Iniwan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Anak sa Kaibigan Upang Makipagsapalaran sa Maynila; Tama Nga Kaya ang Kaniyang Naging Desisyon?

“Walang iwanan, sis, kahit ano’ng mangyari! Pangako na natin ‘yan sa isa’t isa. Anuman ang mangyari, sinuman ang maunang makapunta sa ibang bansa, tutulungan natin ang isa na makarating din!” naaalala pa ni Ella ang pangakong sinumpaan nila ng kaniyang bespren na si Myra noong sila ay nasa elementarya pa lamang sa baitang na ika-anim.

Huminga nang malalim si Ella bago tumayo mula sa pag-eempake ng kanilang mga damit ng kaniyang ina. Dis oras man ng gabi, tahimik na pumuslit palabas ng bahay ang mag-inang si Ella at ang ina niyang si Aling Neri. Bitbit ang mga malalaking maleta, unang dumiretso si Ella sa bahay ng kaniyang bespren.

Hindi naman nagtagal at agad na pinagbuksan ng pinto ni Myra ang kaibigan. Nagmamadali ito na hinahabol pa ang kaniyang paghinga.

“Myra, makikiusap sana ako na baka pwede kong iwan muna sa’yo si Elie. Ikaw na muna ang bahala sa kaniya… Kailangan kasi naming makaalis dito ng inay dahil labis na ang pananakit ng itay. Hindi ko maisama siya sa amin dahil alam kong magiging mahirap ang buhay sa lungsod,” pakiusap ni Ella sa kaniyang kaibigan.

“Ganoon ba? Naku, walang problema basta’t ikaw. Mag-iingat kayo ng nanay mo at pangako na aalagaan ko si Elie,” tugon naman ni Myra sa kaniyang kaibigan. Matapos niyang yakapin ang kaibigan, tuluyang umalis si Ella na nagmamadali dahil baka sila ay mahuli ng kanilang itay.

Pagkalipas ng ilang araw, matiyagang naghanap ng marerentahan ang mag-ina, hanggang sa mapadpad sila sa lugar na puno ng mga tao’t siksiksan ang mga bahay. Dahil mura ang upa, kinuha na ni Ella ang bahay na kanilang uupahan. Isa pa, malapit ito sa mga tindahan na maaari niyang pasukan.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Ella at walang araw na hindi siya umalis ng bahay bitbit ang mga papeles niya. Bawat tindahan, mga karinderya, mga mall at kahit na taga-walis sa palengke ay kaniyang sinubok na pasukin. Subalit lumipas pa ang dalawang linggo, wala sinuman ang tumawag pabalik sa kaniya.

Dahil sa labis na kadesperadahan na magkaroon na ng trabaho, naghanap si Ella sa isang malaking subdivision sa Maynila ng naghahanap ng katulong o kahit na labandera. Doon niya nakilala sa hindi inaasahang pagkakataon si Mang Simon.

Advertisement

Uhaw na uhaw na si Ella habang siya ay naglalakad at tumitingin sa mga naglalakihan at naggagandahang mga bahay sa subdivision na iyon. Pinapangarap niyang tumira sana sa katulad ng mga bahay na iyon subalit ang kaniyang pakay talaga ay ang makapasok bilang kasambahay doon.

Ilang sandali lamang, bigla na lamang nandilim ang paningin ni Ella at bigla na lamang siyang bumagsak sa gitna ng daanan. Matapos ang ilang segundo, narinig niya ang pagsara ng pinto ng isang magarbong sasakyan na siyang nakabangga sa kaniya. Mabilis siyang tumayo at pinilit na ibalik ang sariling pag-iisip.

Napansin niya na nagkaroon ng gasgas ang sasakyan sa may bandang harapan nito. Nagmadali siya at kinuha ang panyong nasa loob ng kaniyang bag at pinunasan ito.

“Naku, pasensya na po! Pasensya na po! Narumihan po ang inyong sasakyan, pasensya na po!” patuloy na paghingi niya ng tawad sa lalaking nakasimangot na nasa harapan niya. May edad na ito at nakapamewang pa na nakatitig lamang sa kaniya. Lumapit ito sa kaniya matapos nitong tignan ang gasgas ng kaniyang sasakyan. Nakayuko si Ella dahil nahihiya siya habang tinititigan siya nang matanda mula ulo hanggang paa.

“Ayos ka lang ba ineng? May masakit ba sa’yo?” tanong nito sa kaniya.

