
Taliwas sa Pananampalataya ng Ina ay Hindi Naniniwala ang Anak sa Diyos; Sa Bibliya ng Ina Pala Niya Makikita ang Kasagutan sa Lahat ng Problema
Inabutan ni Joy ang kaniyang inang si Teresa na mapayapang nagkakape at nagbabasa sa kanilang veranda isang umaga. Galing kasi si Joy sa isang conference sa Hong Kong dahil siya ang representante ng kanilang kompanya.
Nang makita siya ng ina ay masaya siyang sinalubong nito.
“Napaaga yata ang uwi mo, anak? Akala ko ba ay mamayang gabi ka pa?” saad ni Teresa sa anak.
“Kinuha ko na po ang unang flight dahil tapos naman na po ang trabaho ko sa Hong Kong. Isa pa, nakakailang balik na rin naman ako sa lugar na iyon kaya wala na akong balak pang maglibot pa. Nakabili na rin naman ako ng pasalubong para sa inyo. Nasa loob pa po ng kotse,” tugon naman ni Joy.
“Hinay-hinay sa pagtatrabaho, anak. Baka mamaya ay masyado mong pinupwersa ang sarili mo. Tingnan mo ang daddy mo. Masyadong na istres sa trabaho kaya maagang kinuha sa atin. Kailangan talaga, kahit minsan ay may oras tayo sa pahinga at pagninilay-nilay. Kung may panahon ka nga sana ay samahan mo ako dito sa veranda at babasahan kita ng ilang paborito kong mensahe mula sa librong ito,” paanyaya pa ng ina.
Tiningnan ni Joy ang binabasa ng ina.
“Bibliya? Sige po, ‘ma, sa susunod na lang po dahil pagod ako sa byahe. Ang nais ko lang pong gawin ngayon ay matulog at magpahinga,” pag-iwas ni Joy.
Naunawaan naman ito ni Teresa dahil alam niyang masipag magtrabaho ang kaniyang anak.
Muling bumalik si Teresa sa pagbabasa ng bibliya.
Sa totoo lamang ay magkaiba ang pananaw sa buhay nitong si Teresa at ng kaniyang anak na si Joy. Lubos na naniniwala sa Panginoon itong si Teresa ngunit iba naman ang pinaniniwalaan ni Joy. Simula kasi nang mawala ang pinakamamahal na ama ay hindi na siya naniwala pa sa Diyos. Kaya sa tuwing yayayain siya ng ina na magsimba o hindi kaya ay magdasal, magrosaryo, o magbasa ng bibliya ay agad siyang umiiwas.
Kinabukasan ay nakatanggap ng magandang balita itong si Joy. Maganda kasi ang naging resulta ng pagdalo niya sa conference sa Hong Kong at nakuha ng kaniyang kompanya ang malaking deal sa ibang bansa.
Maganda ito para sa inaasam na promotion ni Joy.
Pag-uwi niya sa bahay ay agad niyang sinabi sa kaniyang ina ang magandang balita.
“Maraming salamat sa mahabaging Diyos at pinakinggan Niya ang aking mga panalangin. Bukas ay magpapamisa ako ng pasasalamat sa simbahan para sa magandang balita na iyan,” wika ni Teresa sa anak.
“Hindi n’yo na po kailangan pang gawin iyan, ‘ma. Hindi naman ang Diyos ang nagbigay ng ganitong pagkakataon sa akin dahil sarili kong kakayahan ang nagdala sa akin dito. Sige po at kailangan ko nang magpahinga dahil bukas ay marami na naman akong trabaho,” wika pa ni Joy sa ina.
Nangangamba si Teresa sa kaniyang anak dahil sa disposisyon nito sa buhay na hindi naniniwala sa Panginoon.
Isang araw nang makakita ng pagkakataon itong si Teresa ay kinausap niya ang anak.
“Joy, tara at samahan mo ako sa veranda. Maaari mo ba akong basahan kahit isang pahina lang nitong bibliya?” pakiusap ng ina.
“Pasensya na po, ‘ma, pero marami pa po akong gagawin. Sa susunod na pagkakataon na lamang po,” pagtanggi naman ni Joy.
“Anak, baka akala mo ay hindi ko napapansin pero alam kong hindi ka naniniwala sa Diyos. Dapat mong ipagpasalamat sa Kaniya ang lahat ng mayroon ka ngayon. Galing sa Diyos ang kakayahan mo,” saad pa ni Teresa.
“‘Ma, naabot ko ang lahat ng mayroon ako dahil pinagsumikapan ko. Minsan na nga lang ako humiling diyan sa Diyos mo pero hindi pa ako napagbigyan. Nawala lang ng gano’ng kabilis si daddy sa atin. Kaya paano n’yo masasabi sa akin na totoo ang Diyos? Saka kahit kailan ay hindi na muli akong lalapit pa sa Diyos na iyan dahil hindi siya totoo. Sa akin kayo magpasalamat dahil ako ang bumubuhay sa inyo!” pagtataas ng boses nitong si Joy.
Ikinabigla ni Teresa ang inasal ng anak.
“Alam kong hindi mo sinasadya ang mga nasabi mo, Joy. Naguguluhan ka lang. Basta pakatandaan mo, anak. Sa lahat ng pagkakataon ay narito sa bibliya ang kasagutan,” wika muli ng ina.
