Inday TrendingInday Trending
Hinuthutan ng Ina at Kapatid ang Dalaga Pagkatapos ay Isinumpa pa Itong Maghihirap sa Buhay; Ito ang Kinahinatnan Nila

Hinuthutan ng Ina at Kapatid ang Dalaga Pagkatapos ay Isinumpa pa Itong Maghihirap sa Buhay; Ito ang Kinahinatnan Nila

“Janeth, kaya ako napatawag ay may pinapasabi kasi si nanay. Hindi mo raw ba natatanggap ang mga text niya sa’yo? Dalawang araw na raw siyang nanghihingi ng pera pandagdag sa gastusin,” bungad ni Loyda sa kaniyang nakababatang kapatid na nagtatrabaho sa Maynila.

“Pasensya na kayo, ate, at ngayon lang ako kasi makakapasok sa trabaho. Isang linggo kasi akong tinrangkaso kaya hindi rin ako nakasweldo,” saad pa ni Janeth.

“Basta, kailangan daw kasi ni nanay ng pambayad ng kuryente at tubig. Magpadala ka na kasi baka mamaya ay maputulan pa at lalong mas malaki ang babayaran mo,” wika pa ng kapatid.

May mga pagkakataon na ayaw na lang sagutin ni Janeth ang mga tawag sa kaniya ng kaniyang nanay at kapatid. Simula kasi nang makapagtapos siya ng pag-aaral ay inasa na sa kaniya ang lahat ng gastusin sa kanilang bahay.

Kaya kahit na Nursing ang kurso nitong si Janeth ay napilitan siyang pumasok bilang isang call center agent sa Maynila upang agad na makapagtrabaho. Ngayon ay hindi na niya alam kung mababalikan pa niya ang napiling propesyon dahil hindi pa naman siya nakakapagboard exam. Nais man niyang magreview para sa pagsusulit ay hindi niya magawa dahil hindi siya maaaring huminto sa paghahanapbuhay.

Masama man ang loob ni Janeth dahil hindi man lamang siya magawang kumustahin ng ina at dalawang kapatid ay wala na siyang magawa kung hindi magpadala pa. Ayaw na rin kasi niyang makarinig pa ng sumbat mula sa mga ito.

Tanging ang kaibigan niyang si Chelsea ang napagsasabihan niya ng kaniyang mga problema.

“Paano ka niyan makakapag-ipon para sa board exam mo kung panay hingi sa’yo ng pamilya mo. Parang ginawa ka na nilang banko. Maya-maya ang hingi nila na tila may patago,” saad ni Chelsea sa kaibigan.

“Sa totoo lang naman ay nagtatrabaho naman talaga ako para mabigyan sila ng magandang buhay. Pero nakakalungkot lang dahil hindi ko matupad ang pangarap ko. Hindi ako pwedeng magpahinga dahil mayroong umaasa sa akin,” tugon naman ni Janeth.

“Ewan ko ba naman kasi sa’yo. Mas matanda sa iyo ang ate mo pero hinayaan mo na lang siyang umasa sa’yo. Baka mamaya pati pang-date nila ng boyfriend niya ay kinukuha pa sa’yo. Magtira ka para sa sarili mo nang sa gayon ay matupad mo rin ang pangarap mo. Malayo-layo pa ang tatahakin mo para maging isang ganap na nars sa ibang bansa. Marangal na trabaho naman ang pagiging isang call center agent pero huwag kang magpatali sa mga bagay na hindi mo naman gusto. Maiksi lang ang buhay, Janeth. Gawin mo kung ano ang talagang gusto mo,” payo pa ng kaibigan.

Ngunit nang malaman ng pamilya ni Janeth ang plano niyang mag-ipon upang magreview at makapagboard exam ay mariin nila itong tinutulan.

“Paano na lang ang mga gastusin dito sa bahay, Janeth? Pasasakitin mo lang ang ulo ni nanay sa kakahanap ng mga pambayad!” saad ni Loyda sa kapatid.

“Siya nga pala, dahil daw matagal kang nakapagpadala ay umutang muna kami ni nanay sa kapitbahay. Kaso may tubo. Ikaw na raw ang bahala doon. Ang gusto nga ay kunin pa ang ATM card mo pero ang sabi ko naman namin ay ngayon ka lang nahuli ng pagpapadala. Kaya kung ako sa’yo para hindi na mataas ang tubo na babayaran mo ay bayaran mo na agad,” sambit pa ng kapatid.

Muli ay isinantabi muna ni Janeth ang kaniyang pangarap. Ngunit sa pagkakataon na ito ay paunti-unti na siyang nag-iipon para sa kaniyang sarili. Balak kasi niyang ituloy ang kaniyang pangarap na maging isang nars sa Canada.

Isang beses ay umuwi si Janeth sa kanilang bahay. Habang siya ay natutulog ay pinakialaman ng kaniyang kapatid na si Loyda ang kaniyang bag. Doon ay nakita niya ang ATM card ng kaniyang kapatid. Kinuha niya ito at ibinigay sa kaniyang ina.

“Simula ngayon ay ako na ang hahawak ng pera mo, Janeth. Baka mamaya kasi ay lalaki lang ang inaatupag mo sa Maynila. Imbis na ipadala mo sa amin na pamilya mo ay ginagastusan mo pa ang lalaki mo,” saad ng ina ng dalaga.

