Tinangka ng Guro na Nakawin ang Pangarap ng isa Niyang Estudyante, Iyak Siya nang Malaman ang Kinahantungan Nito
Sa klase ni Ms. Evangelista ay nagbigay ang guro ng aralin sa pagsulat sa kanyang mga estudyante. Pinasulat niya ang mga ito ng kanilang mga pangarap sa buhay. Agad na isinulat ng mga bata kung ano ang nasa isip at puso nila. Ang iba ay nagsulat na gusto nilang maging doktor balang araw at ang iba naman ay maging abogado. Mayroon ding nagsulat na gusto nilang maging karpintero at manikurista. Nakaisip na ng kanilang maisusulat ang lahat maliban sa estudyanteng si Frankie.
Nangingilag kasi ang bata na isulat ang kanyang totoong pangarap dahil siguradong pagtatawanan lang siya ng kanyang guro at mga kaklase. Pero sa bandang huli ay isinulat niya na rin ito.
Maya-maya ay tumayo na sa kinauupuan si Ms. Evangelista at nagsalita na sa harap ng klase.
“Okay class, tapos na ang oras na ibinigay ko sa inyo. Siguro naman ay naisulat niyo na ang inyong mga pangarap. Isa-isa ko kayong tatawagin para ibahagi ang buod ng inyong isinulat,” wika ng guro.
“Elijah, umpisahan mo,” aniya.
Tumayo ang unang estudyanteng tinawag at nagsalita.
“Ako po si Elijah. Ang pangarap ko po ay maging Pintor dahil mahilig po akong gumuhit,” sabi ng batang lalaki.
“O, natutuwa ako dahil iyan ang pangarap mo, dahil minsang pinaguhit kita sa pisara ay humanga talaga ako sa ginawa mo,” puri ng guro.
“Ikaw naman Ricci. Ano ang pangarap mo?”
“Ako po si Ricci. Ang pangarap ko po ay maging sikat na mang-aawit. Gusto ko pong makilala ang aking talento hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo,” buong kumpiyansang sagot ng estudyanteng babae.
“Magaling. Hindi iyan imposible dahil narinig ko na ang maganda mong tinig nung isa ka sa mga pina-awit noong nakaraang anibersaryo ng ating eskwelahan. Ngayon pa lang ay nakikita kong magtatagumpay ka at maabot mo ang iyong pangarap hija.”
“Uhm… Ikaw Frankie, anong pangarap mo ang iyong isinulat?”
Kahit medyo nahihiya ay tumayo sa harap ng klase ang bata.
“Ako po si Frankie. Ang pangarap ko po ay magkaroon ng pinakamalaking mansiyon dito sa ating lugar at balang araw ay magkakaroon po ako ng pinakamalaking sakahan at magiging pinakamayamang tao sa bayang ito.” sagot ng bata.
Nagulat si Ms. Evangelista sa isinagot ng pinakatahimik niyang estudyante.
“Dahil sa ipapasa niyo sa akin ang isinulat niyong iyan ay nais kong baguhin mo ang isinulat mo, Frankie. Gusto kong palitan mo ito at ilagay mo ang makatotohanan mong pangarap at hindi ilusyon. Ipasa mo ito sa akin bukas ng umaga. Kung hindi mo ito babaguhin ay bibigyan kita ng pinakamababang grado,” wika ng guro.
Malungot na umuwi si Frankie dahil sa sinabi sa kanya ni Ms. Evangelista. Pagdating sa kanila ay agad niyang kinausap ang ina at tinanong ang opinyon nito.
“Inay, pinapabago po sa akin ng teacher ko ang pangarap ko. Ito naman po talaga ang pangarap ko e. Kung hindi ko raw po babaguhin ay bibigyan niya ako ng mababang grado,” sumbong ng bata habang ipibasa sa ina ang papel.
Sumagot ang kanyang ina. “Anak, nasa iyo iyan kung paninindigan mo ba ang pangarap mo o kung hahayaan mo lang na nakawin ito ng iba sa iyo,” tangi nitong nasabi.