Lumipas ang ilang araw at naging malamig na ang pakikitungo ni Joy sa kaniyang ina.
Hanggang sa isang araw ay nagkaroon ng sunog sa kanilang bahay. Sa tindi ng usok ay nahirapan si Teresa na huminga. Nadala man siya sa ospital ngunit ilang araw na itong walang malay.
Bukod pa sa bayarin sa ospital ay nalimas din ang ipon nitong si Joy dahil tuluyan na ring nagsara ang kompanya na kaniyang pinagtatrabahuhan dahil sa naluging mga investments. Nais man niyang ipagawa ang kanilang bahay ay hindi niya magawa dahil sa kakulangan ng pondo.
Hindi pa rito natapos ang pagsubok sa buhay ni Joy. Isang kamag-anak kasi ang kumakamkam ng kanilang lupa. Ang sabi nito ay sa kanila raw talaga ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ngunit dahil sa wala pa ring malay si Teresa ay hindi mapatunayan ni Joy na sa kanila talaga ang lupang iyon.
Napabuntong hininga na lamang si Joy dahil sa lahat ng problema.
Pumunta siya sa natupok nilang bahay upang maghanap ng mga bagay na mappakinabangan. Hanggang sa nakita niya ang paboritong libro ng kaniyang ina. Laking pagtataka niya dahil kahit na lubhang natupok ng apoy ang kanilang bahay ay ni wala man lamang bakas ng sunog sa aklat ng ina.
Napaupo sa sahig si Joy at saka niya binuksan ang bibliya. Unti-unti niyang binasa ang laman nito hanggang sa tuluyang napaluha. Tila nakikipag-usap kasi sa kaniya ang Diyos sa pagkakataong ito.
Nabuhayan muli ng pag-asa si Joy para lumaban.
Naalala niya ang hilig ng kaniyang ina sa pagbabasa ng bibliya kaya naman araw-araw niya itong binabasahan habang nakaratay sa ospital.
“Ma, humingi na po ako ng kapatawaran sa Diyos. Alam kong ang lahat ng nangyari sa atin ay hindi dahil pinarurusahan Niya ako. Pero malaki ang aral na nakuha ko sa pagsubok na ito dahil dito ay muli akong tumawag sa Kaniya. Tama po kayo, ‘ma, ano man ang sitwasyon ko sa buhay ay narito sa bibliya,” saad ni Joy sa wala pa ring malay na ina.
Tanging sa bibliya ng ina kumapit itong si Joy. Nagpatuloy ang kaniyang pananampalataya.
Hanggang isang umaga, pagbuklat ni Joy ng Bibliya ay nakita niya ang isang papel na nakatiklop ay nakaipit sa libro.
Pagbuklat niya ay laking gulat niya nang makita ang titulo ng lupa at isang tseke na nakapangalan sa kaniya.
“Tatlong milyong piso? May ganitong kalaking pera si mama?” wika pa ng dalaga.
Malaking bagay ang titulo at ang tsekeng natagpuan ni Joy para sa ilan niyang problema. Ang hinihiling na lamang niya sa Panginoon ngayon ay ang pagkakaroon ng malay ng kaniyang ina.
Mataimtim na nanalangin si Joy.
“Hindi ako marunong magdasal, Panginoon, pero alam ko pong kilala Niyong maigi ang puso ko. Gagawin ko ang lahat para lang ibalik N’yo sa akin si mama. Habangbuhay akong maglilingkod sa Iyo,” panalangin ni Joy.
Pagbalik ni Joy sa silid ay laking gulat niyang muli nang makita ang ina na nasa maayos nang kalagayan. Gising na ito at hindi na kailangan pa ng makina upang makahinga.
Hindi na naiwasan pa ni Joy na yakapin ang matandang ina.
“Patawarin mo ako, ‘ma. Patawarin n’yo po ako sa lahat ng kasalanan ko. Ngayon po’y napagtanto ko na ang nais niyong ipabatid sa akin. Masaya po ako na gising na kayong muli,” umiiyak na sambit ng dalaga.
“Ang Panginoon ang nagbigay sa akin ng pangalawang buhay, anak. Maraming salamat sa mga panalangin mo,” tugon ni Teresa.
Napangiti ito nang makita niyang hawak ni Joy ang paborito niyang aklat.
“‘Ma, nakita ko po ang titulo at tseke dito sa bibliya. Paano po kayo nagkaroon ng gano’ng kalaking pera?” pagtataka ni Joy.
“Ipon namin ng daddy mo iyan. Nakalaan talaga iyan para sa iyo, anak. Nais namin kasi ng daddy mo na sa aming pagkawala ay may maiwan din kami sa’yo dahil labis ka naming mahal,” saad ni Teresa sa anak.
Labis ang pasasalamat ng mag-ina sa Panginoon dahil nalagpasan nila ang matitinding pagsubok na ito. Naipagawa na ng mag-ina ang kanilang bahay at napatunayan na rin na sa kanila ang lupa. Bukod pa roon ay nagkaroon na rin ng bago at mas magandang trabaho si Joy.
Tinupad ni Joy ang kaniyang pangako sa Panginoon. Mula noon ay natuto na siyang magsimba at manalangin. Palagi na rin niyang sinasamahan ang kaniyang ina na magbasa ng bibliya tuwing umaga sa kanilang veranda.
Dahil sa pananampalataya ay lalong napagtibay ang samahan ng mag-ina.