Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Dalawang Babae ang Bunsong Kapatid Dahil Ito ay Pangit at Walang Manliligaw; Tameme Sila sa Sumunod na Nangyari

Minaliit ng Dalawang Babae ang Bunsong Kapatid Dahil Ito ay Pangit at Walang Manliligaw; Tameme Sila sa Sumunod na Nangyari

Sa tatlong magkakapatid na babae ay labis na naiiba si Carmela dahil sa kaniyang hitsura kaya gayon na lang ang pangmamaliit sa kaniya ng mga kapatid.

“Hoy, Carmela, kailan ka ba magkakaroon ng manliligaw? Samantalang kami ni Carolina ay sandamakmak ang mga lalaking nagkakagusto sa amin!” pagyayabang ng kapatid na si Carmina.

“Oo nga naman. Hindi ka ba naiinggit sa amin? Gabi-gabi ay iba’t ibang lalaki ang dumadalaw dito sa bahay para manligaw,” hirit naman ni Carolina.

“Hindi ko rin alam, eh. Wala naman kasing nanliligaw sa akin,” sagot ng dalaga.

“Paano ba namang walang manliligaw sa iyo, eh ang pangit pangit mo! Walang maglalakas loob na ligawan ka,” natatawang sabi ni Carmina.

“Natatakot yata ang mga kalalakihan sa hitsura mo kaya hanggang ngayon ay walang nanliligaw sa iyo,” pang-aasar ni Carolina.

Hindi napigilan ni Carmela na magdamdam sa sinabi ng dalawang nakatatandang kapatid. Sa isip niya ay tama naman ang mga ito. Sino nga bang lalaki ang maglalakas ng loob na ligawan siya samantalang nagtataglay siya ng hindi kaaya-ayang mukha.

Ipinanganak si Carmela na may malaking balat sa magkabilang pisngi. Mula noon ay nilalayuan na siya ng mga tao dahil sa kaniyang hitsura. Ang tawag pa nga sa kaniya ng ilan ay Carmelang Aswang dahil mukha raw siyang aswang kaya palaging nakatakip ang kaniyang mukha kapag lalabas ng bahay. Ngunit kahit pinagkaitan siya ng kagandahan ay biniyayaan naman siya ng talino. Sa tatlong magkakapatid ay siya ang pinakamatalino kaya siya ang pinakapaborito ng mga magulang na sina Antonio at Lucinda.

“Ipinagmamalaki ka namin, anak. Balita namin ay ikaw na naman ang nanguna sa inyong klase. Napakatalino mo naman talaga, hija!” masayang-masayang bati ng ama.

“Gayahin niyo ang kapatid niyong si Carmela. Huwag puro pagpapaligaw ang inaatupag ninyong dalawa!” sabi naman ng kanilang ina sa dalawang kapatid.

Ngunit kahit anong pangaral ang sabihin ng mag-asawang Antonio at Lucinda sa dalawang anak ay hindi sila pinapansin ng mga ito. Naging pabaya pa ang mga ito sa pag-aaral at panay ang pagpapaligaw sa mga lalaki sa kanilang lugar.

Isang araw ay may tatlong magkakapatid na lalaki ang umakyat ng ligaw sa magkakapatid. Sila ay sina Reynaldo, Ramon at Rizaldy. Hangang-hanga ang magkapatid na Reynaldo at Ramon sa taglay na kagandahan nina Carolina at Carmina. Ang bunso sa magkakapatid na si Rizaldy ay tahimik lang at mahiyain. Ang tatlong binata ay anak ng matalik na kaibigan ni Antonio na si Matias kaya hindi naman tumutol ang lalaki sa panliligaw ng mga ito sa kaniyang mga anak. Napansin niya na nakaupo lang sa isang tabi si Rizaldy.

“O, hijo. Sino ba sa mga anak ko ang gusto mong ligawan?” tanong ng matandang lalaki.

“A, eh, si C-Carmela po sana ang gusto kong ligawan kaso po nahihiya ako,” tugon ng binata.

“Si Carmela, ang bunso kong anak?” gulat na tanong ni Antonio.

“Opo.”

“Bakit si Carmela? Mas magaganda ang anak kong sina Carmina at Carolina, bakit ang bunso kong anak, hijo, ang gusto mong ligawan?”

“Dahil bata palang po kami ay may pagtingin na ako sa kaniya. Napakabait po kasi ni Carmela. Wala lang po akong lakas ng loob na magtapat ng aking nararamdaman,” hayag ni Rizaldy.

“Kahit g-ganoon ang hitsura ng aking anak?”

“Opo, Mang Antonio. Balewala po sa akin iyon. Para sa akin ay si Carmela ang aking mas itinatangi,” sagot pa ng binata.

