Inday TrendingInday Trending
Hinuli ng mga Pulis ang Matandang Nagtitinda sa Bangketa; Magugulat Sila sa Laman ng Kariton Nito

Hinuli ng mga Pulis ang Matandang Nagtitinda sa Bangketa; Magugulat Sila sa Laman ng Kariton Nito

Patuloy ang pagbusina ng mga sasakyan at panay naman ang hingi ng tawad ng matandang sii Aling Trining habang pilit niyang itinatawid sa kalsada ang tulak-tulak na mabigat na kariton.

“Sandali lang! Patawad! Patawad!” patuloy na paghingi ng paumanhin ng matanda.

“Dapat kasi ay wala ka dito sa lansangan! Nakakaabala ka! Itabi mo na ‘yang kariton mo dahil baka sagasaan ko na ‘yan! Isasama na kita!” bulyaw ng isang nagmamaneho.

Samu’t saring masasakit na salita at mura ang tinatanggap ng kaawa-awang matanda.

Kahit na patuloy ang pagkakagulo sa gitna ng daan ay wala man lamang nagtangkang tumulong kay Aling Trining na makaalis sa kaniyang kinatatayuan.

Parang nakikipagpatintero tuloy ang matanda sa mga kotseng patuloy ang pagbusina sa kaniya.

Nang makarating sa kabilang parte ng kalsada ay saka niya inilabas ang sako at ilang panindang gulay.

Ang akala niya ay matatapos na ang kalbaryo niya nang araw na iyon, nang biglang magdatingan ang ilang awtoridad. Nililinis nila ang bangketa mula sa mga ilegal na nagtitinda.

Madaling-madali ang lahat na magligpit at magbitbit ng kanilang paninda palayo sa bangketa. Dahil nga matanda na ay hirap na rin siyang kumilos. Dahil doon ay naabutan siya ng mga pulis.

Pilit na kinukuha nito ang kaniyang mga paninda.

“Ginoo, pakiusap naman! Aalis na ako! Huwag mo nang kunin ang mga paninda ko! Lilipat na ako ng p’westo!” pagmamakaawa ni Aling Trining.

“Manang, ilang beses na po namin kayong pinakiusapan na huwag na kayong magtitinda rito dahil ang bangketa ay para sa mga taong naglalakad. Nakahambalang kayo rito. Kayo ang hindi sumusunod sa batas, e! Ilang beses na kayong pinakiusapan!” saad naman ng pulis.

Lumuhod na sa pagmamakaawa si Aling Trining upang ibalik sa kaniya ang kaniyang mga paninda.

“Pangako, huling beses na ito, ginoo. Hindi na ako babalik pa! Parang awa mo na,” umiiyak na sa labis na hinagpis itong ang matanda.

“O siya, sige! Pero huling beses na ito! Kapag nakita pa kita rito ay ikukulong kita, kukunin ko ang mga paninda mo at maging ang kariton niyo ay sisirain ko!” bulyaw ng lalaki.

Pabato nitong ibinalik ang mga tindang gulay ni Aling Trining. Isa-isa namang pinulot ng matanda ang mga gulay sa kalsada.

Inilagay ng matanda ang kaniyang mga paninda sa kariton at buong lakas niya muli itong itinulak.

Kailangan niyang makahanap ng ibang lugar na mapapagbentahan ng kaniyang paninda kung hindi ay problema na naman ang pagkain at gamot.

Nang mapagod sa katutulak si Aling Trining ay saglit siyang huminto.

“Sa tingin ko ay p’wede na akong magtinda rito. Marami rin namang dumadaan kahit paano,” saad ng matanda.

Hindi na kaya kasi ni Aling Trining ang maglako dahil mabigat talaga ang tinutulak niyang kariton.

Hapon na at halos wala pa ring benta ang matanda.

“Umalis na raw ang mga pulis, Aling Trining! P’wede na tayong bumalik doon sa bangketa. Tamang-tama at uwian na ng mga tao ngayon. Makakahabol pa tayo ng tinda!” saad ng isang tinderang babae.

Kahit na nagdadalawang-isip dahil nga nakapangako na ay muling itinulak ni Aling Trining ang kaniyang kariton pabalik sa nasabing bangketa. Lumingon siya sa paligid. Nakita niyang nagtitinda na muli ang mga kasamahan niyang tindero doon. Wala na rin ang mga pulis na humihuli sa kanila kanina.

Nagdesisyon ang matanda na muling maglatag sa bangketa ng kaniyang paninda.

Hindi nga siya nagkamali. Marami ang agad bumili ng gulay sa kaniya.

Ngunit hindi pa man nagtatagal ang kaniyang pagbebenta ay nariyan na naman ang mga pulis at muling nanghuhuli.

“Ang titigas talaga ng mga ulo ninyo! Tumalikod lang kami ay narito na naman kayo!” saad ng isang pulis.

Nagpulasan ang ibang mga tinderong katabi ni Aling Trining. Muli, hindi nakatakbo ang matanda.

“Ikaw na naman, tanda? Hindi ba’t nag usap na tayo kanina? Hindi ako ang sumira sa pangako! Wala na akong magagawa dahil ang tigas ng ulo mo!” sambit pa ng ginoo.

