
Plano ng Dalaga na Magpabuntis sa Kaniyang Nobyo Upang Hindi na Siya Nito Iwan; May Isang Lihim Siyang Matutuklasan
“Shane, kanina ko pa napapansin na parang may malalim kang iniisip. Ayos ka lang ba?” tanong ng kaibigan at katrabahong si Myra sa dalaga.
“Wala naman, Myra. Hindi ko lang maiwasan kasi na isipin ang relasyon namin ni Alvin. Sa tagal na kasi ng relasyon namin parang may nararamdaman akong kakaiba sa kaniya. Hindi ko naman gusto na husgahan siya pero tila pakiramdam ko talaga ay may nagbago sa kaniya,” tugon ni Shane sa kaibigan.
“A-ano ba ang ibig mong sabihin, Shane? Sa tingin mo ba ay may iba si Alvin?” tanong muli ni Myra.
“Ayaw ko mang isipin ngunit parang gano’n ang nararamdaman ko. Bigla kasi ang panlalamig niya sa akin. Bukod pa ro’n ay palagi na siyang walang oras sa akin. Madalas nga niya akong hindi kausapin kahit simpleng tampuhan lang. Basta ang laki ng ipinagbago niya,” paliwanag pa ng dalaga.
“Kung ako sa’yo ay diretsahin mo na ‘yang si Alvin. Itanong mo kung mahal ka pa ba niya at dapat ay handa ka rin sa magiging sagot niya. Sa totoo lang, noon pa ma’y hindi na talaga ako pabor d’yan kay Alvin. Sa hilatsa ng mukha niya ay parang hindi talaga siya magseseryoso,” saad muli ni Myra.
“Sobra ka naman, Myra. Pero sa totoo lang din, ayaw pa rin ng mga magulang ko sa kaniya. Pero mahal na mahal ko kasi siya. At alam kong mahal niya rin ako pero nalilito lang siya ngayon dahil marami din siyang pinagdadaanan. Ang nais ko lang naman ay bumalik ‘yung dati naming samahan,“ malungkot na wika pa ni Shane.
“Alam mo, huwag mo nang ipilit kung hindi talaga nakaukol para sa iyo. Baka mamaya ay may mas magandang nakalaan para sa iyo,” saad pa ng kaibigan.
Ngunit hindi matanggap ni Shane na mauuwi lamang sa wala ang matagal na relasyon nila ni Alvin. Umisip siya ng paraan nang sa gayon ay manumbalik ang dati nilang pagsasamahan.
“Nag-leave ako sa trabaho, Alvin. Bumili ako ng ticket para makapagbakasyon tayo sa Boracay. Kahit tatlong araw lang,” masayang sambit ni Shane.
“Talagang hindi mo muna ako tinanong bago ka nagdesisyon. Paano ‘yan? Wala akong perang naipon para sa pag-alis natin. Kung gusto mo ay ikaw na lang,” saad naman ni Alvin.
“Ako na ang bahala sa lahat, Alvin. Regalo ko ‘to sa ating dalawa sa anibersaryo natin. Ang gusto ko lang ay makalayo muna tayo mula sa magulong mundo. Dahil simula nang nagtrabaho tayo ay parang nag-iba na ang takbo ng ating relasyon,” paliwanag pa ng dalaga.
Ilang araw ding pinakiusapan ni Shane itong si Alvin na sumama sa kaniya sa Boracay. Bukod kasi sa gusto niyang masolo ang kasintahan ay may balak din siyang gawin upang tuluyan na siyang hindi iwan ni Alvin.
“Nahihibang ka na, Shane? Tingnan mo nga at parang ikaw pa ang nagkakandarapa d’yan kay Alvin para lang samahan ka sa Boracay. Halata naman na ayaw niyang sumama sa‘yo!” sambit ni Myra sa dalaga.
“Abala lang siya sa trabaho, Myra, at nauunawaan ko iyon. Ang sabi naman niya sa akin ay para sa amin ang ginagawa niyang ito. Kaya ang sabi ko rin sa kaniya ay mainam na rin na magbakasyon kami para mabawasan din ang istres na nararamdaman niya,” pahayag pa ng dalaga.
“Saka isa pa, alam ko na kapag nagkaanak na kami ay hindi na niya ako magawang iwan pa. Siyempre, kailangan niya akong panagutan at pakasalan. Matutuwa rin siya kapag nakita niya ang batang ipagbubuntis ko lalo na kung kamukha niya. Parang ang saya isipin na may sarili na kaming pamilya,” patuloy sa paglalahad si Shane.
“Alam mo, Shane, hindi ako pabor sa balak mong iyan. Huwag mong sirain ang sarili mo. Hindi basta-basta ang pagkakaroon ng sariling pamilya. Saka isa pa, huwag kang masasaktan pero halata naman diyan sa nobyo mo na mayroon na siyang iba. Makinig ka sa akin, Shane. Hindi siya ang lalaking nakalaan para sa iyo kaya huwag mo nang pagpilitan pa at baka bandang huli ay masaktan ka lang,” sambit muli ni Myra.
Ngunit hindi pa rin nagpatinag itong si Shane. Nang mapapayag niya si Alvin ay agad silang nagtungo sa Boracay. Ngunit halata man ni Shane ang pagbabago sa pakikitungo sa kaniya ng nobyo ay hindi niya ito ininda.
