
Palaging ang Lalaki ang Nasusunod sa Magkasintahang Ito; Laking Pagsisisi ng Lalaki nang Bigla Siyang Iwan ng Nobya
Limang taon na nagsasama bilang magkasintahan sina Jason at Cecile. Nagkakasundo naman sila sa lahat ng bagay at tanggap ng kani-kanilang pamilya kung ano man ang relasyon na mayroon sila.
Sa kanilang dalawa ay si Jason ang nagdadala ng kanilang relasyon. Mas magaling makipag-usap o makipagkomunikasyon si Jason kaysa sa nobyang si Cecile na sobrang tahimik at mahiyain kaya naman ang lalaki ang palaging nasusunod sa kanilang dalawa. Minsan nagpaalam si Cecile sa nobyo na may pupuntahan ito.
“Labs, may sasabihin sana ako sa iyo, e,” seryosong sabi ni Cecile.
“Sure, ano naman iyon, labs?” nakangiting tanong ni Jason sa nobya.
“M-matagal na kasi naming napag-usapang magkakaibigan na magpunta sa Baguio. Malapit na kasing ikasal si Rita kaya napagdesisyunan naming doon na rin gawin ang kaniyang bridal shower. Napagpasyahan namin na sa weekend kami pumunta roon.”
“Labas, ‘di ba may pupuntahan tayo ngayong darating na weekend? Nanagako ka na magde-date tayo nun. Minsan na nga lang tayo magkasama ng mahaba-habang oras, tuwing weekend na nga lang tayo nakakalabas at nakakapamasyal, e. Baka naman puwedeng sa susunod na linggo na lang kayo pumunta sa Baguio? Sabihin mo na lang sa mga kaibigan mo na i-reschedule, okay lang ba?”
“O-okay, labs. Sabihin ko na lang sa kanila na sa susunod na linggo na lang namin ituloy ang pagpunta sa Baguio,” mahinang sabi ng babae.
“Thank you, thank you labs! Sabi na nga ba at pagbibigyan mo ako, e,” tuwang-tuwang wika ni Jason sabay yakap nang mahigpit sa nobya.
Sa loob ng limang taon ay ganoon ang takbo ng kanilang relasyon. Palaging si Jason ang nasusunod sa kanilang dalawa at si Cecile ang palaging umuunawa sa kagustuhan ng nobyo. Ang katuwiran ni Jason ay siya ang lalaki at siya dapat ang nasusunod sa kanila.
Minsan ay niyaya ni Cecile si Jason na magbakasyon. Tutal ay isineselebra naman nila ang kanilang anibersaryo bilang magkasintahan.
“Ano labs, tuloy na tayo sa Caticlan ha? Maganda roon at siguradong mare-relax tayong dalawa,” wika ng babae.
“Teka, labs, hindi ako puwede sa araw na gusto mong umalis tayo papuntang Caticlan, nakapangako na ako sa mga kaibigan ko na magma-mountain climbing kami.”
“Ano?”
“Pasensiya na, labs, i-resched na lang natin ang bakasyon natin sa Caticlan. Hindi ko na maaaring kanselahin ang lakad namin,” hayag ng lalaki.
“P-pero anniversary natin iyon, hindi ba natin puwedeng ma-solo muna ang isa’t isa?” tanong ng nobya.
“Sorry na labs, hayaan mo at babawi ako sa iyo,” anito sa malambing na boses.
“Ano pa bang magagawa ko,” lulugo-lugong sabi ni Cecile.
Isang araw ay nagpaalam ulit si Cecile sa nobyo na pupunta naman ito sa kaarawan ng pinsan na matagal nang hindi nakikita.
“Labs, magpapaalam sana ako sa iyo. Birthday ngayon ni Cathy, yung pinsan kong kakauwi lang galing sa Saudi. Nangako kasi ako na pupunta, e,” paalam ng babae.
“Naku, labs puwede bang pass ka muna diyan? Magpapasama sana ako sa iyo na bumili ng birthday gift para sa bunso kong kapatid, e. Magde-debut na kasi siya sa susunod na linggo,” wika ng nobyo.
“Nangako kasi ako sa pinsan ko na darating ako sa espesyal na araw niya. Kahit ngayon lang, labs, pagbigyan mo naman ako,” pagsusumamo ng nobya.
