Isang “Aksidenteng Ina” ang Dalaga; Ano ang Magtutulak sa Kaniya na Mahalin ang Batang Isinilang Niya?

Isang “Aksidenteng Ina” ang Dalaga; Ano ang Magtutulak sa Kaniya na Mahalin ang Batang Isinilang Niya?

FamilyHeartbreakingStories

“Ano ulit ang sinabi mo, anak? Tama ba ‘yung narinig ko?” hindi makapaniwalang tanong ng ama ni Emma.

Napairap siya sa narinig.

“Ang sabi ko ho ay buntis ako,” pag-uulit niya sa sinabi. Ni wala man lang bahid ng kasiyahan siyang madama.

“Magkaka-apo na pala ako kung ganoon! Sino ang ama? Kailan ko makilala ang nobyo mo, anak?” hindi magkandaugaga nitong usisa.

Iritado niyang pinukol ng tingin ang ama.

“’Tay, wala akong nobyo. Ni hindi ko nga kilala kung sino ang nakabuntis sa akin. ‘Wag kayong mag-alala dahil wala naman akong balak na ipagpatuloy ‘tong pagbubuntis ko,” sagot niya.

Totoo ang sinabi niya. Isang estranghero ang nakabuntis sa kaniya. Ni hindi nga niya matandaan ang itsura nito dahil sa sobrang kalasingan. Hindi niya naman sukat-akalain na magbubunga ang nangyari.

“Ano’ng ibig mong sabihin, anak? Ipapalagl*g mo ang anak mo?” nanlalaki ang matang usisa nito na para bang hindi makapaniwala sa sinabi niya.

“Hindi ko naman ginusto ‘to, Tatay. Bata pa ako at marami pa akong pangarap sa buhay—hindi kasama roon ang pagiging ina. Walang mag-aalaga sa bata kung sakali. Wala na rin naman akong balak na hanapin kung sinuman ang ama niya,” aniya.

“Kayo ng lalaking ‘yun ang may kasalanan, pero ang batang ‘yan ang sasalo ng lahat. Hindi ka ba nakokonsensya?” anito na may halatang may bahid ng tinitimping galit.

Natigilan si Emma. Sigurado na kasi siya sa pasya niya. Pero hindi niya maipagkakaila na naapektuhan siya sa sinabi nito. 

“Ano pong pwede kong gawin? Hindi ko rin naman kayang alagaan ang bata kung sakali. Mapapabayaan lang din siya, maliban na lang kung ipaampon ko siya sa iba.” 

“Bakit kailangan mo pang ipaampon sa iba kung nandito naman ako? Apo ko ‘yan, baka nakakalimutan mo. Ako na ang mag-aalaga sa kaniya at magpapaka-magulang kung kinakailangan,” determinadong pahayag nito.

Dahil sa sinabi nito ay nakumbinsi siya na ipagpatuloy ang pagbubuntis. May punto rin naman ito. Kahit pa kinumbinsi na siya sa sariling pasya noong una ay may isang parte pa rin sa kaniya na inaatake ng konsensya.

Matapos siyang manganak, gaya ng napag-usapan ay ibinigay niya sa sariling ama ang lahat ng kustodiya para ito ang kilalanin na magulang ng batang isinilang niya.

Nang makabawi siya ng lakas ay agad-agad siyang lumuwas ng Maynila para maghanap ng magandang trabaho.

Hindi naman siya nabigo. Dahil likas siyang mahusay at matalino, maraming oportunidad ang dumating sa buhay niya.

Naging abala siya sa pagtatrabaho, kaya naman ang bibihira niyang pagbisita sa probinsya ay mas lalong dumalang.

“Anak, hindi ka ba talaga makakauwi rito? Alam kong abala ka riyan, pero sana makauwi ka bukas,” paalala nito.

Alam na alam niya kung bakit. Birthday kasi ni Angeline, ang batang isinilang niya. 

Napabuntong-hininga na lang si Emma. 

