Hindi Tiwala ang Mag-asawa sa Bagong Kaibigan ng Kanilang Anak; May Nakagugulat Silang Natuklasan sa Pagkatao Nito

Nag-aalalang tumayo sa tapat ng kanilang magarang gate ang mag-asawang Paul at Lea. Mag-aalas sais na kasi ay hindi pa umuwi mula sa eskwelahan ang nag-iisa nilang anak na si Kelly. Naka-off din ang cellphone nito kaya hindi nila ito makontak.

Magkakalahating oras na silang nag-aabang sa labas ng bahay nang makita nila mula sa malayo na naglalakad si Kelly. Ngunit agad silang nagkatinginan nang makitang kasama nitong naglalakad ay isang dalagita na kaedaran nito.

“Hija, bakit ngayon ka lang? Nag-alala kami sa’yo ng Papa mo. Hindi ka man lang nag-text,” salubong ni Lea sa anak.

Nagmano ang dalagita sa mag-asawa bago sumagot.

“Sorry po. May ginawa lang kami na project. Naiwan na po ako ng school service, kaya sumakay na lang kami ng jeep ni Jenny,” tukoy nito sa kasama.

Isang mapanuring tingin ang iginawad ng ginang sa dalagita. Umangat ang kilay niya nang makita ang matinding pagkakaiba nito sa kaniyang anak.

Halos manilaw na sa kalumaan ang uniporme ng dalagita. Ang bag na sukbit nito ay tila napigtas na at itinali na lang. Maging ang suot nitong sapatos ay lumang-luma na rin.

“Nag-jeep ka? Hindi ba’t sinabi ko na ‘wag na ‘wag mong susubukan ‘yun? Hindi ligtas ‘yun, anak…” marahang sita ni Paul sa anak.

Advertisement

Noon sumabat sa usapan si Jenny.

“Hindi naman po… kasama naman po ako ni Kelly, at sanay ako na sumasakay ng jeep. Maingat naman po kami, lalo na’t alam kong hindi siya sa sanay,” depensa nito.

Isang pilit na ngiti ang isinukli ng mag-asawa sa dalagita. Buhat ng kagandahang asal ay niyaya nila ito na sumabay sa hapunan.

“Naku, hindi na po…” nahihiyang tanggi nito.

Ngunit sa pamimilit ni Kelly, sa huli ay pumayag din ito.

Maang na minasdan ng mag-asawa ang bisita. Tila kasi nawala ang mahiyaing si Jenny nang mahainan ito ng masarap na pagkain.

Walang pagdadalawang-isip itong bumanat ng kain.

“Magdahan-dahan ka, Jen, at baka mabulunan ka,” natatawang saway pa ng kanilang anak sa kaibigan.

Advertisement

Tila noon lamang ito nakaramdam ng hiya.

“Pasensya na po… hindi naman po kasi ako madalas makakain ng mga ganitong masasarap na pagkain,” hinging paumanhin ng dalaga, na sinagot ng mag-asawa ng tipid na ngiti.

Sa isip nila ay isang katanungan ang naglalaro—paano ito naging kaibigan ng anak nila? Hindi kaya’t isa itong masamang impluwensya sa anak nila? Halata sa kilos at asal nito na hindi nila ito kauri!

Kaya naman nang makaalis ang dalagita ay agad nilang kinausap nang masinsinan ang nag-iisang anak. Gusto nila na maging matalino ito sa pagpili ng mga kinakaibigan.

“Anak, kaibigan mo ba ‘yung si Jenny o kaklase mo lang?” usisa ni Lea sa anak.

“Kaibigan ko po, Mama. Mabait po ‘yun, saka matalino. Scholar siya sa school namin,” agad nitong pagbibida sa kaibigan.

Napangiwi na lang si Lea sa sinabi ng anak.

“Naku, anak… hindi ko gusto ang kaibigan mo. Walang ka-class class. Mukhang mahirap. Baka mamaya ay perahan ka lang niyan. O kaya ay gamitin ka kasi alam niya na may kaya tayo,” aniya sa anak.

Advertisement

Awtomatikong pinagtanggol nito si Jenny.