“Wala po akong kasintahan, ‘nay. Higit sa lahat ay hindi ko po nais na perahan lang ako ng mga lalaki. Hindi po p’wedeng sa inyo na ang ATM card ko dahil d’yan po pumapasok ang sahod ko,” pakiusap pa ng dalaga.

Ngunit panay ang sulsol nitong si Loyda sa kaniyang ina. Nararamdaman kasi nito na may itinatagong malaking pera ang kaniyang kapatid.

“Ibigay mo rin sa akin ang pin nito nang sa gayon ay makakuha ako ng pera. Ako na lang ang magpapadala sa iyo ng panggastos mo! Kung ayaw mo ng patakaran ko ay kalimutan mo na ako bilang ina mo!” dagdag pa ng ginang.

Dahil sa ayaw niyang sumama ang loob ng kaniyang ina ay hinayaan na lang si Janeth ang gusto nito. Wala na siyang nagawa nang pakialaman ng kaniyang pamilya ang singkwenta mil na kaniyang naipon para sa kaniyang planong mangibang bansa.

“Bakit ka pumayag, Janeth? May ibang paraan pa para hindi nila makuha ang sahod mo. Ipa-block mo sa banko ang ATM card na nasa kanila at kumuha ka ng bago. Huwag mong hayaang ang sarili mo mismo ang humadlang sa mga pangarap mo!” payo pa ni Chelsea.

Sinunod ni Janeth ng payo ng kaibigan. Laking gulat niya nang malamang sinimot na ng kaniyang ina at kapatid ang pera na inipon niya sa bangko. Labis ang kaniyang panghihinayang sapagkat napunta lamang ito sa wala. Nang sumunod na buwan ay nanghihingi na naman ang mga ito ng pera sa kaniya.

Dahil hindi na matagalan ni Janeth ang ginagawang ito sa kaniya ng sariling pamilya ay pinili na lamang niyang hindi magparamdam sa mga ito. Pinapadalhan niya pa rin ang mga ito ngunit sapat lamang para sa kanilang panggastos.

Dahil sa labis na inis ng ina at ni Loyda sa ginagawang pagtatago ng kapatid ay agad nila itong pinuntahan sa mismong opisina nito at doon nila kinompronta.

“”Nay, huwag naman po kayo ditong mag-eskandalo. Baka mawalan po ako ng trabaho sa ginagawa n’yo,” pigil ni Janeth sa ina.

“Ngayon mo naisip ‘yan? Hindi mo man lang tinutugunan ang pagiging anak at kapatid mo sa amin. Pinagtataguan mo pa kami! Napakaliit ng tingin mo sa amin, Janeth, porket may trabaho ka! Nagpakatulong ako para lang mapagtapos kita ng pag-aaral ngunit ganyan lang ang igaganti mo!” wika pa ng ginang.

Labis na nainis si Janeth sa mga hindi totoong pinagsasasabi ng kaniyang ina kaya nasagot na niya ito nang pabalang.

“‘Nay, tama na po. Ako na po ang masamang anak! Ako na ang masamang kapatid! Masaya na ba kayo na malaman ko ang lahat ang bagay na ‘yan? Tigilan n’yo ako dahil pinagtapos ko ang sarili ko at hindi n’yo man lang ako tinulungan. Pinagtulakan niyo akong maghanap agad ng trabaho para lang mahuthutan n’yo ako. Alam n’yo kung ano ang totoo! Pero mas pinili n’yong sinarin ako sa harap ng maraming tao” naiiyak sa galit na wika ni Janeth.

Isang malakas na sampal ang dumampi sa mukha nitong si Janeth mula sa kaniyang ina.

“Simula ngayon ay hindi na kita, anak. Wala akong anak na mapagmataas, wala akong anak na katulad mo! Pinagdarasal ko na sana’y wala kang marating sa buhay dahil masyado kang mayabang!” sigaw pa ng ina.

Napaluha na lamang si Janeth dahil hindi niya akaling manggagaling ang mga salitang ito mismo sa bibig ng kaniyang ina. Naging palaisipan sa dalaga kung paano naatim ng kaniyang ina na isumpa siya.

Simula noon ay tuluyan nang hindi na kinausap pa ni Janeth ang kaniyang ina at kapatid. Ginamit niya ang pagkakataon na ito upang tuparin ang kaniyang matagal nang pangarap. Nang makapag-ipon ay nag-review siya para sa board exam. Laking tuwa niya nang makapasa siya. Dahil isang malaking hakbang na ito para makaalis siya papuntang ibang bansa.

Tila dumaan sa butas ng sinulid itong si Janeth para lang matupad ang kaniyang pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa. Ngunit hindi siya sumuko.

Hindi nagtagal ay tuluyan na siyang nakahanap ng trabaho sa ibang bansa. Naging isa na siyang ganap na nars sa Canada.

Ang maganda pa roon ay doon na rin siya nakapag-asawa at nagkaroon ng pamilya. Minsan ay nagpapadala pa rin siya sa kaniyang pamilya.

Samantala, kahit hindi humingi ng anumang kapatarawan ang pamilya ni Janeth ay pinatawad na rin niya ang mga ito. Minsan nga ay nagpapadala pa rin siya ng tulong para sa kaniyang ina.

Marahil ang kabutihan din ng kaniyang loob ang dahilan kung bakit kahit na sinumpa siya ng kaniyang ina ay nagpatuloy pa rin ang pag-unlad ng kaniyang buhay.

Advertisement