Dahil sa Pagod ay Nasigawan Niya ang Kaniyang Ina; Namutla Siya nang Malamang Bilang na Pala ang Araw na Pwede Niya Itong Makasama

Dahil sa Pagod ay Nasigawan Niya ang Kaniyang Ina; Namutla Siya nang Malamang Bilang na Pala ang Araw na Pwede Niya Itong Makasama

FamilyHeartbreakingStories

“Ano ba ‘Nay?!” sigaw ni Bea sa inang si Aling Rosa. Nakabasag na naman kasi ito ng pinggan nang magtangkang maghugas ng mga pinagkainan nila. Matanda na si Aling Rosa at uugod-ugod na ngunit nagtatangka pa rin itong tumulong sa mga gawaing bagay.

“Pa-pa-pasensiya na anak, hi-hindi ko si-sina-sinadya,” pautal-utal at para bang natatakot sa anak na saad ni Aling Rosa.

“Sinabi ko naman po sa inyo na ‘wag na kayong mag-abalang tumulong pa. Hayaan niyo na ang mga bata sa mga gawaing bahay. Ang kulit niyo kasi eh,” medyo inis na tugon ni Bea sa ina. Inalalayan niya ang ina sa kama nito.

“Mahiga na lang po kayo d’yan. Ako na po ang bahalang magligpit ng mga nabasag niyo.” Hindi nalang umimik ang matanda. Tahimik na tumulo ang mga luha ni Aling Rosa sa kaniyang mga mata.

Tiningnan niya ang anak habang nililigpit nito ang pinggan na nabasag niya at pinagpatuloy ang naiwan niyang mga hugasan. Gusto niya lang namang makatulong. Awang-awa na kasi siya sa kaniyang anak. Araw-araw ay pagod ito sa trabaho tapos pagkauwi ay aasikasuhin pa nito ang mga anak pati pa siya. Pakiramdam niya ay isa lamang siyang pabigat sa anak. Isang matandang wala nang kwenta.

Hindi sinasadya ni Bea na masigawan ang ina ng makabasag ito ng pinggan. Pagod lamang siya kaya naman madali siyang mairita. Kasi naman, ayaw niya ring mapagod ang ina. Matanda na ito kaya dapat ay nagpapahinga na lang ito. Pero sadyang makulit ang ina at parati pa ring pinipilit na tumulong sa mga gawaing bahay.

Pagkatapos niya sa mga gawaing bahay ay tiningnan niya ang inang mahimbing na natutulog. Hinaplos niya ang pisngi nito ay hindi niya mapigilang maluha. Naalala niya na naman ang sabi ng doctor noong nakaraang pagpunta nila sa hospital.

“I’m sorry po misis, pero hindi na po talaga magtatagal ang iyong ina. Hindi natin masasabi kung kailan mismo o kung gaano pa katagal, pero siguradong bilang na ang araw niya. I suggest, ihanda niyo na po ang sarili niyo,” hindi niya na nagawang sagutin ang doctor at umiyak na lang siya nang umiyak. Hinawakan niya ang kamay ng ina at tahimik na umiyak.

“Ma, sorry po ha? Kung nasigawan po kita kanina. Pagod lang po talaga ako. Saka ang kulit niyo po kasi eh. Alam niyo naman na ayokong napapagod ka, ayokong sumugal. Ma, please naman oh, makinig ka naman sakin oh,” pagsusumamo niya sa inang natutulog.

Mag-isang anak lang si Bea ni Aling Rosa. Hindi niya kilala kung sino ang kaniyang ama. Mag-isa lamang siyang pinalaki ng kaniyang ina. Pero kahit kailan ay hindi ito nagkulang sa kaniya. Hindi sila mayaman, isang guro sa pampublikong paaralan ang kaniyang ina, pero gayunpaman ay binibigay nito ang lahat ng kaniyang gustuhin. Madalas ay sobra pa nga sa hinihiling niya.

Buong buhay nilang dalawa ay sila ang magkasama, kaya naman hindi niya kakayanin kung sakaling may mangyaring masama sa ina. Gagawin niya ang lahat para mas mapahaba pa ang oras ng ina.

Bumalik na si Bea sa sarili niyang kwarto at iniwan ang ina sa silid nito. Nagbalik sa kaniyang alaala ang napakaraming alaala kasama ang ina. Hindi niya maiwasang maluha na naman. Gabi-gabi na lang siyang palihim na umiiyak. Gabi-gabi ay nagmamakaawa rin siya sa Panginoon na ‘wag munang kunin ang ina hanggang sa hindi pa siya handa.

Kinabukasan ay naalimpungan si Bea sa sigaw ng kaniyang anak.

“Mama! Mama! Mama, dali! Si lola, ayaw dumilat!” agad na napabalikwas at napabangon si Bea. Tumakbo siya papunta sa kwarto ng kaniyang ina tingnan ito. Habang papalapit siya sa ina ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso niya. Nakapikit nga ito! Hindi siya agad nakagalaw, natatakot siya. ‘Wag naman po sana. Hindi pa siya handa. Hindi niya pa kayang mawala ang ina niya.

Dahan-dahan siyang lumapit sa ina ay tiningnan ang pulso nito. Laking pasasalamat niya nang makapang may pulso pa ito. Pero agad ding napalitan ng kaba ang kaniyang nararamdaman nang biglang bumilis ang paghinga nito. Tumataas-baba pa ang dibdib nito, inaatake ang ina niya!

Agad naman silang kumilos at isinugod sa ospital si Aling Rosa. Pagkarating nila sa ospital ay agad-agad ding kinabitan ng napakaraming mga kable at apparatus si Aling Rosa.