“Alvin, kanina ka pa riyan sa selpon mo. Baka pwedeng mamaya na ‘yan at i-enjoy muna natin ang ganda ng mga tanawin. Minsan lang naman itong makapagbakasyon tayo,” malambing na sambit ni Shane sa kasintahan.
“Ikaw na muna ang tumingin sa mga paligid at abala pa ako!” naiinis na tugon ni Alvin.
“Sige na, love, minsan lang naman ito. Mamaya ka na magpaka-busy diyan sa ginagawa mo. Napakaganda nitong Boracay at napakasaya ko na kasama kita,” wika pa ng dalaga.
“Sinabi na ngang abala ako. Trabaho ito, Shane! Ikaw ang nagdala sa akin dito. Sinabihan na kita na hindi ako p’wede dahil marami akong nakabinbin na trabaho pero pinilit mo pa rin ang bakasyon na ito. Dahil sa bigla kong pagliban ay lalo akong natambakan ng trabaho!” sigaw pa ni Alvin.
Napahiya man si Shane ay pilit niyang inunawa ang kaniyang kasintahan.
Kinagabihan ay hindi na mapakali itong si Shane. Sa unang pagkakataon kasi ay magkatabi sila sa iisang kama ng kaniyang kasintahan. Ito na rin ang pagkakataon kung kailan niya ibibigay ang kaniyang buong sarili.
Habang nasa banyo itong si Alvin ay naiwan niya ang kaniyang selpon sa ibabaw ng mesa sa tabi ng kama. Habang hindi naman mapakali itong si Shane ay nakita niyang biglang umilaw ang selpon ng nobyo. Dahil sa tingin naman ni Shane ay ayos lamang na pakialaman niya ang selpon ng kasintahan ay agad niyang tiningnan kung sino ang nagpadala ng mensahe.
Pagbukas niya ng selpon ay doon na tumambad sa kaniya ang nakakapanlumong katotohanan.
Isa-isang binasa ni Shane ang mga mensahe ng pag-ibig mula sa isang katrabaho ni Alvin. Unti-unti na lamang tumulo ang kaniyang mga luha dahil mayroon palang ibang babae ang nobyo.
Paglabas ni Alvin sa banyo ay nagulat siyang hawak na ng nobya ang kaniyang selpon.
“Akin na nga ‘yan! Kahit kailan ay pakialamera ka talaga!” galit na sambit ng binata.
“Kaya pala ang laki ng pinagbago mo, Alvin. Hindi na pala kasi ako ang laman niyang puso mo. Alam mo, pwede mo namang sabihin sa akin ang totoo. Hindi ‘yung pinapahirapan pa natin ang isa’t isa. Palalayain naman kita kung ayaw mo na! Muntik ko nang ibigay sa iyo ang sarili ko! Mabuti na lang ay nabasa ko ang lahat ng panloloko mo bago ako tuluyang gumawa ng bagay na ikakasira ko. Hindi ko alam kung bakit nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan ako sa lahat. Tama nga sila, wala akong magandang kinabukasan sa iyo!” umiiyak na sambit ni Shane.
Hindi na makapagsalita pa si Alvin dahil batid niyang wala na siyang maikukubli pa.
Sa galit ni Shane ay nagpalit kaagad siya ng damit at muling nag-empake ng kaniyang mga gamit. Hindi na siya nagpapigil pa kahit na inaawat na siya ni Alvin.
“Pag-usapan muna natin ‘to, Shane. Nais kong magpaliwanag!” wika naman ni Alvin.
“Tapos na ang lahat sa atin, Alvin. Ikaw ang tumapos ng lahat ng magagandang pangarap natin. Maraming salamat dahil ginabayan pa rin ako ng Panginoon. Hinayaan niyang makita ko ang panloloko mo upang ingatan ko muli ang aking sarili,” tugon ni Shane sabay alis sa kwarto ng hotel bitbit ang kaniyang mga maleta.
“Isa pa nga palang bagay, hindi ko pa bayad ang hotel na ito. Kung gusto mo ay pasunurin mo na lang ang kalaguyo mo. Saka kinansela ko na rin ang ticket mo pabalik. Bumili ka ng ticket mo at bayaran mo itong hotel nang sa gayon kahit paano ay makabawi ka naman sa lahat ng ginawa mo sa akin!” galit na sambit ng dalaga.
Mag-isang umuwi ng Maynila itong si Shane. Habang walang patid ang kaniyang pagluha ay tinawagan niya ang kaniyang matalik na kaibigan na si Myra upang ipabatid ang nangyari.
Mula noon ay hindi na nakipagkita pa o nakipag-usap man lamang si Shane kay Alvin. Tuluyan na niyang winakasan ang kanilang relasyon. Masakit man para sa dalaga ay batid niyang lilipas din ang panahon at makakalimutan niya ang pasakit na ginawa sa kaniya ng dating kasintahan.
“Naniniwala ako na may mas magandang nakalaan para sa akin. Ngunit habang hindi pa dumarating ang taong iyon ay ibubuhos ko muna sa aking sarili at sa mga taong nagmamahal sa akin ang pagmamahal dito sa aking puso,” bulong ni Shane sa kaniyang sarili.