Inday TrendingInday Trending
Ba’t Bumalik Ka Pa?!

Ba’t Bumalik Ka Pa?!

Panganay si Manuel sa limang magkakapatid. Bukod sa siya lang ang nag-iisang lalaki ay siya rin ang pinakapaborito ng kanilang mga magulang. Paano’y matagal na hinintay ang pagdating ni Manuel sa buhay ng mag-asawang si Benjie at Kyla.

“Mahal, sa tingin mo ba naging maayos tayong magulang sa mga anak natin?” malungkot na tanong ni Kyla sa kaniyang asawa habang magkayakap ang mga ito.

“Ginawa naman natin ang lahat ng makakaya natin para maibigay ang lahat ng pangangailangan nila. Hindi lang nga ‘needs’ ang binigay natin kung ‘di sobra-sobrang ‘wants’ ang pinaranas natin sa mga anak natin. Halos buong buhay natin ay isinakrispisyo natin para sa kanila pero ba’t ganito?” naluluha-luhang wika ni Benjie sa kaniyang asawa.

“Hindi naman kaya bading si Manuel at nahihiya lang siyang umamin sa’yo?” dagdag pa nito.

“Hindi, eh. Alam kong hindi siya bakla. Sa dami ng babaeng dinala nun dito sa bahay natin ay matatalo niya pa si Tom Cruz sa pagpapalit ng babae kaya imposibleng bakla ‘yun,” sagot naman ng babae.

“Eh, bakit naging ganito ang pamilya natin? Bakit?” At doon na tuluyang bumagsak ang luha ni Benjie. Mas mababaw ang mga luha ng lalaki kaysa sa kaniyang misis.

Maglilimang taon na rin kasi simula nung huli nilang nakasama ang anak nilang si Manuel. Hindi pa man din ito tapos ng kolehiyo noon at bigla na lang naglayas at parang bulang naglaho.

Nung mga unang taon ay nakakausap-usap pa ni Kyla ang kaniyang anak at palagi lamang nitong sinasabi na gusto nga nitong mapag-isa at hanapin ang kaniyang sarili tsaka raw ito uuwi sa kanila.

Hinayaan naman ito ng babae dahil naisip niyang baka nagbibinata na ang kaniyang anak at parte lamang ito ng paglaki. Hanggang sa lumipas ang mga araw, naging buwan at naging taon. Hindi na nila muling nakausap ang paboritong anak. Wala na si Manuel.

“Alam niyo, mommy at daddy, kung tinitigilan niyo na ‘yang pag-iyak niyo sa kapatid ko ay mas mabuti pa. Nagsasayang lang kayo ng luha sa walangh*yang ‘yun,” baling naman ni Ana, pangalawang anak ng dalawa.

“Masyado niyo kasing pinalaki ang ulo ni kuya. Ayan tuloy iniwan niya lang kayo. Lahat ng pera bitbit niya pati mga alahas! Pinadalhan niyo pa kasi. Anong dahilan niyo dati? Nagbibinata? Baka kapag pinigilan maging sutil at mawalan ng direksyon ang buhay? Eh, anong nangyari? Wala! Iniwan kayo ng paborito niyong anak!” dagdag pa nito.

“Huwag kang magsalita ng ganiyan, anak. Kuya niyo pa rin iyon at baka hindi natin alam ay may nangyari na palang masama sa kaniya,” saad naman ni Benjie rito.

Sasagot pa sana si Ana nang bigla niyang mabagsak ang baso na hawak niya.

“Nandito na po ako ulit,” pahayag ng kaniyang kuya. Pahayag ni Manuel.

Hindi na nakapagsalita pa ang babae dahil mabilis na tumayo ang kaniyang mga magulang para salubungin ang matagal na nilang nawawalang anak. Masayang-masaya ang mga ito dahil parang sanggol na naman nila kung ituring si Manuel. Lahat ng kailangan ay ibinibigay. Ni hindi man lang tinanong kung saan nanggaling at saan ginamit ang mga pera na hiningi noon ng binata. Wala nang mas mahalaga pa sa pagbabalik ng kanilang kuya.

