Tutol na Tutol ang Kaniyang mga Magulang sa Relasyon Nila ng Kaniyang Nobyo; Ibigay Kaya ng mga Ito ang Basbas sa Nalalapit Niyang Kasal?

Malaki ang ngiti ni Aurora habang ibinabandera sa mga magulang ang singsing na ibinigay sa kaniya ng nobyong si Paulo.

“Ano’ng ibig sabihin nito, anak?” tanong ng kaniyang ina kahit na sigurado naman siyang alam nito ang sagot sa sariling tanong.

“Mama, Papa. Napagdesisyunan na po namin ni Paulo na magpakasal,” walang paligoy-ligoy niyang anunsyo.

Nagkatinginan ang kaniyang mga magulang, tila naalarma sa narinig. Hindi na nga siya nagkamali dahil sunod-sunod na tanong ang narinig niya mula sa mga ito.

“Kailan pa ito? Bakit ka um-oo? Sigurado ka na ba sa desisyon mo? Hindi ba’t alam mo namang hindi kami pabor ng tatay mo sa lalaking iyon?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang ina.

Inis siyang napabuntong-hininga. Hindi kasi lingid sa kaalaman niya na hindi gusto ng mga magulang niya si Paulo. Mula pa noong una nilang nakilala ang nobyo, hindi pa rin naaalis ang mga komento ng mga ito patungkol sa lalaki.

Hindi niya rin alam kung saan nanggagaling ang matinding pagtutol ng mga ito, lalo na ng kaniyang ama. Mula pa noon, panay ang udyok sa kaniya na hiwalayan na ang lalaki habang maaga pa pero dahil mahal niya ang nobyo, hindi siya kailanman nakinig sa mga ito.

Madalas tuloy mauwi sa sigawan ang pag-uusap dahil hindi niya gusto ang sinasabi ng mga ito. Mukhang hindi maiiba ang gabing iyon.

Advertisement

“Hindi ka ba talaga nakikinig sa sinasabi ko, Aurora? Sinabi ko sa’yong hiwalayan mo ang lalaking ‘yun pero heto ka’t balak pa siyang pakasalan,” galit na pahayag ng kaniyang ama.

“Bakit ko naman kasi siya hihiwalayan nang walang sapat na dahilan, ‘Tay? Sa buong dalawang taon naming magkasama, wala naman siyang ginawang masama sa akin,” pagtatanggol niya sa nobyo.

“Wala ba talagang ginagawang masama o magaling lang magtago? Hindi mo ba naisip ‘yun?” bwelta nito.

“’Tay naman! Wag n’yo namang pag-isipan ng masama ‘yung tao na hindi niyo lubusang kilala,” inis niyang sagot.

“Hindi ka talaga naniniwala sa akin? P’wes, tanungin mo ang Nanay mo. Nakita namin ang lalaking ‘yun na may kasamang ibang babae,” anito.

Nilingon niya ang ina na nakita niya ang marahan nitong pagtango.

“Totoo ‘yon, anak. Nakita namin si Paulo na may kasamang ibang babae noong isang araw. Hindi lang namin binanggit sa’yo dahil magagalit ka na naman,” katwiran nito.

Imbes na maalarma ay mas lalo lang siyang nainis sa mga magulang.

Advertisement

“Hindi kaya dahil sa labis niyong pagtutol sa kaniya, lahat na ng bagay nilalagyan n’yo ng malisya? Kilala ko si Paulo, disente siyang lalaki. Tanggapin niyo na lang kasi ang desisyon ko. Matanda na ako at kaya ko na namang gumawa ng desisyon mag-isa,” diretso niyang pahayag.

Natahimik ang mga ito, tila iniisip nang mabuti ang sinabi niya. Akala niya ay tapos na ang usapan, pero nagkamali siya dahil muling nagsalita ang tatay niya.

“Papayag ako na magpakasal ka sa lalaking ‘yan pero kailangan ko munang makasigurado na maganda ang intensiyon niya sa’yo. Papuntahin mo siya rito at paharapin sa akin,” hamon ng ama.

“Sige po. Payag ako riyan,” sang-ayon niya.

Para sa kaniya, malaking pagbabago iyon sa pananaw ng kaniyang ama. Noon kasi ay saradong-sarado ang isip nito, pero ngayon ay handa na itong sumubok.

