Mababa ang Tingin ng Pamilya ng Asawa Niya sa Lalaki; Ilang Taon ang Lumipas at Wala Silang Nasabi nang Makita ang Tagumpay na Naabot Nito

Nasa kolehiyo pa lamang sila Angie at Renzo nang mabuntis ng binata ang kasintahan. Nasa murang edad man ay hiningi ni Renzo ang basbas ng kanilang mga magulang bago sila magpakasal. Nangako ang binata sa mga magulang ni Angie na aalagaan niya ng mabuti ang kanilang anak at bibigyan ng mabuting buhay.

Pinatigil na muna ni Renzo si Angie sa pag-aaral habang siya ay sinasabay ang pag-aaral at ang pagtratrabaho para matustusan ang araw-araw na pangangailangan nilang mag-anak. Talagang nahirapan si Angie at Renzo, lalo na sa aspetong pinansyal.

Subalit kahit na ganun ay masaya naman sila kaya natitiis nila ang ganoong buhay. Alam naman nila na pansamantala lamang ang kanilang sitwasyon. Uunlad din ang kanilang pamumuhay sa oras na makapagtapos na si Renzo at makahanap ng permanenteng trabaho.

Galing sa mayamang pamilya si Angie habang mahirap lamang si Renzo. Kaya naman labis na pangungutya at panghuhusga ang natatanggap ng lalaki mula sa pamilya ng asawa.

“Angie hija, bakit ba pinagtyatyagaan mo yang asawa mo ha? Ang daming nangligaw sa’yong mas gwapo, mas mayaman at mga professional, bakit yan pa pinili mo? Sayang naman ‘yang ganda at talino mo kung d’yan ka lang mapupunta,” pangsusol pa kay Angie ng isa niyang tiyahin.

Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mag-asawang Angie at Renzo. Panay man ang parinig ng mga ito sa babae na hiwalayan na lamang ang asawa total ay maganda naman daw siya at kaya naman daw nilang buhayin ang bata kahit na walang ama ay hindi pa rin nagpatinag sa kaniyang desisyon si Angie.

Pinanghahawakan niya kasi ang binitiwan nilang sumpaan sa kanilang kasal. “For better or for worse”, ‘yan ang mga katagang kahit kailan ay wala siyang balak baliin. Sa hirap man o ginhawa ay magsasama silang mag-asawa. Hindi niya bibitawan ang mga kamay ni Renzo kahit na siya ay labis mang mahirapan.

Dumating ang buwan ng Hunyo at naisilang na ni Angie ang panganay nilang anak. Isang malusog na batang lalaki. Labis na saya at galak ang naramdaman ng mag-asawa. Mas pinag-igihan pa ni Renzo ang kaniyang pag-aaral at mas nagsumikap pa siya sa kaniyang mga part-time job. Lahat ay kinakaya niya para sa kaniyang mag-ina.

Advertisement

Taon ng 2010, dalawang buwan bago magtapos ng kaniyang pag-aaral si Renzo ay nalaman nilang buntis ulit si Angie. Hindi mapantayang tuwa ang naramdaman nilang mag-asawa.

Sa kabila ng kaligayahan ay ang katotohanang nahihirapan na rin silang matustusan ang pangangailangan nila. Nahihirapan na nga sila sa isang anak palang, paano na ngayong may padating na namang isa.

Walang plano si Renzo na baliin ang kaniyang pangako sa mga magulang ni Angie ng hiningi niya ang kamay ng kaniyang asawa, kaya naman pagkatapos ng kaniyang pagtatapos kung saan siya ay nakapagtapos ng maraming karangalang natanggap ay agad siyang lumipad papuntang abroad at doon nagtrabaho. Dahil kasi sa taglay niyang angking galing at talino ay hindi pa man siya nakakapagtapos ay may mga kompanya sa abroad na ang kumukuha sa kaniya.

Nag-aalinlangan mang kunin ang alok na trabaho, at mawalay sa pamilya niya ay tinanggap na rin ni Renzo ang trabaho. Lalo na ngayon na may paparating silang bagong anghel.

“Parati kang tatawag araw-araw ha? Tapos alagaan mo ang sarili mo. ‘Wag mong aabusuhin ang katawan mo at palagi kang mag-iingat doon. Lalo na at mag-isa ka lang at wala ako sa tabi mo,” sunod-sunod na paalala ni Angie sa asawa nang ihatid na nila ito sa airport.

“Opo ma’am. Tatawag ako araw-araw at aalagaan ko ang sarili ko. Hindi ako magkakasakit para hindi mo na kailangan pang mag-alala,” nakangiting sagot ni Renzo sa asawa at marahang hinalikan ito sa noo at sa ibabaw ng tiyan nito kung nasaan ang pangalawa nilang anak. Siyempre, hinalikan niya rin ang munting pisngi ng kanilang panganay na anak.

Maya-maya lang ay umalis na ang eroplanong sinakyan ni Renzo paalis ng bansa. Lumipas ang ilang buwan at nagustuhan naman si Renzo ng kaniyang mga amo kaya naging regular na empleyado siya sa kompanyang kumuha sa kaniya.

Regular na napapadala ang lalaki sa kaniyang asawa sa Pilipinas, kaya unti-unti ring umaasenso ang kanilang buhay sa sariling bansa. Matalino at madiskarteng babae rin si Angie kaya naman ang perang pinapadala ng asawa ay ginamit niya sa mahusay na paraan. Una ay bumili muna siya ng bahay at lupa. Pagkatapos ay nagtayo siya ng negosyo na unti-unti rin naman niyang napalago.

Advertisement

Ilang taon na nagtrabaho sa abroad si Renzo at lumaki rin naman ng husto ang negosyong itinayo ng kaniyang misis na si Angie kaya naman ay talagang umunlad na ang kanilang pamumuhay. Tuluyan nang umuwi si Renzo at sa unang pagkakataon ay nasilayaan niya ang pangalawang anak nang personal.

Limang taon na ang batang babae na agad namang nagpakarga sa kaniya na tinadtad niya ng halik dahil sa sobrang pananabik at pangungulila sa kaniyang pamilya. Naging masaya ang buhay nilang mag-anak at patuloy na pinalago ang kanilang negosyong ilang taong pinaghirapan nilang itaguyod ng kaniyang asawa.

Nagkamali man sa murang edad ay hindi pa rin tinakasan ng dalawa ang naging bunga ng kanilang kapusukan. Naging responsible sila at hinarap ang lahat ng pagsubok ng buhay. Pinatunayan nila sa lahat na sa huli, ang tunay na pag-ibig pa rin ang magwawagi na kahit anong mangyari ay hindi sila basta-basta matitibag.