Magdamag na pinag-isipan ni Frankie kung babaguhin ba niya o hindi ang isinulat niya. Sa bandang huli ay nabuo sa kanya ang isang desisyon.
Kinaumagahan sa klase ni Ms. Evangelista ay nakatitig pa rin si Frankie sa kanyang papel ngunit nakapagpasya na siya at hindi na ito mababago pa. Buo ang loob niyang ipinasa ang papel sa kanilang guro. Wala siyang binago kahit isa. Nananatiling iyon ang pangarap niya.
Nang makita ni Ms. Evangelista na hindi pa rin niya binago ang kanyang pangarap ay kinausap siya nito.
“Frankie, di ba sinabi ko sa iyo na baguhin mo ang pangarap mo? Bakit ito pa rin ang nakasulat dito? Gusto mo talagang makakuha ng mababang grado?” tanong ng guro.
“Ma’am, di baleng bigyan niyo po ako ng mababang grado. Iyan po kasi talaga ang pangarap ko sa buhay at hindi ko po babaguhin,” matapang na sagot ni Frankie.
Mabilis na lumipas ang tatlumpung taon. Nagkaroon ng field trip ang mga guro sa pinakamalaking sakahan sa kanilang lugar. Kasama rin doon si Ms. Evangelista na huling taon na ng pagtuturo dahil nagdesisyon ito na magretiro na. Inilibot sila ng isang lalaki na nagpakilalang assistant ng may-ari ng sakahan. Sinabi rin nito na darating na ang kanyang boss kaya nagsipaghanda na ang mga guro para makilala ang napakayamang taong iyon. Di nagtagal ay may humintong napakagarang sasakyan sa harap nila.
“Narito na po pala si boss, e!” wika ng assistant.
Nang bumaba ng sasakyan ang isang lalaki ay laking gulat ni Ms. Evangelista kung sino ito. Hinding-hindi siya maaaring magkamali dahil ito ang isa sa kanyang mga estudyante noon.
“F-Frankie? Frankie Lozada?” gulat niyang sabi sa isip.
Hindi makapaniwala si Ms. Evangelista na ang pinakatahimik niyang estudyante noon na si Frankie ang may-ari ng pinakamalaking sakahan na iyon at ang pinakamalaking mansiyon na malapit doon. Ito rin ang pinakamayamang negosyante sa kanilang lugar.
Nilapitan ng guro ang dati niyang estudyante na si Frankie.
“Kumusta ka na, Frankie! Asensado ka na ha,” masaya nitong bati.
“Kayo po pala Ms. Evangelista. Salamat po at nakadalaw kayo. Hindi pa rin po nagbago ang mukha niyo, Ma’am. Mukha pa rin po kayong bata,” wika ni Frankie.
“Alam mo hijo nagkamali ako noong tinangka kong nakawin ang pangarap mo sa iyo. Buti na lang at nanindigan ka sa iyong pangarap at ipinaglaban mo iyon. Maraming bata ang gaya mo noon na nagsulat ng kasing laki ng mga pangarap mo pero pinauwi ko iyon sa kanila at pinabago. Ikaw lang ang nag-iisang nanindigan sa pangarap mo kaya hindi ako nagtagumpay na manakaw iyon sa iyo,” aniya.
“Tama po kayo, Ma’am kung natakot po ako na magkaroon ng mababang grado noon ay hindi ko maaabot ang pangarap ko. Salamat po at hinamon niyo ang aking paniniwala at pangarap kundi dahil sa inyo ay wala ako sa kinalalagyan ko ngayon,” maluha-luhang sabi ng lalaki.
“Hindi hijo, ikaw pa rin ang tumupad sa iyong pangarap. Ikaw pa rin ang umabot nito kaya ipinagmamalaki kita,” sabi ni Ms. Evangelista habang naiyak na rin sa tagumpay ni Frankie.
Libre lang ang mangarap kaya kung mangangarap din lang ay lakihan na dahil walang imposible sa taong buo ang loob para ipaglaban ang kanyang pangarap para sa kanyang ikatatagumpay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!