gagawin ko. Kapag wala naman akong pasok sa opisina ay maari naman na kayong umuwi upang magpahinga,” sambit muli niya.

At saka umalis si Jenny patungong opisina. Ilang linggo ang nakalipas ay may napansin na si Jenny sa may braso ng kaniyang Lola Anita. Isa itong maliit na sugat.

“Lola, bakit po may sugat kayo?” tanong ni Jenny sa kaniyang Lola.

Hindi naman umimik si Aling Anita ngunit tinuro niya si Ditas. Nagulat si Jenny sa sagot ng kaniyang Lola kaya agad niyang kinumpronta si Aling Ditas.

“Ate, ano po ang nangyare sa braso ng lola ko? Bakit po may sugat?” tanong ni Jenny.

“Napansin ko nga rin ‘yan kanina at sasabihin ko dapat sa’yo kaso nakalimutan ko na sa dami ng ginagawa,” tugon ni Aling Ditas.

“Wala ho ba kayong kinalaman sa pagkakasugat ng lola ko?” tanong muli ng dalaga. “Huwag ninyo po masamain ang sinasabi ko, Ate Ditas, pero gusto ko lang po makasiguro na naaalagaan po ang lola ko,” dagdag pa niya.

“Pinagbibintangan mo ba ako, Jenny? Hindi ko magagawa sa lola mo ang ganiyang bagay,” saad ng ale.

Kahit na ganito ang sinabi ni Aling Ditas sa dalaga ay hindi pa rin siya mapakali lalo na nang makita niya na araw-araw ay nadadagdagan ang mga sugat at pasa ng lola niya sa braso. Kaya minabuti niyang maglagay ng CCTV. Nilagay niya ito noong gabi na nakauwi na si Aling Ditas. Hindi rin ito mapapansin ng ale sapagkat nakatago ito sa pagitan ng mga palamuti nila sa bahay.

Kinagabihan ng nakauwi na si Jenny sa kanilang bahay ay nakita niyang may pasa na namang malaki ang kaniyang Lola sa braso.

“Lola, bakit po ang laki ng pasa ninyo sa braso. Ano po ang nangyare?” nagugulumihanang sambit ng dalaga. “Huwag po kayong matakot, lola, sabihin ninyo na po sa akin. Si Ate Ditas po ba?” giit niya.

Dahil sa init ng ulo ay agad niyang kinumpronta ang aleng nag-aalaga sa kaniyang Lola. “Tignan mo ang ginawa mo sa lola ko!” sigaw niya kay Aling Ditas. “Ipapupulis kita!” sambit pa niya. Tumango lamang ang matanda bilang tugon.

“Jenny, sandali lang naman. Magpapaliwanag ako,” saad ni Aling Ditas. Ngunit ayaw magpapigil ni Jenny sa kaniyang galit. Agad niyang kinuha ang CCTV.

“Nandito ang ebidensiya ko, Ate Ditas! Sinisigurado ko sa’yo na makukulong ka. Matanda na ang lola ko at alam kong marami siyang nagagawang nakakawala ng pasensiya ngunit pinapasweldo kita para alagaan mo siya. Matanda na siya. Bakit mo siya pinapatulan? Hindi mo ba alam na tatanda ka rin balang araw? Baka mangyari iyan sa’yo!” walang tigil sa pagbubunganga ang dalaga.

“Jenny, hindi ko sinasaktan ang lola mo. Bakit hindi mo siya tanungin kung ano ang nangyayari? Matagal ko na itong gustong sabihin sa iyo, ngunit naiisip ko na kung hihinto ka sa iyong pagtatrabaho ay lalong hindi mo maibibigay ang pangangailangan niya. Alam ko na tatanda din ako kaya hindi ko kayang gawin ang binibintang mo sa akin,” paliwanag ni Ditas.

Pinanood ni Jenny ang CCTV at nagulat siya sa kaniyang nakita. Pinipilit ni Aling Anita na igalaw ang kaniyang katawan upang mahulog sa hinihigaan nito. Buti na lamang ay agad tumakbo si Aling Ditas at ginawa niyang pansalo ang kaniyang katawan nang mahulog ang matanda. Kahit na tumama ang braso ni Aling Anita sa higaan ay ligtas naman ang ulo nito salamat sa mabilis an pagsagip ng ale sa kaniya.

“Sinasaktan ng lola mo ang kaniyang sarili upang mapaalis ako at ikaw na muli ang mag-alaga sa kaniya, Jenny. Ngunit kahit anong gawin kako niya ay hindi niya ako mapapaalis sapagkat alam kong kailangan ninyo ako. Baka kasi makakuha kayo ng iba na hindi kayang intindihin ang lola mo at lalo siyang saktan. Baka kung anong malala pa ang mangayari,” saad ni Aling Ditas.

Sobrang hiya ang naramdaman ni Jenny sa pagbibintang kay Aling Ditas.

“Pasensiya na ho kayo, Aling Ditas, sa lahat ng hindi magandang nasabi ko. Sobrang mahal ko lamang po talaga ang lola ko at ayokong masaktan siya. Maraming salamat po sa pagkalinga ninyo sa kaniya,” sambit ni Jenny.

“Walang anuman ‘yon sakin, Jenny. Naiintindihan ko naman. Maging ako ay baka ganiyan din ang aking maging reaksiyon kung ako ang nasa kalagayan mo,” saad ng ale.

“Kayo naman po, Lola. Bakit ninyo ‘yon ginagawa sa sarili ninyo?” wika ng dalaga. “Hindi porkit po hindi ako ang nag-aalaga sa inyo ay hindi ko na po kayo mahal. Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal. Kaya nga po patuloy ako sa pagtatrabaho upang may mailaan ako para sa pampagamot ninyo. Para naman po umayos na ang pakiramdam ninyo at humaba pa ang buhay ninyo upang matagal ko pa po kayo makasama. Parang awa ninyo na po, lola, huwag n’yo na pong uulitin ulit ang ginawa ninyo,” dagdag pa ni Jenny.

Dahil sa ipinamalas na pagtitiyaga at lubusang pag-aaruga ni Aling Ditas kay Aling Anita ay naging pirmihan na doon ang ale. Bukod tanging si Aling Ditas lamang ang pinagkakatiwalaan ni Jenny sa pag-aalaga sa kaniyang lola. Sapagkat kahit nagtatrabaho siya ay panatag ang kaniyang damdamin na walang mangyayaring masama sa kaniyang pinakamamahal na Lola Anita.

Advertisement