“Misis, ito na po yun. Hindi na po kaya ng inyong ina. Bumibigay na po talaga ang kaniyang katawan,” paliwag ng doctor sa kay Bea. “Sa katunayan po ay lumampas na po siya sa kaniyang palugit. Alam ko pong mahirap. Siyempre nanay mo siya. Kahit naman sino ayaw na makitang mawala ang kanilang ina,” tinignan siya ng doctor sa mismong mga mata at hinawakan ang kaniyang kamay.

“Pero sobra na pong nahihirapan ang iyong ina, hindi niyo po ba napapansin iyon?” Iyak nalang ang naging sagot ni Bea sa tanong ng doctor sa kaniya.

Dahan-dahang lumapit si Bea sa inang nakaratay sa kama. Tinignan niya ito nang mabuti na para pang sinasaulo niya ang itsura ni Aling Rosa. Hinawakan niya ang kamay ng ina. Hinawakan niya ito nang napakahigpit. Na para bang ayaw niya na itong bitawan pa. Gusto niyang humagulhol sa iyak pero pinigilan niya ang sarili niya.

“Ma?” tawag niya sa ina.

“Ma, naririnig mo naman ako ‘di ba? Sabi mo sa’kin dati, kahit malayo ako sa’yo, kahit na hindi ka na makarinig ‘pag tumanda ka, maririnig mo parin ako,” huminga ng malalim si Bea at pinilit pakalmahin ang kaniyang sarili bago magpatuloy.

“Ma, maraming salamat po sa lahat. Maraming salamat po sa pag-aalaga sa’kin sa tuwing may sakit ako, sa pagluluto ng paborito kong mga pagkain sa tuwing nagugutom ako, sa pagtitiis sa ugali ko, sa mga sakripisyo niyo para sakin, sa paulit-ulit na pagtanggap sa’kin sa tuwing magkakamali ako. Ma, maraming salamat sa walang sawang pag-intindi niyo at sa walang kapantayang pagmamahal. Lubos po akong nagpapasalamat sa Diyos dahil ikaw ang naging ina ko. Mahal na mahal po kita.

Patawarin niyo po sana ako nung mga oras na hindi ko kayo sinunod at pinilit ko ang gusto ko. Patawarin niyo po sana ako kung naging sakit ako ng ulo niyo, sorry po kung naging pasaway man ako. Patawarin niyo po sana ako kung madalas kayong madamay sa init ng ulo ko tuwing uuwi akong pagod galing sa trabaho. Ma, patawarin niyo po sana ako kung hindi ko lubos na naiparamdam kung gaano kita kamahal.”

”Ma,” pinisil ni Bea ang kamay ng ina. “Ma,” muli niyang tawag kay Aling Rosa. Parang rumaragasang ilog ang mga luha ni Bea habang pinipigilan niyang humikbi nang malakas.

“Ma, okay na ako. ‘Wag ka nang mag-alala. Okay na ako, ma. Masakit man. Sobrang sakit man, handa na po ako. Handa na po akong pakawalan ka. Pwede ka na pong bumitaw ma. Magpahinga na po kayo. Maraming salamat po. Mahal na mahal po kita,” hinalikan ni Bea si Aling Rosa sa noo nito.

“Paalam po. Hanggang sa muli po nating pagkikita,” tuluyan nang napahagulhol sa iyak si Bea habang hawak-hawak pa rin ang kamay ni Aling Rosa. Kasabay ng malakas na hagulhol ni Bea ay ang malakas na pagtunog din ng monitor na nakakabit kay Aling Rosa.

Agad-agad namang nagsidatingan ang doctor at mga nars. Tumingin ang doctor sa relo nito, “Time of de*ath, 5:56 pm,” rinig na rinig sa buong kwarto ang malakas na iyak ni Bea at ng kaniyang mga anak.

Pagkatapos ng ilang araw matapos mailibing si Aling Rosa ay nagsimula nang magligpit si Bea ng mga gamit ng ina. Habang inaayos niya ang mga gamit nito ay may napansin siyang isang kahon. Kinuha niya ito at binuksan. Puro larawan nila ng ina at mga larawan niya mula pagkabata ang laman noon. May napansin din siyang isang papel na agad din naman niyang kinuha at binuksan.

Sa Aking Pinakamamahal na Anak na si Bea,

        Gusto ko mang magtagal pa para samahan ka, para gabayan ka, at para mahalin, ngunit nararamdaman ko nang malapit na ang oras ko. Gusto kong humingi ng paumahin kung sa mga nakaraang taon ay naging pabigat man ako sa’yo. Pasensya na anak ha? Pero higit sa lahat ay gusto kong malaman mo na tuluyan ko mang lisanin na ang mundong ito ay hindi pa rin mawawala ang pagmamahal ko sa’yo. Kapag nalulungkot ka o nahihirapan sa buhay, palagi mo lang isipin na nasa tabi mo lang ako parati. Hinding-hindi kita iiwan, anak. Nandito lang ako sa puso mo. ‘Wag mong papabayaan ang sarili mo at ang mga anak mo. Hanggang sa muli nating pagkikita.

                                                                                                        Namamahal,

         Nanay  

Pagkatapos basahin ang liham na galing sa ina ay lumuluhang niyakap ni Bea ang kahon na naglalaman ng kanilang mga larawan at ng liham. Pakiramdam niya ay niyayakap niya na rin ang mahal na ina. Gaya nga ng sabi ng ina sa kaniyang liham, kahit na ba wala na ito sa ating mundo ay hindi na siya masyadong nagluluksa sa pagkawala ng ina. Alam niya kasing, hindi niya man ito nakikita ay palagi niya naman itong kasama. Dahil habambuhay itong nasa puso niya.

More Stories