Inday TrendingInday Trending
Saan Ka Dadalhin ng Kabutihan?

Saan Ka Dadalhin ng Kabutihan?

Pinara ni Kylie ang pampasaherong taxi na iyon na agad naman siyang hinintuan. Bumaba pa nga ang driver upang matulungan siya nitong magbuhat ng kaniyang mga daladalahan. Pagkapasok na pagkapasok pa lamang niya sa loob ng taxi ay agad niyang inimporma ang taxi driver tungkol sa kaniyang kalagayan, na isa siyang pipi at bingi.

Agad namang naunawaan ng driver ang gustong sabihin ng kaniyang pasaherong may kapansanan. Kahit papaano kasi ay may alam siya kung paano makipag-usap sa mga pasaherong kagaya ng pasahero niya ngayon. Sa ilang taon niya kasing pagiging taxi driver ay natutunan niya nang mag-sign language. Sa totoo lang ay pinag-aralan pa nga niya iyon para lang sa kaniyang mga pasahero.

“Ayos ka lang ba, ma’am?” may tinig na tanong ni Mang Jimmy sa kaniyang pasaherong PWD habang kinakausap ito gamit ang senyas. Napansin niya kasing tila matamlay ito at parang pagod na pagod. “Yes, thank you,” senyas ng pasahero na ngumiti pa bilang paniniguro. Tumango na lamang din nang nakangiti si Mang Jimmy.

Nagpatuloy sa biyahe ang taxi. Tinutungo ni Mang Jimmy ang address na ibinigay ng pasahero sa kaniya. May kaunting traffic sa lugar na daraanan nila kaya naman minabuti ni Mang Jimmy na ibaba muna ang kanilang metro upang hindi naman malugi ang kaniyang pasahero.

Nang magsimulang umandar ang mga sasakyan ay tsaka lang muling itinaas ni Mang Jimmy ang metro. Pagkatapos ay tuluy-tuloy na sila sa biyahe hanggang sa makarating na sila sa address na ibinigay ng kaniyang pasahero.

“Nandito na po tayo, ma’am,” pag-iimporma ni Mang Jimmy rito gamit pa rin ang sign language.

“Magkano ang babayaran ko?” tanong din naman nito sa pasenyas na paraan. Agad namang sinabi ni Mang Jimmy ang halagang lumabas sa kaniyang metro.

Tinulungan ni Mang Jimmy na ibaba ang gamit ng kaniyang pasahero at ipinasok niya iyon sa gate ng bahay nito.

“Salamat po, manong,” sumenyas ng pasasalamat ang kaniyang pasahero na nagbigay pa ng tip bago siya tuluyang umalis.

Pagkagaling sa naturang bahay ay muli na namang sumabak sa biyahe si Mang Jimmy. Ala una na nga ng madaling araw nang siya’y magpasiyang umuwi.

Pagarahe na sana siya nang maisipan niyang inspeksyunin na muna ang kaniyang pinapasadang taxi. Doon niya napag-alamang mayroong wallet na naiwan sa loob ng kaniyang sasakyan!

Limang libo mahigit ang lamang pera ng naturang wallet bukod pa sa ilang mahahalagang IDs at cards na naroon din. Namukhaan niya ang picture na nasa ID. Ito iyong naisakay niya kaninang PWD!

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Mang Jimmy at muli siyang bumiyahe gamit ang kaniyang taxi pabalik kung saan niya ihinatid kanina ang babaeng pipi’t bingi.

Malayo-layo iyon sa kaniyang kinaroroonan ngunit nag-aalala siyang baka kailangang-kailangan na ng may-ari ang naturang perang laman ng wallet nito maging ang mga ID kaya naman sinikap niyang makabalik muli sa bahay nito.

Alas dos y media na ng madaling araw nang marating niya ang bahay nito. Lakas loob siyang kumatok. Mayamaya pa ay may lumabas na upang siya’y pagbuksan.

“Ma’am, mayroon po kasing sumakay sa akin kaninang isang babaeng PWD. Naiwan niya po itong wallet niya sa taxi ko. Nariyan po ba siya?” tanong ni Mang Jimmy sa babaeng nagbukas ng pintuan. “Naku, napakabuti naman po ninyo, manong! Sandali po at tatawagin ko si Madam Patricia para sabihing may nagsauli po ng wallet niya,” sabi ng babae kay Mang Jimmy.

“Pasok po muna kayo,” alok pa nito na agad namang pinaunlakan ng driver.

Mayamaya pa ay may pumaradang isang kotse sa tapat ng bahay na iyon at iniluwa nito ang tinatawag na si Madam Patricia, ang pipi’t binging pasahero ni Mang Jimmy kanina.

“Maraming, maraming salamat po sa ipinakita ninyong kabutihan, manong. Dahil po riyan ay gusto ko kayong bigyan ng maliit na reward para sa ginawa niyo. Mabuhay po kayo!” saad ni Madam Patricia gamit pa rin ang sign lanuage.

“Hindi naman po kailangan nun, ma’am, eh!” kakamut-kamot pa sa ulo si Mang Jimmy. “Pero maraming, maraming salamat po sa pag-appreciate ng ginawa ko,” pasasalamat pa nito.

“Hindi kailangan pero gusto ko talagang bigyan ka. Alam kong mahirap ang trabaho mo pero nagawa mo pang magsauli ng ganito. Dapat kang tularan ng nakararami, manong,” sabi pa ni Madam Patricia, muli gamit ang sign language.

“Tanggapin mo na po, manong. Deserve mo po ‘yan,” singit naman ng babaeng nagbukas ng pintuan kanina.

Napag-alaman ni Mang Jimmy na may-ari pala ng ilang negosyo si Madam Patricia at ang babaeng may-ari ng bahay kung saan niya ito ihinatid ay ang labandera nito. Lubos lang talagang matulungin si Madam Patricia dahil ipinaghatid lang nito ng grocery kanina ang kaniyang labandera.

Nakatanggap ng doble pa sa halagang isinauli si Mang Jimmy bukod pa sa mga groceries at kung anu-ano pang ibinigay sa kaniya ni Madam Patricia. Iyon ang ginamit ni Mang Jimmy para maipagpatayo ng maliit na sari-sari store ang kaniyang asawa.

Sana ay maging mabuting ehemplo sina Mang Jimmy at Patricia sa maraming mamamayan. Sila ang patunay na lubos na mabubuti tayong mga Pilipino.

Advertisement