Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Pinakitaan ng Malasakit ang Pamangkin; Nang Mawala Ito ay Sobra ang Panghihinayang na Nadama Niya

Hindi Niya Pinakitaan ng Malasakit ang Pamangkin; Nang Mawala Ito ay Sobra ang Panghihinayang na Nadama Niya

“Tita, nagugutom po ako,” ungot ng kaniyang pamangkin.

“Hay naku Ayesha, kumuha ka ng pagkain sa kusina at ‘wag mo akong guluhin,” buringot na tugon ni Cindy sa pitong taong gulang na pamangkin.

Isang taon na sa pangangalaga niya si Ayesha. Siya ang nagsilbing tagapag-alaga nito nang masawi ang Kuya niya, na ama nito, mula sa isang malagim na aksidente.

Hindi niya rin magawang mahalin ang bata dahil may galit siya sa kaniyang nasirang kapatid. Dito kasi iniwan ng kanilang mga magulang ang malaking bahagi ng kanilang ari-arian. Kakarampot lamang ang napunta sa kaniya.

Alam niya na iniwan ng kapatid niya sa anak nito ang ari-arian pero wala siyang ideya kung paano niya iyon makukuha gayong kahit minsan ay hindi nagpakita sa kaniya ang abogado ng kapatid.

“Tita, pabukas po!” muling ungot ng bata bago iniabot sa kaniya ang isang pakete ng biskwit.

Padabog na binuksan niya iyon bago muling itinaboy ang bata.

Naiinis siya sa pamangkin dahil wala siyang mapala rito. Hindi niya pa naman ito maaring utus-utusan dahil masyado pa itong bata.

Ngunit pag lumaki ito nang kaunti ay gagawin niya itong kasambahay para naman may pakinabang ito.

“Ayesha!” malakas na sigaw niya mula sa kusina.

“Tita?” humahangos na bungad ng labintatlong taon gulang na dalagita.

“Plantsahin mo ang mga damit ng pinsan mo,” utos niya rito.

“Pero T-tita, may mga gagawin pa po ako,” marahang pagrereklamo nito.

Tiningnan niya nang matalim ang dalagita. “Aba! Tumulong ka naman dito! Puro ka pagpapasarap! Tandaan mo na nakikitira ka lamang dito, at pinag-aaral ka namin nang libre!” nandidilat na sermon niya rito.

Wala naman itong nagawa kundi tumalima sa utos niya.

Napakatagal na panahon na niyang kasama ang dalagita subalit mabigat talaga ang dugo niya rito. Gaano man kabait ito ay hindi niya talaga ito kayang mahalin bilang isang tunay na kadugo.

Ilang taon pa ang lumipas at tuluyan nang nawala ang pag-asa ni Cindy na maaambunan pa siya ng naiwan na ari arian ng kapatid. Gusto niya nang palayasin ang pamangkin subalit nanghihinayang siya dahil malaki laki rin ang naitutulong nito bilang utusan ng kanilang pamilya.

Labimpitong taong gulang na ang dalagita. Akala niya ay ilang taon na lang ang lilipas at aalis na ito sa puder niya ngunit sa kamalas-malasan ay nagkaroon pa ito ng malubhang sakit.

“Tita, hindi niyo po ba talaga ako pwedeng ipagamot?” lumuluhang tanong ng dalagita na ilang buwan nang nakaratay sa kama.

“Nababaliw ka na ba? Wala ka na ngang silbi dito, alagain ka na nga, gusto mo pang ipagamot pa kita? Ang kapal naman ng mukha mo! Wala, wala tayong pera!” galit na bulyaw niya sa pamangkin.

Tahimik na lumuha na lamang ito at hindi na muling binanggit pa ang tungkol sa pagpapagamot.

Isang araw ay isang regalo ang iniabot sa kaniya ng dalagita.

“Para saan naman ito?” nakapamaywang na usisa niya sa pamangkin.