Napangiti si Antonio sa sinabi ng kausap. Tinulungan niya ang binata na magtapat ng tunay nitong nararamdaman sa kaniyang bunsong anak. Siya ang naging tulay para magkalapit sina Carmela at Rizaldy. Nagtagumpay naman siya dahil napag-alaman niya na matagal na rin palang may pagtingin ang anak na si Carmela sa binata, nahihiya lang itong magsabi dahil sa hitsura nito. ‘Di nagtagal ay naging magkasintahan sina Carmela at Rizaldy. Sinagot at nagpakasal naman sina Carolina at Carmina kina Reynaldo at Ramon.

Sa bahay ng magkakapatid na lalaki ay nag-uusap ang mga ito.

“Napakasuwerte ko dahil si Carolina ang mapapangasawa ko. Maganda na, mayaman pa!” tuwang-tuwang sabi ni Ramon.

“Masuwerte rin ako dahil napakaganda rin ni Carmina at ang sexy pa!” wika naman ni Reynaldo. “Eh, ikaw ‘tol, sa tingin mo ay suwerte ka rin?” natatawang tanong nito kay Rizaldy.

“Pasalamat ka at mayaman si Carmela kundi ay ikaw ang pinakamalas sa ating tatlo,” pang-aasar pa ni Ramon.

“Hindi ko naman nagustuhan si Carmela dahil mayaman siya, eh. Nagustuhan ko siya dahil siya gusto nitong puso ko.”

“Kahit na chaka ang mukha?” natatawang tanong ni Ramon.

“Puwede mo na pagtiyagaan iyon, ‘tol. Takpan mo na lang ng unan ang mukha kapag naghoneymoon na kayo,” ngisngis pa ni Reynaldo.

Kahit nakaramdam ng inis ay hindi na pinatulan ni Rizaldy ang pang-aasar ng mga kapatid. Dali-dali na lang siyang pumasok sa silid at nagkulong.

Lumipas ang mga taon. Nakapagtapos na ng pag-aaral sina Carmela at Rizaldy at nagdesisyon na ring magpakasal ngunit ilang buwan lang ang lumipas ay pumanaw na ang ama ni Carmela na si Antonio at isang taon lang ang nagdaan ay sumakabilang buhay na rin ang inang si Lucinda. Ipinamana ng mag-asawa sa tatlong anak na babae ang mga negosyo nila at ari-arian. Laking tuwa naman ng magkapatid na Reynaldo at Ramon dahil magbubuhay prinsipe na sila. Magaganda na ang napangasawa nila, mga tigapagmana pa.

Dahil sa hindi naman nakapagtapos sa pag-aaral sina Carolina at Carmina ay napabayaan nila at nalugi ang negosyong ipinamana sa kanila. ‘Di inasahan nina Reynaldo at Ramon na ang manang ibinigay sa kanilang mga asawa ay panandalian lang at bigla na lang naglaho dahil sa pagpapabaya ng kanilang mga misis. Samantalang nabalitaan nila na ang negosyong ipinama kay Carmela ay patuloy na umuunlad dahil sa mahusay na pamamalakad ng babae katuwang ang mister na si Rizaldy. Dahil parehong nakapagtapos ng pag-aaral ang dalawa ay nagtulungan ang mag-asawa sa pagpapalago ng kanilang negosyo.

“Salamat, mahal, sa lahat ng tulong mo sa akin,” wika ni Carmela sa asawa.

“Mag-asawa tayo mahal ko, kailangan na nagtutulungan tayo sa lahat ng bagay at palaging nagmamahalan,” sagot naman ni Rizaldy.

“Napakasuwerte ko dahil dumating ka sa buhay ko, Rizaldy. Ang akala ko noo’y wala nang lalaking iibig pa sa akin dahil sa aking hitsura.”

“Hindi iyan totoo, mahal ko. Ako ang masuwerte dahil ikaw ang minahal nitong puso ko. Palagi akong narito at patuloy na magmamahal sa iyo ng labis. Hindi importante sa akin ang iyong hitsura, ang mahalaga ay ikaw ang pinili ng puso ko na mahalin,” tugon lalaki sabay halik sa labi ni Carmela.

Mula noon ay naging masaya ang buhay mag-asawa nina Carmela at Rizaldy. Masuwerte rin sila dahil patuloy na lumalago ang kanilang negosyo. Laking panghihinayang naman nina Carolina at Carmina dahil kung nakinig lamang sila noon sa kanilang mga magulang na mag-aral ay hindi sana nila napabayaan ang mga negosyong ipinamana ng mga ito sa kanila. Puno naman ng pagsisisi sina Reynaldo at Ramon dahil ang dalawang magkapatid ang kanilang pinili.

Advertisement