“’Tay, hindi talaga pwede. Marami akong kailangan na gawin para sa opisina. Magpapadala na lang ako ng pera para makapasyal kayo sa mall,”  sagot niya dito bago nagmamadaling binaba ang tawag.

Hindi niya pa rin maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay kinukulit siya nitong pakisamahan ang bata, gayong nilinaw naman niya ang lahat noong una pa lang na wala siyang interes na mapalapit dito. 

Ilang taon pa ang matulin na lumipas. Ngayon ay mataas na ang posisyon sa kompanyang pinapasukan niya. Doon niya nakilala si Daniel, na kalaunan ay naging nobyo niya.

Nagtagal sila ng tatlong taon bago ito nagyaya na magpakasal. Hindi na siya nagpakipot pa dahil gustong-gusto niya rin naman ang lalaki. Isa pa, hindi na rin naman sila bumabata. 

Ilang araw bago ang kasal nila ay kinausap siya ni Daniel nang masinsinan. 

“Hon, bago tayo magpakasal, gusto ko munang malaman ang lahat-lahat tungkol sa akin dahil ayaw ko na may tinatagong sikreto,” seryoso nitong saad.

Nagtataka man ay unti-unti siyang tumango.

“Ang totoo, wala akong kinikilalang pamilya maliban sa mga madreng nagpalaki sa akin sa ampunan. Bata pa kasi ako nang ipaampon ako ng sarili kong ina,” pagkukuwento nito.

Nanlaki ang mata ni Emma. Hindi niya akalain na may ganoong kwento pala ang nobyo, ni minsan ay hindi nito na-kwento ang tungkol doon.

“Kung ganoon, gusto mo bang makilala ang tunay mong ina?” tanong niya.

“Sinubukan ko siyang hanapin at nagtagumpay naman ako. Kaya lang may bago na siyang pamilya, Nabuhay siya na parang nakalimutan niya na talaga ako, kaya hindi na ako nagtangka pang lumapit,” sagot nito. May bahid ng pait ang boses ng kasintahan.

“Galit ka ba sa kaniya?”

“Hindi naman yata maiiwasan ‘yun. Gusto kong malaman kung bakit niya ako iniwan at kung paano niya ako nakayang kalimutan na parang walang nangyari. Naniniwala kasi ako na dapat mahalin mo ang anak mo nang lubusan, kasi hindi naman sila mapupunta sa mundong ito kung hindi dahil sa’yo. Paano na lang sila kung iiwan sila pagkatapos silang iluwal? Hindi tama ‘yun,” mahaba nitong litanya.

Natahimik si Emma. Bawat salita kasi ni Daniel ay parang patalim na sumusugat sa puso niya. Naalala niya kasi ang ginawa niya sa sariling anak. Ni hindi pa nga niya ito natatawag sa pangalan nito. Nangilid ang kaniyang luha dahil sa naramdamang pagsisisi.

Ano kaya ang iniisip ng anak sa kaniya? Hindi niya maiwasang isipin kung minsan.

“Bakit ka umiiyak? May nasabi ba ako?” tanong nito nang mapansin ang pagluha niya.

Doon niya pinagtapat sa lalaki ang kaniyang nakaraan—ang tungkol sa isinilang niyang bata na ni minsan ay hindi niya pa naalagaan.

Gulat na gulat ito sa narinig pero sa huli’y niyakap siya nito bago siya pinayuhan.

“Hindi pa naman huli ang lahat. Pwede ka pang bumawi sa kaniya. Susuportahan kita, ‘wag kang mag-alala,” nakangiti nitong payo.

Tumango siya at nang araw din na iyon, sinama niya ang lalaki sa probinsya para bisitahin ang ama at kausapin ang kaniyang anak sa unang pagkakataon.

Hihingi siya ng tawad dito at babawi sa lahat ng pagkukulang niya, dahil iyon ang dapat ginagawa ng isang tunay na ina.

More Stories