“P-para po s-sa pagpapalaki n-niyo sa a-akin.” Halos hindi na ito makapagsalita nang maayos sa panghihina.

Inirapan niya ang pamangkin. Nang makalabas siya sa mula sa maliit na kwarto nito ay inusisa niya ang laman ng regalo.

Nang makita niyang isa lamang iyong mumurahing bag ay walang pagdadalawang-isip na itinapon niya iyon sa basurahan.

Kinabukasan ay nadatnan na lang nila na hindi na humihinga ang dalagita.

Wala siyang nadama na kahit na anong lungkot habang minamasdan ang ataul nito na unti-unting tinatabunan ng lupa.

Ang tanging alam niya lang ay makakahinga na siya nang maluwag dahil tapos na ang obligasyon niya sa pamangkin.

Ilang araw makalipas ang libing si Ayesha ay isang panauhin ang bumisita sa kanilang bahay.

Nagpakilala itong abogado ng kaniyang kapatid.

“Bakit ngayon ka lang nagpakita? Ang tagal tagal ko inalagaan ‘yung bata, wala man lang akong napala!” inis na reklamo niya.

“Kinailangan ko kasing hintayin ang ikalabing walong kaarawan ni Ayesha, dahil ‘yun ang gusto ng bata,” katwiran nito.

Napatingin siya sa kalendaryo. Ni hindi niya alam na kaarawan pala ni Ayesha.

“Alam pala ni Ayesha ang tungkol rito? Bakit hindi niya sinabi sa akin?”

Nagkibit balikat ito at nanatiling tikom ang bibig.

“Attorney, may makukuha ba ako?” inip na usisa niya sa abogadong kasalukuyang inilalabas ang mga papeles mula sa bag nito.

Nagulat siya sa isinagot ng abogado.

“Oo, sa’yo iniwan ni Ayesha ang lahat ng kayamanan bilang pasasalamat niya sa’yo. Kailangan lang natin ng dokumento na mayroong pirma ni Ayesha,” paliwanag nito.

Napakunot noo naman si Cindy.

“Eh paanong pipirma si Ayesha? Tatayo siya mula sa hukay?” namimilog ang matang tanong niya rito.

“‘Wag mo naman sanang bastusin ang kaluluwa ng bata. May papeles siya na binigay sa’yo. May pirma niya na ‘yun. Nakalagay ‘yun sa bag na iniregalo niya sa’yo, hindi mo ba nakita?” pigil ang galit na wika nito.

Namutla si Cindy. Tandang tanda niya pa kasi na itinapon niya ang naturang bag dahil mumurahin iyon.

Nanginginig na kinalkal niya ang basurahan kung saan niya itinapon ang bag, subalit wala na ito roon. Kahit na anong hanap nila ng bago niyang kasambahay ay hindi nila iyon natagpuan.

“Ma’am, nangolekta na po kasi kanina ang mga basurero, nakuha na po ang lahat ng basura na nasa loob ng bahay,” turan ng kasambahay.

Tila baliw na nagsisigaw naman si Cindy. Hindi niya sukat akalain na pera na, magiging bato pa.

“Wala bang ibang pwedeng gawin, Attorney?” pakiusap niya sa abogado.

Umiling ito. “Wala. Dahil wala sa’yo ang dokumento na hinihingi ng korte, mapupunta ang lahat ng pera sa bahay-ampunan na napili ni Ayesha.”

May tipid na ngiti sa labi ng lalaki, tila naliligayahan pa sa mga takbo ng pangyayari.

“Marahil ay mas may kapupuntahan ang pera ni Ayesha doon,” komento pa ng abogado, tila ‘di alintana ang kaniyang matalim na tingin.

Naiwan naman si Cindy na bagsak ang balikat at luhaan. Marahil kung naging mabuti siya kahit papaano sa pamangkin ay nakamit niya pa ang inaasam asam na kayamanan. Tunay nga na nasa huli ang pagsisisi.

Advertisement