“A-ayos lang ho, pasensya na ho talaga!” aniya sa matandang lalaki. Nang masiguro na ayos lang daw ang babae, bumalik na lamang ang lalaki sa loob ng kaniyang sasakyan.

Matapos makalampas ng sasakyan, nagpatuloy si Ella sa kaniyang paglalakad habang pinapagpagan ang sarili. Ilang minuto lamang, ikinagulat niya nang kalabitin siya mula sa kaniyang likod.

“Mukhang hindi ka nakatira dito. Maaari ko bang malaman ang ‘yong pakay?” tinig mula sa matandang lalaki na aksidenteng nakabangga sa kaniya.

Advertisement

“Naghahanap po sana ako ng amo, sir. Kailangan ko po sana ng trabaho…” nahihiyang bigkas naman ni Ella.

Hindi na muling nagtanong pa si Mang Simon at sinakay si Ella sa kaniyang sasakyan. Tumigil at bumaba sina Ella sa isang napakalaking mansiyon na siyang pagmamay-ari pala ng matandang lalaki. Habang ito ay nakaupo sa malaking sofa, pinatawag nito ang lahat ng kaniyang kasambahay at pinakilala siya bilang bagong katulong nito.

Nang marinig ito ni Ella, napuno ng luha ang kaniyang mga mata dahil sa labis na tuwa. Ngunit ilang sandali pa ay bigla na lamang nawalan ng malay si Ella dahil sa kaniyang pagkakabunggo.

Pagkalipas ng mahigit limang taon, nagulat ang lahat sa balitang muling nagkamalay si Ella na nakahimlay sa kaniyang kwarto ng limang taon na. Paggising niya, agad niyang hinanap ang kaniyang ina na nakita niyang umiiyak matapos masilayan ang kaniyang mukha.

Labis ang kagalakan ni Ella nang malaman na sa kaniya ipinamana ng matandang lalaki ang kalahati ng yaman nito dahil wala pala iyong pamilya. Ito raw ay kabayaran sa kaniyang pagkakabangga kay Ella. Dito na muling naalala ni Ella ang kaniyang anak.

Pagkalipas ng mahigit isang buwan, natapos ni Ella ang kaniyang pisikal na therapy upang makalakad at makakilos ulit nang maayos. Muli siyang bumalik sa probinsya sa kaniyang bespren upang kuhain ang kaniyang anak.

Nang buksan ni Myra ang pinto, nakita nito sa likuran ang kaniyang anak na ngayon ay limang taong gulang na. Niyakap niya ito habang patuloy sa kaniyang pag-iyak. Subalit itinulak siya nito palayo at itinaboy.

“Alam mo, mabuti pa sigurong huwag mo muna biglain si Elie. Hindi kasi niya alam na iba ang nanay niya dahil alam niya, ako talaga ang tunay niyang ina,” sambit naman ni Myra matapos niyang papasukin sa loob ng bahay ang anak.

Advertisement

“Bakit mo naman ginawa ‘yun? Hindi ba’t sinabi kong babalik ako? Hindi ba nangako kang aalagaan mo lang siya?!” hindi na nakapagpigil pa ng emosyon si Ella at patuloy sa pagluha habang kausap ang kaibigan.

“Patawad talaga, Ella, ang huling balita sa akin ng nanay mo, wala ka na raw pag-asang gumising. Sana naman ay huwag mo akong sisihin sa pagkukulang mo,” paliwanag pa ni Myra.

Dahil sa sama ng loob, umuwing lumuluha si Ella. Habang dumaraan ang mga araw, napagtanto ni Ella na wala naman talagang masama na ginawa ang kaniyang kaibigan. Muli siyang bumalik sa probinsya upang kitain si Myra.

“Patawad, Myra, dahil hindi ako nag-iisip nang tama…” mapagpakumbabang sambit ni Ella sa kaibigan. Niyakap naman siya nito bilang tugon.

Simula noon, araw-araw nang pumupunta si Ella sa bahay ng kaniyang bespren upang tangkaing maiuwi ang anak na ayaw sumama sa kaniya. Hindi man ngayon, alam ni Ella na darating ang araw na sasama na sa kaniya ang anak kahit pa gaano ito katagal umabot.

Nagkaroon man ng magandang pangyayari sa buhay ni Ella, isang maling desisyon pa rin ang iwan ang kaniyang anak. Ngayon, kailangan niyang bumawi upang maiparamdam sa anak na tunay ang kaniyang pagmamahal para dito.