Inday TrendingInday Trending
Dahil Hindi na Makakapagtrabaho ang Ama ay ang Ina ang Nagdesisyong Mangibang Bansa, Isang Malungkot na Pangyayari Pala ang Kakaharapin Nila

Dahil Hindi na Makakapagtrabaho ang Ama ay ang Ina ang Nagdesisyong Mangibang Bansa, Isang Malungkot na Pangyayari Pala ang Kakaharapin Nila

Lumaki si Jeorge sa piling ng kanyang ina na si Aling Lolita dahil bata pa lang ay hindi na niya nakasama ang ama na si Mang Bert. Apat na taong gulang pa lamang kasi siya nang magsimula itong magtrabaho sa Qatar bilang construction worker. Napilitang magtrabaho ang ama sa ibang bansa dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas.

“Inay, nakapagpadala na po ba ng pera si itay?” tanong ni Jeorge.

“Bakit mo naman naitanong, anak? Kailangan mo ba ng pera?” balik namang tanong ng ina.

“May mga babayaran po kasi kami sa eskwelahan e. Malapit na po akong gumradweyt at kailangan pong bayaran ang graduation fee,” aniya.

“Hayaan mo at sasabihin ko sa iyo kapag nakapagpadala na ang itay mo. Kakausapin ko rin siya tungkol diyan,” tugon ng ina.

Ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng problema ang kanilang pamilya. Pansamantalang natigil ang pagpapadala sa kanila ng pera ng kanyang ama dahil naaksidente ito sa trabaho at napinsala ang kaliwang binti. Halos dalawang buwang hindi nakapagtrabaho si Mang Bert kaya dalawang buwan din itong hindi nakapagpadala ng pera. Mabuti na lamang at nakapagtapos na si Jeorge at masuwerte namang nakakuha ng trabaho ngunit hindi pa rin iyon sapat para sa pang-araw-araw na gastusin nilang mag-ina.

“Inay, kailan po kaya muling makakapagpadala si itay ng pera? Kinakapos na kasi tayo. Kulang po kasi ang sahod ko sa mga gastusin natin dito sa bahay,” wika ni Jeorge.

“Wala pa ngang balita ang ama mo e. Tinatawagan ko pero hindi sinasagot ang mga tawag at text ko,” sagot ng ina.

Isang araw ay nagulat na lamang ang mag-ina nang biglang umuwi si Mang Bert.

“O, Bert hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka? Bakit biglaan naman yata? Tapos na ba ang kontrata mo sa Qatar?”

“Pinauwi na ako ng aking employer dahil base sa medical records ko, hindi na ako maaari pang magtrabaho dahil sa kundisyon ng aking binti. Kaya pinabalik na nila ako sa Pilipinas,” anito.

“Ganoon ba? Eh paano tayo ngayon? Hindi sapat ang kita ng anak mo sa trabaho niya. Malaking kakulangan ang pagkawala ng iyong trabaho,” nag-aalalang sabi ni Aling Lolit sa asawa.

“Huwag kayong mag-alala, maghahanap ako ng trabaho dito para makatulong sa inyo,” sabi ni Mang Bert.

Nakahanap nga ng trabaho si Mang Bert nang bumalik siya sa Pilipinas. Masuwerte siyang nakapasok sa isang pabrika ngunit muli silang sinubok ng tadhana nang magkasakit si Mang Bert kaya ilang araw itong hindi nakapasok sa trabaho. Nagulat sila sa resulta nang magpakonsulta ito sa doktor.

“Ano po?! Mayroong malalang sakit si Itay?” gulat na wika ni Jeorge.

“Oo, anak. Ipinakita niya sa akin ang resulta. Mayroong Tuberculosis ang itay mo. Pinagbawalan na raw siya ng doktor na magtrabaho,” hagulgol na sabi ng ina.

“Dyusko, sobra naman itong pagpapahirap sa ating pamilya, inay,” maluha-luhang sabi ng lalaki habang yakap ang umiiyak pa ring ina.

Dahil sa pangyayaring iyon ay napagpasyahan ni Aling Lolita na siya ang magtrabaho sa ibang bansa para makatulong sa mga gastusin at sa pagpapagamot sa kanyang mister.

“Hindi mo naman kailangang gawin ito, Lolita,” wika ni Mang Bert sa asawa.

“Kailangan, Bert. Ngayong hindi ka na maaaring makapagtrabaho ay tutulungan ko ang anak natin na kumita ng pera para sa mga pangangailangan natin at para sa pagpapapagamot mo.”

“Inay kaya pa naman siguro ng kinikita ko sa trabaho. Huwag na lang po kayong umalis,” pakiusap ni Jeorge.

“Nakapagdesisyon na ako. Hindi niyo na ako mapipigilan pa. Kaya anak, ikaw na muna ang bahala sa Itay mo ha?”

Ilang buwan ang mabilis na lumipas ngunit mula nang umalis si Aling Lolita ay wala na silang natanggap na balita galing sa ina. Sinubukan nila itong tawagan at kausapin sa pamamagitan ng social media ngunit walang nangyari. Tila ayaw nitong magparamdam sa kanila.

“Anak, ilang buwan na ang nagdaan ngunit wala pa rin balita sa iyong ina. Sobra akong kinakabahan, baka kung ano na ang nangyari sa kanya doon,” nag-aalalang wika ni Mang Bert na napahawak na sa dibdib at sa sentido sa kakaisip sa asawa.

“Ako rin po Itay ay labis na nag-aalala kay Inay. Hayaan niyo at gagawa pa rin ako ng paraan para makausap siya,” ani Jeorge.

Isang araw ay isang mensahe ang kanilang natanggap mula sa malapit nilang kamag-anak na nagtatrabaho rin sa Singapore kung saan nagtatrabaho ang ina bilang domestic helper. Ikinagimbal nila ang nilalaman ng mensaheng ipinadala sa kanila.

“Ikinalulungkot kong ibalita sa inyo na hindi na raw babalik si Lolita. Pinapasabi niya sa inyong mag-ama na nakapag-asawa na siya ng isang matandang mayaman at balak niyang dito na manirahan. Sabi niya ay sawa na siya sa hirap kaya napagpasyahan niyang tanggapin ang alok ng kanyang manliligaw na Singaporean. Huwag daw kayong mag-alala at magpapadala pa rin naman siya ng pera para sa inyo. Humihingi raw siya ng tawad sa lahat ng kanyang ginawa.”

Hindi sila makapaniwala sa ginawang pagtalikod sa kanila ni Aling Lolita. Hindi nila inakala na ganoon ito karupok para ipagpalit ang mga taong nagmamahal rito para sa marangyang buhay. Hindi nila matanggap na sa kabila ng lahat ay ang ina pa ang unang sumuko sa problemang kinakaharap ng kanilang pamilya.

“Bakit mo nagawa sa amin ito, Lolita? Ano ang naging kasalanan namin ng iyong anak?” maluha-luhang tanong sa sarili ni Mang Bert.

Nagdaan ang isang taon at nabalitaan na lamang nila na pumanaw na ang ina dahil araw-araw itong binubugbog ng Singaporean nitong asawa. Labis-labis ang nadamang kalungkutan nina Mang Bert at Jeorge sa sinapit ni Aling Lolita kaya humingi sila ng tulong sa gobyerno para mabigyan ng hustisya ang pagkawala ng ina at maiuwi ang labi nito sa Pilipinas. Kung tutuusin ay iyon na ang KARMA ni Aling Lolita sa pag-iwan niya sa kanyang mag-ama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement