Inday TrendingInday Trending
Hinahamak ng mga Kaanak ang Ginang dahil sa Trabaho ng Kaniyang Mister; Tameme Silang Lahat sa Swerteng Nakamit ng Mag-Asawa

Hinahamak ng mga Kaanak ang Ginang dahil sa Trabaho ng Kaniyang Mister; Tameme Silang Lahat sa Swerteng Nakamit ng Mag-Asawa

Nakayuko si Beth habang papasok sa lugar na pagdarausan ng kanilang family reunion. Ayaw na sana niyang dumalo pa dito ngunit mapilit ang kaniyang ina. Alam kasi niyang siya na naman ang magiging tampulan ng tukso at paksa sa mga usapan.

“Nakakatuwa naman na makita ka dito, Beth, kumusta na ang buhay mo kapiling ang magbabalut mong asawa? Kung ginamit mo ba naman kasi ang utak mo ay marahil tulad ka na namin na nakakaangat sa buhay. Pero syempre ano nga ba ang alam ng isang kagaya mo tungkol sa pangangarap?” panghahamak ng pinsang si Jane sa ginang,

Hindi na sumagot pa si Beth dahil alam niyang hindi titigil ang mga kamag-anak hanggang hindi siya nakikita ng mga ito na lumuluha ng dugo.

“Tingnan mo, kung hindi ka na lang basta sumama sa magbabalut na asawa mo ay hindi sana kailangan pang lumapit ng nanay mo sa amin para lang maipagamot siya. Nakakaawa ang Tiya Lydia dahil sarili niyang anak ay hindi siya maipagamot!” dagdag pa ng pinsan.

“Nagpapasalamat ako sa tulong na natatanggap namin mula sa inyo. Ngunit ginagawa naman namin ng asawa ko ang lahat para lang matugunan ang mga pangangailangan ni nanay. Hindi man gano’ng kalaki ay naitatawid pa rin naman namin,” nakayukong tugon ni Beth habang nagpipigil ng kaniyang mga luha.

“Hay naku, Beth, sinayang mo lang ang lahat ng pagkakataon mo sa buhay. O siya, marami pa atang tira sa mga pagkain, iuwi mo na at alam naming kakailanganin mo iyan,” dagdag pa ni Jane.

Labis ang pagpipigil ni Beth ngunit sa kaniyang kalooban ay nais na niyang sumigaw at umiyak dahil sa mga pang-aalipusta sa kaniya ng pinsan at ilang kamag-anak. Napilitan na lamang umuwi ng bahay itong si Beth.

Kita ng asawang si Raul ang lungkot sa mukha ni Beth.

“Hinamak ka na naman ng mga kamag-anak mo, ano? Huwag mo na silang intindihin, mahal. Darating din ang araw na maipapakita mo sa kanila na mali ang lahat ng kanilang sinasabi,” sambit ng mister.

“Ayos lang naman sa akin na hamakin nila ako. Ang ayaw ko lang ay pati ikaw ay nadadamay. Kahit naman hindi tayo kasing yaman ay masaya naman ako sa piling mo, Raul. Kuntento na ako na responsable ka at mapagmahal. Hindi mo kami pinabayaan ng mga anak mo at tumutulong ka pa rin sa mga magulang ko,” saad naman ni Beth.

“Hindi ko naman iniinda ang mga sinasabi nila, Beth. Ang mahalaga sa akin ay kung ano ang tingin n’yo sa akin ng mga anak ko. Hindi naman panghabangbuhay na nasa ibaba tayo. Hindi ako titigil hanggang hindi ko kayo nabibigyan ng magandang buhay,” saad pa ng ginoo.

Mahirap man ang buhay ay pilit na itinataguyod ni Raul ang kaniyang mag-iina sa pamamagitan ng pagtitinda ng balut.

Isang araw ay umuwi si Raul na may magandang balita sa kaniyang asawa.

“Beth! Beth!” malayo pa man sa bahay ay sabik nang sabihin ni Raul ang balita sa kaniyang misis.

“Beth!” tawag muli ng ginoo.

Humahangos naman si Beth na lumabas ng kanilang bahay.

“A-ano ang nangyari, Raul?” kinakabahan nitong sambit.

“Walang masamang nangyari, Beth. May ibabalita ako sa’yo. ‘Yung hinahanguan ko kasi ng balut, ‘yung anak daw no’n ay naghahanap ng mga Pilipinong magtrabaho sa kanila sa ibang bansa. Nag-apply akong janitor sa isang nursing home sa Amerika at hindi ka maniniwala, nakapasa ako! Sa susunod na buwan na ang alis ko. Lahat ng mga gagastusin ay sasagutin na ng kompanya,” maligayang sambit ni Raul sa asawa.

