Grabe Kung Pagmalupitan ng Babae ang Alagang Itim na Pusa; Labis ang Pagsisisi Niya nang Minsang Sagipin Nito ang Buhay Niya
‘Animal hater’ kuno kung tawagin si Rosalie. Kahit kailan, hindi talaga niya nagustuhan ang mag-alaga ng hayop. Para sa kaniya kasi, intindihin lamang ito at dagdag sa palamunin lang. Ayaw na ayaw rin niya ng amoy ng mga ito, lalong-lalo na ang mga dumi ng hayop.
Isang hapon, umuwi ang ina ni Rosalie na si Aling Lorna, na may bitbit na itim na pusa. May kalakihan na ito at hindi na kasing liit ng kuting. Sobrang galit ang naramdaman ni Rosalie sa nakita.
“Aba, ‘nay! Ano ba naman ‘yan? Nakita n’yo nang wala na nga tayong makain ng maayos nagdala pa kayo ng isa pang palamunin at alagain! Pag ‘yan nagnakaw ng ulam natin, sinasabi ko sa inyo, gagawin ko talagang siopao ‘yan!” bulyaw ng babae.
“Kawawa na kasi ang pagala-gala lang, kaya inampon ko na. Isa pa, maganda ang may alaga sa bahay. Kaya hayaan mo na lamang,” malumanay na tugon naman ng matanda.
“Diyos ko, ‘nay! Hindi ko na alam ang gagawin sa inyo. Noong nakaraan, sisiw naman ang inuwi ninyo. Tapos kulay itim pa ‘yang pusa, mamaya malasin pa tayo!”
“Matanda na ako, eto na lamang ang makapagpapasaya sa akin, baka naman puwede mo na akong pagbigyan, anak? Tiyak magugustuhan mo rin ang mag-alaga ng hayop kapag nasubukan mo,” pakiusap ni Aling Lorna.
“Hay nako! Bahala kayo diyan, ‘nay! Ikaw ang mag-alaga at mag dakot ng dumi niyan!” galit at padabog na umalis si Rosalie.
Wala naman nang ibang pagpipilian si Rosalie kundi ang tanggapin ang pusa sa kanilang pamamahay. Pero sa tuwing malilingat o ‘di kaya nama’y umaalis ang matanda, palaging sinasaktan ng babae ang kawawang pusa. Kung hindi tadyakin ay ibinabalibag ito sa sahig.
“Kung hindi lamang sasama ang loob ng nanay ko, ibinalot na kita sa sako at saka itinapon sa dagat! ‘Wag ko lamang talaga makikita ang betchin at talaga ipapakain ko sa’yo lahat!” gigil na sabi ng babae sa pusa.
Kung minsan ay naglalambing ang pusa sa babae. Ikinikiskis nito ang katawan sa binti ng babae, ngunit malakas na sipa at lumalagitik na hataw ang isinusukli ni Rosalie. Ganoon ka-grabe ang inis niya sa mga hayop.
Isang masamang pangyayari ang naganap na nagpabago sa pagtingin ni Rosalie sa mga hayop. Isang trahedya na babago sa buhay niya magpakailanman.
Napagdesisyunan nang magluto ni Rosalie ng hapunan upang wala nang ibang aasikasuhin pa at makatulog na pagkatapos kumain nang makita niya ang dumi ng pusa.
“Buwisit na pusa ka talaga! Wala ka na ngang pakinabang dito, nagkakalat ka pa!” sigaw ng babae habang hinahataw ng walis ting-ting ang kawawang pusa.
Napakapit na lang sa ulo si Rosalie at saka tinuloy ang paghahanda ng pagkain.
“Taga-linis na ng buong bahay, kubeta, at labas, taga-alaga pa ng walang kwentang hayop. Ayos lamang sana kung sinuswelduhan ako rito e,” reklamo ng babae habang padabog na naghahain.
Matapos maghanda, napatingin ang babae sa orasan. Nakita niyang maaga pa kaya’t nagdesisyon siyang mahiga at magpahinga muna. Tila ba hinehele siya at nakaramdam ng sobrang antok, kaya’t nakatulog agad ang babae.
Naalimpungatan si Rosalie sa malamig na dumadampi sa kaniyang balat. “A-ano ba naman iyan?! Natutulog yung tao e!” inis na sabi niya.
Patuloy pa rin na nararamdaman ni Rosalie ang malamig na sensayon na lumilibot sa kaniyang katawan. Nanlaki ang kaniyang mga mata at napasigaw sa nakita… “AHAS!!!”
Isang malaki at mahabang ahas ang lumilingkis sa katawan ni Rosalie. Na-istatwa si Rosalie sa kinahihigaan. Hindi siya makagalaw sa sobrang takot na nadarama. Pumapatak na ang mga luha niya dahil pakiramdam niya’y huling araw na niya.
“Meow!”
Napatingin si Rosalie sa pusa na ngumi-ngiyaw malapit sa kaniya. May mga luha sa matang inusal ni Rosalie ang salitang “Tulong!”
Agad na tumalon ang pusa sa kama at saka kinagat sa ulo ang ahas. Tinangay ng pusa ang ahas pababa at inilayo kay Rosalie. Nakatulala lamang ang babae habang tinitingnan ang pusa na makipagbuno sa nakakatakot na ahas.
Nang bumalik sa ulirat, sumigaw si Rosalie at agad na kumuha ng pamalo. Pinaghahatawa niya ang ahas habang patuloy itong nakikipagbuno sa pusa.
Ilang saglit pa, hindi na gumalaw ang ahas. Wala na itong buhay at luray-luray na rin ang katawan, habang ang pusa naman ay biglang bumagsak at nawalan ng malay.
Napatakip ng bibig si Rosalie at napaiyak. Dahan-dahan siyang lumapit sa pusa at saka ito binuhat.
“Sinagip mo ako kahit na napakasama ng turing ko sa’yo. Patawad… Patawad…” umiiyak na pahayag ng babae habang nakayakap sa itim na pusa.
“A-anong nangyari rito?” gulat na tanong ni Aling Lorna na galing sa labas.
“May nakapasok na ahas po rito sa atin. Lilingkisin sana ako pero sinagip ako ng pusa natin,” iyak ng iyak na paliwanag ni Rosalie.
“Diyos ko, buti na lamang at nasagip ka. Napakabuting alaga.”
Nagliwanag ang mukha ng mag-ina nang makita gumalaw ang pusa. Buhay pa ito at mukhang napagod lamang sa pakikipagbuno sa ahas.
Magmula noon, nag-iba ang turing ni Rosalie sa mga hayop, lalo na sa itim na pusang alaga nila. Dahil kasi sa hayop na inaayawan niya noon, nasagip ang buhay niya.
Natutunan din naman ni Rosalie na suklian ang katapatang ipinamalas ng pusa. Inalagaan niya ito at minahal. Panghabambuhay niyang tatanawin na utang na loob sa alagang pusa ang pagkakasagip sa kaniyang buhay.