“Hindi po ganoon si Jenny! Mahirap lang po sila, pero mabuti po siyang tao. Mabait po siyang kaibigan sa akin,” depensa nito.

Napailing na lang si Lea. Hindi pa rin kumbinsido sa intensyon ng kaibigan ng anak.

“Basta anak, mag-iingat ka,” babala nito.

Tila hindi naman nagkamali ng hinuha ang mag-asawa. Simula kasi noong makilala ng anak nila ang kaibigan nitong si Jenny ay halos hindi na nila ito mahagilap sa bahay. Parating magkasama ang dalawa.

Madilim na kung umuwi ito, at t’wing Sabado at Linggo naman ay madalas din itong magpaalam na aalis, bagay na hindi naman nito dating ginagawa.

Kaya naman nagdesisyon ang mag-asawa na manmanan ang kilos ng kanilang anak upang masiguro na hindi ito mapapahamak.

Araw ng Sabado. Gaya ng inaasahan nila ay nagpaalam si Kelly na lalabas upang makipagkita sa kaibigan.

Advertisement

Kabado ang mag-asawa nang sundan nila ang anak. Kaya naman nagulat sila nang humantong sila sa isang lugar na hindi nila inaasahan—sa isang bahay-ampunan.

Mula sa malayo ay nakita nila ang tuwang-tuwang pagsalubong ni Jenny, kasama ang maraming bata.

“Ate Kelly!” sabay-sabay na sigaw ng mga ito.

Matagal na nag-obserba ang mag-asawa. Tila kilalang-kilala na ng mga tao roon ang anak nila. Naantig ang damdamin ng mag-asawa dahil noon lamang nila nakita na ganoon kalaki ang ngiti sa labi ng kanilang unica hija. Tila masayang-masaya ito sa pagtuturo, pakikipaglaro, at pakikisalamuha sa mga tao sa bahay-ampunan.

Sa pagtatanong-tanong nila ay nalaman nila na ulilang lubos pala si Jenny. Wala nang umampon dito hanggang sa nagkaedad ito, kaya naman bilang kapalit ng pananatili nito sa ampunan at nagtatrabaho ito ay nagboboluntaryo sa ampunan.

Noon nila napagtanto na maling-mali ang pagkakakilala nila kay Jenny. Wala itong masamang intensyon, sadyang maaga lang talagang nawala ang magulang nito kaya kinailangan nito na maging matatag.

Kaya naman bago sila umuwing mag-asawa ay dumiretso sila sa mall. Isang plano ang nabuo nila.

Nang umuwi si Kelly nang araw na iyon ay kasama nito ang kaibigan. Kung dati ay malamig ang pakikitungo nila sa kaibigan nito, ngayon ay maluwag nila itong inanyayahan sa loob ng kanilang tahanan. Malugod nilang pinakinggan ang kwento ng buhay nito, na maluwag sa puso nitong ibinahagi.

Advertisement

Bago umuwi si Jenny ay iniabot nila rito ang kanilang espesyal na regalo.

“Ano po ito?” naguguluhang tanong ng dalagita.

“Buksan mo,” nakangiting udyok ni Paul.

Nang makita nito ang mga laman ng kahon ay napaluha ito sa galak. Nakapaloob kasi roon ang iilang bagay na alam nilang nais nito—bagong bag, sapatos, at uniporme.

“P-para saan po ang mga ito?” lumuluhang tanong nito.

“Regalo namin ‘yan sa’yo… dahil isa kang mabuting kaibigan kay Kelly,” nakangiting wika ni Lea.

“Gusto rin naming sabihin na kung may kailangan ka, ‘wag kang mahihiya na magsabi sa amin. Kaibigan ka ni Kelly, kaya parang pamilya ka na rin namin,” dagdag pa ni Paul.

Mula sa likuran ay naramdaman ng mag-asawa ang mahigpit na yakap ng kanilang anak. Hindi man ito magsalita ay alam nila na nagpapasalamat ito.

Advertisement

Isang bagay ang napagtanto ng mag-asawa. Wala nga sa estado ng buhay ang pagpili ng kaibigan—dahil ang kaibigan na kailangan natin ay kusang dumarating upang tulungan tayo na maging mas mabuting tao.