Sa Sobrang Kahigpitan ng Ina, Hiniling ng Babaeng Ito na Sana Iba Nalang ang Naging Ina Niya, Di Niya Akalaing May Masakit Pala Itong Pinagdadaanan
“Bawal ang cellphone!” “Bawal makipagchat sa ‘di kakilala!” “Bawal ang boyfriend!” Rinding-rindi na si Miya sa araw-araw na sermon ng ina. Halos lahat nalang kasi ay pinagbawal nito. Naaasar siya dahil sa edad niyang 15 anyos ay bawal pa rin ang cellphone o makipag-chat sa iba. Samantalang ang mga kaklase niya ay puro smartphone ang hawak at kung sino-sino na ang nakakachat. “Bwisit, nakakasakal!” palagi niyang parinig dito na palagi rin nitong binabalewala. Simula bata ay nakaranas na siya ng istriktang pagdidisiplina sa kanyang ina. Nasa abroad kasi ang papa niya at minsan lang umuwi kapag magbabakasyon. Kaya naman siya talaga ang kawawa sa mga hindi maintindihang sumpong ng ina. “Ma, punta lang ako kila Carla. Gagawa kami ng project,” paalam niya dito isang araw. “Okay, umuwi ka bago mag-alas sais.” Napakamot siya ng ulo, “Ma naman! Hindi naman po namin matatapos agad iyon. Deadline na po ‘nun.” “Wala akong pakialam sa deadline-deadline na ‘yan. Umuwi ka ng alas-sais!” Wala na siyang nagawa kundi kunin ang bag nang padabog, “Pinagdadabugan mo ba ako, Miya Clarisse?!” Galit na ang mama niya. Tinawag na kasi siya nito sa buo niyang pangalan. “Kung ayaw mo sa kondisyon ko, huwag ka nang umalis!” “Talaga. Para bumagsak nalang ako sa subjects ko! Paulit-ulit nalang ‘to eh!” hindi niya na napigilang sumagot. Isang malutong na sampal ang inabot niya, “Wala ka pang karapatang sumagot saking, bata ka. Ako pa ang nagpapalamon sayo.” “Talaga po ba? Sa pagkakaalam ko po kasi, sipapaang nagpapalamon po sa atin!” first time niyang ibulalas ang inis sa ina. Ilang taon niya ring kinimkim iyon. “Sana hindi nalang ikaw naging nanay ko!” Tumakbo siya palabas ng bahay. Nagtaka siyang hindi siya hinabol ng ina. Nagtungo siya sa bahay ng best friend niya. Doon ay nakigamit siya ng phone upang tawagan ang amang nasa abroad. “Hello?” nagtaka siyang babae ang sumagot. “Sino ‘to? Anong kailangan mo sa asawa ko?!” Agad na tumulo ang luha niya. Chineck niya kung tama ba ang numerong tinawagan niya. “Nandyan ba ang papa ko?” Napatikhim ang babae sa kabilang linya, “Wala. Nasa trabaho pa. Pwede ba huwag ka ng tumawag? Nangako na ang ina mong hindi na manggugulo sa amin ah!” Iyak siya nang iyak na bumalik ng bahay. Inalam niya ang katotohanan sa ina. Hindi na naman iyon itinanggi ng mama niya. Kaya pala sobrang istrikta nito. Humingi siya ng tawad dito. Simula noon ay inintindi niya na ang nanay niya. Naka-graduate siya ng college na may award pa. “Salamat Ma, kung hindi po dahil sa kaistriktahan niyo, baka matagal na rin ako pariwara sa buhay.” Marami kasi sa mga kaklase niya ang hindi nakagraduate dahil maagang nabuntis, “Wala ‘yun anak. Sana lang maintindihan mo na ang lahat ng ginagawa ko ay para sayo.” “Opo ma. I love you po.” Sa pag-iisip lamang natin ng pansarili nating kapakanan bilang mga anak, hindi na natin napapansin ang mga tao sa paligid natin. Lalo na ang ating mga magulang. Natanong ba natin sa mga sarili natin kung kamusta na ang nanay natin pagkagaling natin sa eskwela o sa trabaho? Inaalam ba natin ang tunay na dahilan kung bakit nila tayo pinaghihigpitan? Masasabi ba talaga nating nanaisin ng isang inang maging miserable ang kanilang mga anak? Hindi pa huli ang lahat, lapitan mo ang mama mo ngayon at tanungin mo, “Ma, kamusta ka?” Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.