Labis ang Inis ng Dalaga sa Hindi Pagpayag ng Ina na Lumabas Siya dahil sa Pandemya; Matinding Pagsisisi ang Mararamdaman Niya sa Dulo

“Karen, aalis ka na naman ba? Saan ka na naman ba pupunta? Alam mo namang may pandemya ngayon, anak. Delikado ang maglalabas,” wika ni Aling Cora sa kaniyang anak nang makita niya itong bihis na bihis.

“Diyan lang naman ako pupunta, ‘nay, sa malapit na mall. Kikitain ko lang ang mga kaibigan ko dahil napakatagal ko na ring hindi nakakalabas ng bahay. Saka isa pa, ‘nay, kaya nga nagluwag na ang gobyerno ay dahil sa unti-unti na nating natatalo ang kumakalat na sakit. Huwag n’yo na po akong alalahanin dahil alam ko naman po ang gagawin ko. Lalayo ako sa mga tao at may dala rin po akong alcohol,” pagpupumilit pa ng dalaga.

“Huwag ka nang umalis, anak. Manatili ka na lang dito sa bahay. Kausapin mo na lang ang mga kaibigan mo kung nabuburyong ka. Hindi ko rin naman nais na ikulong ka dito sa bahay pero wala tayong magagawa. May kumakalat na sakit ngayon at wala pa itong lunas,” muling pagpigil ni Aling Cora sa anak.

“Ano ba ‘yan, ‘nay, parang sandali lang naman akong aalis. Babalik din po ako kaagad. Ang tagal-tagal kong gumayak tapos ay hindi n’yo lang ako papayagan. Nakakahiya sa ilang kaibigan ko at naroon na sila!” sambit pa ni Karen. 

“Huwag nang matigas ang ulo mo, Karen. Hindi ko pinahihintulutan ang pag-alis mo. Baka mamaya ay sa mall ka pa makakuha ng sakit. Hindi ko kayang may mangyaring masama sa iyo, anak. Kapag nangulit ka pa ay tatawagan ko ang mga magulang ng mga kaibigan mo at sasabihin ko sa kanila na nilalagay ng mga kaibigan mo ang sarili nila sa kapahamakan!” giit pa ng ina. 

Kahit anong pilit ni Karen ay hindi pumayag si Aling Cora sa kaniyang gusto. Padabog siyang bumalik sa kwarto at muling nagbihis.

Maya-maya ay agad na tinawagan ni Karen ang kaniyang mga kaibigan upang ipaalam na hindi na siya makakarating.

“Kahit kailan ay panira talaga sa kaligayahan ko itong nanay ko, e. Natatakot daw siyang mahawa ako ng sakit, e, hindi naman totoo ang kumakalat na pandemya. Ni wala pa nga kaming kamag-anak o kakilala na nasawi dahil sa sinasabi nilang sakit!” naiinis na sambit ni Karen sa kaniyang kaibigan.

Advertisement

“Sige na at hahanap na lang ako ng ibang pagkakataon para magkita-kita tayo. Pero sa totoo lang ay sobrang nabuburyong na ako dito sa bahay. Ni wala man lamang magawa!” dagdag pa ng dalaga.

Dahil sa hindi pagpayag ni Aling Cora ay pinaramdam ni Karen ang kaniyang pagkainis sa ina. Sa tuwing kinakausap siya nito ay hindi man lamang siya sumasagot.

“Anak, huwag ka nang magalit sa akin. Iniintindi ko lang naman ang kaligtasan mo. Alam mo naman ang hirap ng buhay natin. Nangangamba ako na baka kapag nagkasakit ka ay hindi kita maipagamot. Kaya hanggang maaari ay iwasan mo na muna ang paglabas ng bahay,” pag-amo ni Aling Cora sa anak.

“Minsan lang naman po kasi akong lalabas, ‘nay. Alam ko naman po ang gagawin ko at sandali lang naman kaming magkakaibigan. Pero wala na po akong magagawa. Hindi na ako nakasama sa kanila kanina. Matatagalan na naman bago kami magsama-samang muli,” pagtatampo ni Karen sa ina.

Lumipas ang ilang araw at tila malamig pa rin ang pakikitungo ni Karen sa kaniyang ina. Ngunit kailangang tiisin din ni Aling Cora ang anak dahil ayaw niya itong mapahamak.

Isang araw ay abala si Aling Cora sa paglalaba ng mga damit at paggawa ng mga gawaing bahay. Dito na nakakuha ng pagkakataon ang dalaga upang tumakas sandali. Ang alam kasi ng kaniyang ina ay nasa silid ito at nag-aaral. Kapag kasi gumagawa ito ng kaniyang mga module ay hindi ito iniistorbo ni Aling Cora.

Agad na tinawagan ni Karen ang kaniyang mga kaibigan. Nagkita-kita sila sa pinakamalapit na mall at doon ay nagpasya silang uminom saglit ng nauusong milk tea. Makalipas ang isang oras ay agad na umuwi rin ang dalaga.

Dahil nga nagtatago sa ina ay diretso sa kaniyang silid itong si Karen pagkauwi ng bahay. Labis ang saya ng dalaga dahil sa wakas ay nakalabas siyang muli. Sa susunod na linggo ay inaya niya muli ang mga kaibigan.

Advertisement

Ngunit ilang araw ang nakalipas ay sumakit nang matindi ang ulo nitong si Karen. Nilagnat din ito at nagkaroon ng ubo. Dahil sa takot ay agad na sinabi ni Aling Cora sa baranggay ang nararamdaman ng anak.  Agad itong sinuri upang matignan kung positibo ito sa naturang sakit. 

“Imposibleng mahawa ng sakit ang anak ko dahil hindi naman kami lumalabas ng bahay nitong mga nakaraang araw. Wala rin naman kaming tinatanggap na kahit ano mula sa labas. Kaya labis akong nagtataka,” wika pa ni Aling Cora.

Dahil kasama sa bahay ay kinailangan din ni Aling Cora suriin kung positibo din ito sa nakakahawang sakit. Nang lumabas ang resulta ay nakumpirma ngang may naturang bayrus ang mag-ina.

Habang patuloy na umaayos ang kalagayan nitong si Karen ay unti-unti namang lumalabas ang mga sintomas kay Aling Cora. Dahil sa katandaan nito at may mga iniinda pang sakit ay labis ang naging epekto nito sa kondisyon ng ginang.

Nakita mismo ni Karen kung paano nahirapan ang kaniyang ina sa pakikipaglaban nito sa kaniyang buhay hanggang sa tuluyan na itong namaalam.

Labis ang pagdadalamhati nitong si Karen dahil sa pagkawala ng kaniyang ina. Hindi niya akalain na ang pagsuway niya sa ina ang magiging sanhi ng pagkawala nito. 

Lubusang humihingi ng kapatawaran itong si Karen sa kaniyang ina dahil alam niyang kasalanan niya kung bakit nasawi si Aling Cora.

Habang hawak niya ang abo ng ina ay hindi niya maiwasan na mapahagulgol dahil simula sa araw na iyon ay wala nang ina na gagabay at magmamalasakit sa kaniya.