
Nakipagkita ang Dalagita sa Nobyong Nakilala Lamang sa Text; May Masamang Balak Pala Ito sa Kaniya
Malapit nang makapagtapos sa high school si Nica at parehas silang nasasabik ng kaniyang ina sa pinakahihintay na araw. Si Aling Lucing na halos hindi na makatulog kakaisip kung ano ang ireregalo sa nag-iisang anak.
Isang araw, namasyal si Nica sa bahay ng isa niyang kaklase at nagkaroon ng oras si Aling Lucing na bumili ng regalo para sa anak. Dali-dali siyang pumunta sa mall at doon nakakita siya ng isang magandang kwintas.
“Siguradong magugustuhan ito ng anak ko,” sabi ni Aling Lucing sa isip.
Nagkasya naman ang pera niya para sa kwintas na ireregalo niya sa anak sa nalalapit na pagtatapos nito sa high school. Pagkauwi nito sa bahay, agad niya itong ibinalot at itinago sa tokador.
Lumipas ang isang linggo at dumating na ang araw na pinakahihintay ng mag-ina. Mangiyak-ngiyak si Aling Lucing habang pinagmamasdan ang pag-akyat ng anak sa entablado para kunin ang diploma nito.
Pagkatapos ng seremonya ay nagpakuha ng litrato ang mag-ina. Inabot rin ni Aling Lucing ang kaniyang sorpresa kay Nica na agad naman nitong binuksan.
“Naku! Kay gandang kwintas naman nito, inay? Regalo niyo po ba ito sa akin? Salamat po!” tuwang-tuwang sabi ng anak.
“Mabuti naman anak at nagustuhan mo, pakaiingatan mo iyan ha,” wika ng ina.
“Siyempre naman po, inay. Iingatan ko po itong regalo niyo sa akin.”
Kinagabihan, habang kausap ni Nica ang kaniyang boyfriend sa cell phone ay agad niyang ibinida rito ang regalo ng ina. Walang kaalam-alam si Aling Lucing na may boyfriend na ang anak at ito ay walang iba kundi si Benjo na sa text lang nakilala ni Nica. Kahit kailan ay hindi pa sila nagkikita ng binata. Sa cell phone lang niya ito nakakausap. Sabi kasi nito ay nasa probinsya ito kaya hindi sila nakakapagkita. Long distance relationship ‘ika nga.
“Alam mo ba, babe, niregaluhan ako ni inay ng mamahaling kwintas. Napakaganda nga e,” sabi niya sa kausap.
“Talaga, babe? Teka, puwede ba tayong magkita? Luluwas ako sa Maynila para magkita na tayong dalawa. Gusto ko babe na suot mo iyang maganda mong kwintas na sinasabi mo ha?” tugon ng lalaki sa kabilang linya.
Agad na pumayag si Nica sa gusto ng nobyo. Ang hindi niya alam ay narinig pala siya ng ina.
“Ano yung narinig kong makikipagkita ka sa boyfriend mo? May boyfriend ka pala at hindi mo man lang iyan sinabi sa akin?” gulat na tanong ni Aling Lucing.
Hindi na nakatanggi pa si Nica.
“Opo, inay may boyfriend na po ako at long distance po ang relasyon namin. Wala naman pong problema dun e, mabait po si Benjo.”
“Ganun ka ba ka-kampante na mabuting tao yan, e, sa cell phone mo lang nakilala? At makikipagkita ka pa sa hindi mo lubos na kilalang tao,” sabi pa ni Aling Lucing sa anak.
“Kaya nga po magkikita kami upang magkakilala kaming dalawa. Hirap naman sa inyo minsan na nga lang ako lumabas marami pa akong maririnig,” sabi ni Nica bago padabog na pumasok sa kwarto niya.
Nagulat si Aling Lucing sa inasal ng anak. Dati-rati ay ni hindi ito magawa na sagutin siya nang ganun. Nagtimpi na lang siya at ipinagpatuloy ang pagluluto ng kanilang hapunan.
Isang araw, pagkagising ni Aling Lucing ay wala na ang anak sa kwarto nito. Sa isip niya ay itinuloy rin nito ang pakikipagkita sa nobyo. Taimtim na lamang na nanalangin ang babae na nawa ay ingatan at gabayan ang anak kung saan man ito tutungo.
Nang sumapit ang ala-una ng hapon ay laking gulat ni Aling Lucing dahil biglang dumating ang anak na si Nica na humagagulgol sa pag-iyak.
“Anong nangyari sa ‘yo, anak? Bakit ka umiiyak?” tanong ng ina sa anak.
“Inay, si Benjo po!”
“A-anong ginawa ng lalaking iyon sa iyo, anak? Magsalita ka!”
“Nang magkita po kami ay bigla na lang po niyang hinablot ang ibinigay niyong kwintas sa leeg ko at kumaripas siya ng takbo. Ilang beses ko po siyang tinawagan pero hindi na po niya sinasagot ang mga tawag ko,” sabi ng anak habang umiiyak.
“Naku, anak. Sinasabi ko na nga ba at hindi mapagkakatiwalaan ang lalaking iyon. Ginamit ka lang niya, anak, para makapagnakaw. Isa siyang magnanakaw at ang target niya ay ang kwintas na ibinigay ko sa iyo. Ang akala naman niya ay nagtagumpay na siya, ang hindi niya alam ay hindi totoong mamahalin ang kwintas na iyon. Mura lang ang bili ko niyon sa mall. Huwag kang mag-alala, anak, at bibilhan na lang kita ulit ng bago, yung totoong mahal na, pero huwag mo nang ipapanakaw ulit ha?” natatawang sabi ng ina.
“Inay, ibig niyo pong sabihin ay…”
“Oo, anak. At salamat sa Diyos at hindi ka niya hinayaang mapahamak.”
“Patawad po, inay. Mula ngayon ay hindi na po mauulit ang aking ginawa.”
At nagkapatawaran ang mag-ina. Mula noon ay hindi na naglihim pa si Nica sa kaniyang nanay.