“Pero mahalaga rin ang regalo para sa kapatid ko. Wala namang pasok bukas kaya puwede mo siyang puntahan sa kanila. Ako muna ang samahan mo, please?” pakiusap ng lalaki.
Napapikit na lang si Cecile at matipid na nginitian ang nobyo.
“Okay, labs. You win,” anito.
Nang sumunod na buwan ay naging mas madalang na ang pagkikita ng magkasintahan dahil naging abala si Jason sa kaniyang trabaho lalo na at nadestino ito sa Cebu ngunit habang tumatagal ay nawawalan na sila ng komunikasyon. Nag-aalala na si Cecile kung bakit hindi man lang tumatawag o nagte-text sa kaniya ang nobyo samantalang nangako sila na kukumustahin ang isa’t isa kahit magkalayo sila. Hindi nagtagal ay bumalik na rin si Jason, natapos na ang trabaho nito sa Cebu. Napansin ng binata na tila may nagbago sa kaniyang nobyang si Cecile mula nang siya ay makabalik. Kung dati ay sobrang lambing nito sa kaniya kapag magkasama sila, ngunit tila nabawasan ang lambing na iyon. Nag-aalala rin ang lalaki kung bakit hindi na siya nito niyayayang lumabas silang magkasintahan. Isang araw ay dinalaw niya ito ang nobya sa bahay nito.
“Hi, labs! Ako na ang bumisita sa iyo rito kasi napapansin ko na hindi ka nagrereply sa mga text ko,” ani Jason sa nobya sabay yakap rito nang mahigpit.
“Mabuti at pinuntahan mo ako rito. Gusto sana kitang mag-usap,” seryosong sabi ng babae.
Napansin ng lalaki na halos hindi man lang siya nito niyakap. Wala man lang itong reaksyon nang yakapin niya. Naramdaman niya ang panlalamig ng nobya.
“B-bakit, labs, may problema ba?” tanong niya.
“Ayoko na, Jason. Pagod na ako,” anito.
Nagpanting ang tainga ng lalaki sa sinabi ng nobya. Pinilit niya ang sarili na nagkamali lang siya ng pandinig.
“What? H-hindi kita maintindihan, labs?” nagtataka niyang tanong.
“Tinatapos ko na kung ano man ang mayroon sa natin, Jason. Pagod na ako na palaging ikaw na lamang ang nasusunod sa relasyon natin. Palagi na lang akong nagbibigay at nang nagtrabaho ka sa Cebu, hindi ka man lang nagparamdam sa akin? Ilang beses kitang tinawagan, tinext at chinat sa messenger pero hindi mo ako sinasagot. Mas inaatupag mo pa siguro ang mga kaibigan mo sa trabaho mo kaysa sagutin ang mga tawag at text ko sa iyo. Alam mo ba na nag-alala ako sa iyo ng sobra, Jason? Pero anong ginawa mo, hindi mo ako sinagot. Tapos sa pagbalik mo ay wala man lang akong narinig na paliwanag sa iyo kung bakit hindi mo ako sinasagot. Palaging ako na lang ba ang uunawa? Ayoko na, mabuti pa ay maghiwalay na lang tayo,” hayag ng nobya.
Hindi nakapagsalita si Jason. Nakaramdam siya ng guilt dahil kasalanan niyang hindi sagutin ang mga tawag at text ni Cecile dahil naging sobra siyang abala sa kaniyang mga kaibigang katrabaho. Ang akala niya ay uunawain pa rin siya ng nobya gaya ng dati, dahil nasanay na siyang palagi siya nitong inuunawa at pinagbibigyan ngunit iba na ngayon, natauhan na si Cecile at pagod nang umunawa at pagbigyan siya kaya humantong na sa hiwalayan.
Walang nagawa si Jason, kahit pa nagmakaawa siya sa nobya ay buo na ang desisyon nito. Laking pagsisisi ni Jason dahil hindi niya binigyang halaga ang nobya. Ipinangako naman niya sa sarili na gagawin ang lahat para maibalik muli ang pagmamahal sa kaniya ng napagod na puso ng kaniyang kasintahan.