“Pero mapapalayo ka naman sa amin ng mga anak mo…” pag-aalala ng ginang.

“Pansamantala lang naman ang paglayo kong iyon. Mag-iipon lang ako nang sa gayon ay mabigyan ko kayo ng magandang buhay. Saka gagawa ako ng paraan para makapunta din kayo doon ng mga bata. Malay n’yo nasa Amerika pala talaga ang swerte natin!” masayang sambit muli ng ginoo.

Labis ang ibinigay na pag-asa ng trabahong ito sa mag-asawang Raul at Beth. Simula kasi nang makapagtrabaho na sa Amerika itong si Raul ay kahit paano’y nagbago na rin ang takbo ng buhay ng kanilang pamilya. Hindi na rin kailangan pa ni Beth na manghingi ng tulong sa ilang kaanak para sa pagpapagamot ng kaniyang ina.

Isang araw ay nagtagpo muli ang landas ni Beth at ng pinsang si Jane.

“Beth, baka tingin mo porket nasa Amerika na ang asawa mo ay p’wede ka nang magmalaki sa amin. Huwag mong kakalimutang nasa ibaba pa rin kayo at mahirap pa rin kayo. Janitor lang ang asawa mo sa Amerika. Nasa ibang bansa man ang asawa mo ay mababang uri pa rin ang trabaho niya,” wika ni Jane sa pinsan.

“Alam mo, Jane, hindi ko maintindihan sa’yo kung bakit palagi mo na lang akong minamaliit. Wala naman akong nagawang masama sa iyo. Pilit naming inaayos ang aming buhay nang may dangal. Kung may naitulong man kayo sa amin ay labis ko iyong ipinagpapasalamat pero hindi ito rason para hamakin n’yo kami. Nagtatrabaho nang marangal ang asawa ko sa ibang bansa. Kung ano man ang buhay na kaya niyang ibigay sa amin ay kontento na ako do’n,” tugon naman ni Beth.

Lumipas ang mga taon at unti-unti nang nakakaangat sa buhay itong sina Beth at kaniyang pamilya.

Ngunit isang pangyayari ang lubos na magdadala sa kanila sa tuktok. Isang magandang balita muli ang dala ni Raul sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.

“Hindi na tayo kailangan pang maghiwa-hiwalay, Beth. Isasama ko na kayo ng mga bata sa Amerika. Doon na tayo maninirahan. Maging ang mga magulang mo ay isasama na rin natin,” wika pa ni Raul.

Labis ang pagtataka ni Beth sa sinasabi ng kaniyang asawa.

“Paano natin makakayanan na manirahan sa Amerika, Raul? Ikaw na ang nagsabi na hindi gano’ng kadali ang buhay sa ibang bansa tulad dito sa Pilipinas. Paano natin makakayanan na dalhin ang buong pamilya natin sa Amerika?” tanong ni Beth.

“Habang isa akong janitor sa nursing home na pinagtatrabahuhan ko ay madalas din akong makisalamuha sa mga matatanda na naroon. Nakilala ko ang matandang si Phil. Naroon siya sapagkat wala siyang mga anak at kamag-anak. Araw-araw ko siyang kinukumusta at kinukwentuhan. Dahil doon ay napalapit kami sa isa’t isa. Hindi ko akalain na sa kaniyang pagyao pala ay ipamamana niya sa akin ang lahat ng kaniyang ari-arian. Ginamit ko ang pera upang magtayo ng sarili nating nursing home sa Amerika. Nakabili na rin ako ng bahay at lupa na titirhan natin doon. Kaya sa lalong madaling panahon ay kailangan na nating ayusin ang mga papeles n’yong lahat para sa paglipat nating lahat sa Amerika,” paglalahad ni Raul.

Hindi makapaniwala si Beth sa lahat ng sinabi ng kaniyang asawa. Ngunit alam niyang hindi ito malayong mangyari dahil tunay na mabait ang kaniyang mister.

Mula noon ay tuluyan nang nagbago ang buhay ng kanilang pamilya. Lahat sila ay lumipad na patungong Amerika upang doon na manirahan.

Samantala, hindi naman makapaniwala ang marami sa mga kaanak ni Beth dahil sa malaking swerteng dumapo sa kanilang pamilya. Lahat sila ay napahiya nang si Beth na ang maging pinakamayaman sa kanilang angkan.

Nanatiling nakatapak sa lupa ang mga paa ng mag-asawang Beth at Raul kahit na labis na ang yaman na kanilang tinatamasa. Walang nag-aakala na sa isang iglap ay magbabago ang buhay ng isang magbabalut na tulad ni Raul.

Advertisement