Ilang linggo pa lang ang nakakalipas at walang ginawa si Manuel kung ‘di ang humingi ng pera sa kaniyang mga magulang. Bukod sa kanilang paupahang bahay ay tanging ang sahod lamang ni Ana ang pinagkukuhanan ng gastusin nilang buong mag-anak.

“Manuel, anak ko, mukhang napapadalas yata ang paghingi mo ng pera. Puwede ko bang tanungin kung saan mo ginagamit, anak?” malambing na tanong ni Benjie sa binata.

“Kailangan ko lang, daddy. Pasensya na po kayo, ha. Hayaan niyo. Darating ang araw na hindi na ako magiging pabigat sa kahit na sino man sa inyo,” malungkot na sagot ng binata.

“Baka naman ayaw mo lang aminin sa amin. Baka nakabuntis ka na, may pamilya ka na. Tapos bumalik ka rito para manghuthot ng pera? Palagi na lang bang maglalabas ng pera ang bahay na ito para sa’yo, ha, kuya?” baling ni Ana na noon ay paalis pa lang sa trabaho.

“Pasensya ka na, Ana,” maiksing sagot ni Manuel sa kapatid.

“Tama na, Ana! Mas matanda pa rin si Manuel sa’yo kaya matuto kang gumalang. Anak, umalis ka na. Gawin mo ang dapat mong gawin. Huwag kang mag-alala dahil pera ko naman ang lahat ng ibinibigay ko sa’yo at hindi pera ni Ana,” sabi naman ni Kyla sa dalawa niyang anak sabay baling sa binata at inabutan ito ng pera.

Hindi na nagsalita pa ang babae at tinitigan na lamang ng masama ang kaniyang mga magulang at sa sobrang galit ay lihim niyang sinundan si Manuel. Nakita niyang pumasok ito sa isang ospital at doon na nga niya natuklasan ang malaking lihim ng kaniyang kapatid.

“Kailan pa ito? Dapat malaman ito nila daddy at mommy,” mabilis na wika ni Ana nang makalabas si Manuel sa kwarto ng isang doktor.

“Ana, bakit nandito ka?” nanginginig na saad ng binata.

“Uuwi tayo at sasabihin mo sa kanila. Hindi mo kailangang itago ito. Walang mangyayari kapag ganito lang ng ganito ang ginagawa mo!” galit na wika ni Ana sa kapatid.

“Matatanggap mo pa rin ba ako ngayon na alam mo na ang totoo? Sa tingin mo ay matatangap pa rin ba ako nila mommy at daddy? Na ‘yung paborito nilang anak ay naging ganito lang? Wala akong kwenta, Ana,” napaluha na lang si Manuel at napaupo ito sabay takip ng kaniyang mukha.

“Alam kong marami akong sinabi na mga salita sa’yo na masasakit at nakagawa na ako ng sugat sa pagitan nating dalawa. Pero hindi ibig sabihin nun ay iiwan kita sa ganitong yugto ng buhay mo, kuya,” sabi ni Ana at mahigpit na niyakap ang kaniyang kapatid.

Umuwi si Manuel at inamin niya sa kaniyang mga magulang na matagal na siyang positibo sa HIV.

Malaking dagok sa binata ang kaniyang pagkakasakit at dahil sa matinding kahihiyan na maidudulot niya sa kaniyang pamilya nagawang niyang maglayas.

Ngayon ay patuloy na lumalaban si Manuel at ang kaniyang buong mag-anak na hindi niya inaasahang tatanggapin pa rin siya ng buong puso

“Mas masarap pa rin pala ang magpagaling nang may nagmamahal sa’yo,” masayang pahayag ni Manuel habang lupaypay na ang katawan nito sa gamot.

“Hayaan niyo. Kapag magaling na ko magiging kuya na ako sa inyo at babawi ako sa mga magulang ko. Patawarin niyo ako,” dagdag pa nito.

Hindi na sumagot pa ang kaniyang pamilya. Nagyakapan na lamang silang lahat.

Ano man ang mangyari sa ating lahat, iwan man tayo ng buong mundo ay palagi naman nandiyan ang pamilya natin na susuportahan tayo hanggang dulo.

Advertisement