“Patawad talaga! Kailangan ko lang kasing kumita ng pera kung hindi ay wala akong ilalaman sa sikmura namin ng anak ko!” pagtangis ng matandang ginang.

“Naku, kumita na ang dahilan na ‘yan! Huwag mo na akong dramahan tanda dahil nakita at narinig ko na ang lahat ng iyan! Samsamin n’yo na ang mga paninda nito at ilagay sa truck! Isama n’yo na rin ang matandang ito pati ang kariton niya!” dagdag pa ng pulis.

“Pakiusap, kunin n’yo na ang paninda ko huwag lang ang kariton! Nagmamakaawa ako!” sambit pa ni Aling Trining.

Ngunit wala na siyang nagawa pa. Hinuli na siya at ang kariton naman niya ay isinakay na sa isang trak.

Habang nasa himpilan ay kinakastigo ng mga pulis itong si Aling Trining. Ngunit patuloy sa paghahanap ang matanda ng kaniyang kariton.

“Ibalik n’yo na ang kariton ko, parang awa n’yo na!” umiiyak na pagmamakaawa ng matanda.

“Tumigil ka sa kakaiyak mo, tanda! Halatang sanay na sanay ka na rito sa presinto, e! Siguro ay hawak kayo ng isang grupo, ano? May nilalagyan ba kayo para makabalik kayo sa bangketang iyon? Sagot!” bulyaw ng isang pulis.

“Ginoo, wala po. Desisyon ko ang magtinda sa bangketa dahil maraming mamimili doon. Parang awa n’yo na, pakawalan n’yo na po ako at ibigay n’yo na sa akin ang kariton ko! Kailangan ako ng anak ko!” pagsusumamo muli ni Aling Trining.

“Anak? Mukhang ang anak mo ay isa sa mga hinuhuli namin dahil sa droga, e! Anak? Kung sana ay ginamit mong dahilan ang apo mo ay baka maawa pa kami!” saad naman ng pulis.

“Ginoo, parang awa n’yo na. Kailangan ako ng anak ko. Nagtitinda ako sa bangketa araw-araw dahil kailangan niya ng gamot at pagkain. Kahit nga matanda na ako ay hindi ko iniinda dahil ang nais ko ay maalagaan siya! Parang awa n’yo na, akin na ang kariton ko!”

Maya-maya ay nariyan na ang isang tauhan.

“Boss, yung nakuha nating kariton, may lamang tao! Nagulat nga kami, kaya dinala namin dito!” saad ng lalaki.

Napatakbo palabas si Aling Trining at agad na dumiretso sa kaniyang kariton.

“A-anak! Anak ko, ayos ka lang ba?” umiiyak na sambit ng ina.

Lahat ay nagulat nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng anak ni Aling Trining. Halos buto’t balat na ito at nakahiga lamang sa kariton kasama ang ilang mga gamit.

“May kapansanan ang anak ko at kailangan niya ang tulong ko. Tanging ang kariton na ito lang ang aming tirahan kaya naman nakikiusap ako na sana ay huwag n’yo na itong kunin sa amin. Lalong hindi ko makakaya na alagaan ang anak ko kung malalayo siya sa akin!” muling pagtangis ng matanda.

“Hanggang ngayon ay ikaw lang ang nag-aalaga sa anak mo? Kahit matanda ka na ay ikaw pa rin ang tumitingin sa kaniya?” tanong ng isang pulis.

“Bakit? Kailan ba natatapos ang magiging isang ina ko? Kailangan ako ng anak ko. Higit niya akong kailangan ngayon kaya buong lakas ko ay ibibigay ko! Kahit ang sarili kong buhay basta lang mailagay ko siya sa ayos!” sagot pa ni Aling Trining.

Magkasamang habag at paghanga ang naramdaman ng mga pulis kay Aling Trining. Dahil dito ay pinalaya na siya.

Ngunit hindi lang basta doon natatapos ang pagtulong na ginawa ng mga pulis. Nang gabing iyon ay nag-ambagan ang lahat upang makakain ang mag-ina. Ang sobrang pera ay ipinabaon na lang nila rito upang pandagdag panggastos.

Marami ang nakaalam ng kwento ni Aling Trining. Isa-isang dumagsa ang tulong para sa kanila. Hanggang sa mayroong mga nag magandang loob na sagutin ang pagpapagamot ng anak nito.

Maging ang lokal na pamahalaan ay nagbigay rin ng tulong sa mag-ina. Binigyan sila ng masisilungan nang sa gayon ay hindi na sila tumira pa sa kariton.

Ngayon ay may maayos nang masisilungan si Aling Trining at ang kaniyang anak. Hindi na rin niya kailangan pang makipagsalpalaran sa lansangan dahil mayroon na siyang sariling tindahan.

Lubos ang galak sa puso niya. Hindi niya akalain na magbabago ang kaniyang buhay.

“Maraming salamat sa inyo. Kahit na ako ay nasa dapit hapon na ng aking buhay ay mararanasan ko pa rin ang ginhawa. Kaya ko namang ipagpalit ang lahat ng ito basta masigurado ko lang na gagaling ang anak ko,” saad pa ng matanda.

Lubos na napahanga ni Aling Trining ang marami. Isa siyang halimbawa ng isang magiting na ina na gagawin ang lahat para lang sa kaniyang anak.

Advertisement