Isa pa, malaki naman ang tiwala niya sa nobyo na wala itong tinatago. Kailangan nilang patunayan na mali ang iniisip ng magulang niya para matahimik na ang mga ito.

Gaya nga ng napagkasunduan, dinala niya ang nobyo sa bahay nila. Naghanda ng mga pagkain ang nanay niya habang alak naman ang hinanda ng tatay niya.

“Halika rito, Paulo. Maupo ka,” anang kaniyang ama na agad nagsalin ng alak para sa nobyo niya.

Advertisement

Nag-aalangan siya nitong nilingon pero tumango lang siya para udyukan itong pakisamahan na lang ang ama.

Nagpatuloy ang inuman ng dalawa. Lalapitan na sana niya ang mga ito dahil nakakarami na pero pinigilan siya ng ina.

“Hayaan mo na ang tatay mo. Gusto lang naman niyang makasigurado sa nobyo mo. Hindi biro ang pagpapakasal, anak. Ayaw lang namin na magsisi ka kung kailan huli na,” seryosong saad ng kaniyang ina.

Tumango na lang siya at nakuntento na magmasid sa may hindi kalayuan. Kita niyang wala na sa huwisyo ang nobyo, kung ano-ano na ang lumalabas sa bibig nito.

“Ito na ang huli kong tanong sa’yo, Paulo. Kapag nagustuhan ko ang sagot mo, ibibigay ko na ang basbas sa inyong dalawa ng anak ko,” anunsyo ng kaniyang ama.

Tango ang naging sagot ni Paulo na halos hindi na makagulapay sa sobrang kalasingan. Sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ng kaba si Aurora sa magiging sagot ng lalaki.

“Sino ang babaeng kasama mo sa mall noong isang linggo? Narinig ko tinawag mo siya sa pangalang Elaine,” tanong nito.

“Si Elaine po ba? Girlfriend ko ‘yun,” sagot nito kasabay ng pagbagsak nito sa mesa dahil sa sobrang kalasingan.

Advertisement

Nanlaki ang mata niya at halos hindi siya makagalaw dahil sa narinig. Kita niya ang nag-aalangang tingin ng mga magulang sa kaniya, pero iniiwas niya ang tingin sa mga ito.

Kailangan niyang makasigurado kaya’t kinuha niya ang cellphone nito at hinanap ang numero ng babaeng tinawag nitong Elaine. Nang makita ang hinahanap ay tinawagan niya ang numero.

“Hon! Buti napatawag ka! Anong oras ka uuwi? Kanina ka pa hinahanap ng anak natin,” bungad ng babae sa kabilang linya.

Tila gumuho ang mundo niya sa narinig. Iyon na ang impormasyon na totoo ang sinasabi ng kaniyang mga magulang ukol sa nobyo niya noong una pa lang. Totoo palang niloloko siya nito at wala siyang kaalam-alam!

Nilapitan siya ng mga magulang. Hinintay niya ang sermon mula sa mga ito subalit hindi iyon dumating. Bagkus ay niyakap siya ng mga ito nang mahigpit kaya hindi niya na napigilan ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.

Tama pala ang mga ito pero hindi siya nakinig.

“Akala ko talaga, siya na…” umiiyak na sumbong niya sa mga magulang.

Naramdaman niya ang marahang tapik ng kaniyang tatay.

Advertisement

“Mabuti na ‘yung nalaman mo bago ka matali sa kaniya,” seryosong saad nito. Ramdam na ramdam niya ang tinitimpi nitong galit.

Nang magising ang kaniyang nobyo kinabukasan ay takang-taka ito sa malamig niyang pakikitungo. Nang magtanong ito kung ano ang problema, namutla ito sa naging sagot niya.

“Tumawag si Elaine kagabi, hinahanap ka raw ng anak niyo.”

Sa huli ay wala itong magawa nang ipagtabuyan ito paalis ng kaniyang mga magulang. Hindi na nito magawang mangatwiran dahil bukong-buko na ito.

Nagdurugo man ang puso ni Aurora ay malaki pa rin ang pasasalamat niya. Salamat sa kaniyang ama, natuklasan niya na ang lalaking inakala niyang perpekto ay isang manloloko pala!