Ipinaalaga ng Babae sa ‘Di Kilalang Lalaki ang Kaniyang Anak; Mabubunyag ang Itinatago Nitong Lihim
Mahal na mahal ni Agnes ang anak na si Boyet kahit na ang bata ay may kakulangan sa pag-iisip. Kahit siya ay dalagang ina ay hindi niya pinapabayaan ang anak.
Kahit naiiba si Boyet ay mabait naman itong bata. Tahimik lang ito at hindi nananakit kaya walang nagiging problema si Agnes sa pag-aalaga rito. Ang iniisip niya ay kung paano sila mabubuhay na mag-ina ngayong nagsara ang pinapasukan niyang kumpanya. Namomroblema rin siya kung kanino niya ihahabilin ang anak sa sandaling matanggap siya sa bagong inaplayang trabaho, ang nanay naman niya na nag-aalaga kay Boyet noong may trabaho pa siya ay sakitin na at hindi na maaaring mapagod. Isang araw ay may magandang balita siyang natanggap.
“Talaga po, tanggap na po ako?” masaya niyang tanong sa kausap.
“Yes, Ms. Ramos. By Monday kailangan ay maaga kang mag-report sa opisina,” sabi ng HR Staff sa kabilang linya.
“Opo, aagahan ko po!” aniya.
Pagkababa sa telepono ay masayang pinaghahagkan ni Agnes ang anak.
“Hmm, may good news ang nanay, may trabaho na ulit ako, anak!”
“Talaga, nanay? Bibili mo ulit ako burger?” wika ni Boyet. Iyon kasi ang paborito niyang pasalubong kapag sumasahod si Agnes.
“Oo naman, baby ko. Bibilhan kita ng maraming burger with spaghetti pa,” aniya sa anak.
Ngayong natanggap na siya sa trabaho ay iniisip niya kung sino ang mag-aalaga kay Boyet? Maghapon pa naman ang oras ng kaniyang trabaho sa bagong kumpanya.
Maya maya ay may kumatok sa pinto at nang buksan niya iyon ay tumambad sa kanya ang isang lalaki.
“Magandang umaga po, nariyan po ba si Ms. Agnes Ramos?” tanong nito.
“Ako nga, bakit anong kailangan?”
“Ako po si Robert. Ako po iyong apo ni Aling Maritess na kapitbahay ng nanay niyo na si Aling Fina,” pakilala ng lalaki.
“Ah, ikaw na ba ang apo ni Aling Maritess? Bakit ka naparito?”
“Sabi po ng nanay niyo na kailangan niyo raw ng magbabantay sa anak niyo? Ako po ang inirekomenda niya.”
Saglit na nag-isip si Agnes, mayamaya ay tinawagan ang ina. Nakumpirma naman niya sa ina na totoo ang sinasabi ng binata kaya pumayag na rin siya na ito na ang magbantay sa kaniyang anak.
Ipinagkaitiwala niya kay Robert ang pag-aalaga sa anak niyang si Boyet. Sa una ay wala namang naging problema ngunit isang araw ay may sinabi sa kaniya ang anak.
“Nanay, si Kuya Robert, pinipilit ako maglaro. Pag ayaw to galit siya sa akin!” sumbong ng anak.
“Ano? Anong nilalaro niyo?”
“Basta po nanay, sabi niya wag ko raw po sasabihin sa iyo, eh kundi magagalit siya ulit!”
Biglang kinabahan si Agnes sa sinabi ng anak.
Isang araw, nagkunwari siyang papasok sa opisina. Huhulihin niya sa akto kung ano ang ginagawa ni Robert kasama ang anak.
Aktong papasok siya sa loob ng bahay nila ay bigla siyang nakarinig ng sigaw. Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya si Robert na walang suot na pang-itaas at tanging brief lang ang suot. Pawis na pawis ito at takot na takot.
“Walang hiya ka, anong ginagawa mo sa anak ko?” galit na tanong niya sa lalaki.
Dahil sa lakas ng mga boses nila ay pinuntahan sila ng mga kapitbahay at nag-usisa sa kanila.
Napag-alaman niya na min*m*l*stya ni Robert ang kaniyang anak ngunit nang araw na iyon ay hindi nito naituloy ang balak dahil may isinumbong ito.
“May kalaro si Boyet, may kalaro si Boyet!”
“Anong sinasabi mo?”
“May kalaro si Boyet, kamukhang kamukha niya. Naglalaro sila!” nanginginig sa takot na sabi ng lalaki.
Hindi makapaniwala si Agnes sa ikinuwento ng lalaki. Dali-dali niyang pinuntahan sa kwarto ang anak at kinausap.
“Anong ginagawa niya sa iyo anak? Sabihin mo sa nanay!”
“Hindi po kami nakapaglaro ni Kuya Robert dahil may kalaro po ako. At kamukha ko siya nanay. Sabi niya hindi raw siya payag na maglaro kami ni Kuya Robert dahil bad daw siya,” bunyag ng bata.
Kinilabutan si Agnes sa isiniwalat ng anak. Napagtanto niya na ang tinutukoy ni Boyet na kalarong kamukha nito ay ang namayapa nitong kakambal na si Bambam. Dalawang taon na nang sumakabilang buhay ang isa pa niyang anak dahil sa malubhang sakit. Sa isip niya ay iniligtas ng kakambal ang kapatid sa kasamaang ginagawa ni Robert. Niyakap niya nang mahigpit ang anak at taimtim na nagpasalamat sa pumanaw niyang anak si Bambam na kahit wala na sa mundo ay nagawa pang iligtas ang kakambal.
Pinagdusahan sa kulungan ni Robert ang kasalanang ginawa. Nag-resign sa trabaho si Agnes at nagtayo na lang ng maliit na negosyo para sa kanilang mag-ina. Mula noon ay hindi na niya ipinagkatiwala sa iba ang anak. Ipinagdasal din niya ang kaluluwa ng namayapang anak na si Bambam na hindi na muling nagpakita pa kay Boyet.