Ikinainis ng Babae ang Tawag sa Cell Phone; Labis na Kalungkutan pala ang Hatid Niyon

Ikinainis ng Babae ang Tawag sa Cell Phone; Labis na Kalungkutan pala ang Hatid Niyon

FamilyHeartbreakingStories

Nagulat si Tina nang biglang tumunog ang kaniyang cell phone.

“Sino kaya itong tumatawag sa dis oras ng gabi?” sabi niya sa sarili sa inis na boses.

Kahit tinatamad na bumangon sa kama ay napilitan siyang abutin ang cell phone na nakapatong sa ibabaw ng side table at sinagot ang tawag.

“Hello!” aniya.

“Hello, Tina? Si Eduard ito. Pasensiya ka na kung naistorbo kita. Gusto ka kasing makita ni Faye, e,” wika ng boses ng lalaki sa kabilang linya.

Naging seryoso ang mukha ni Tina.

“Bakit? Anong nangyari?” tanong niya.

“Nakiusap siya sa akin na tawagan daw kita at sabihing gusto ka niyang makita at makausap. Sabi ko nga sa kaniya bukas na lang kasi gabing-gabi na pero mapilit siya,” sagot ng kausap.

Biglang nakaramdam ng pag-aalala si Tina.

“Sige, sige, sa Sabado ay pupunta ako riyan. Kumusta naman siya?”  

“Hindi na siya nakakatayo kaya maghapon na lamang siyang nakahiga sa kama. Palaging pangalan mo ang bukambibig niya,” sabi pa ng lalaki.

Naipikit niya ang mga mata.

“Pakisabi na pupuntahan ko siya sa Sabado. Alagaan mo siyang mabuti ha, Eduard?”

“Makakarating. Huwag kang mag-alala, palagi akong narito para sa kaniya. Hindi ko siya pinapabayaan. Sige, pasensiya na kung naabala kita. Asahan ka namin sa Sabado,” paalam ng kausap.

Nang ibaba na niya ang cell phone sa side table ay tahimik na nahigang muli sa kama si Tina. ‘Di niya napigilang maluha. Mayamaya ay muling bumalik sa kaniya ang mga alalala.

Bagong salta lang siya sa Maynila noon. Lumuwas sila ng kaniyang mga magulang para roon na tumira para sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Nakitira siya sa isa nilang kamag-anak at doon nga niya nakilala ang pinsan niyang si Faye. Mas matanda ito ng dalawang taon sa kaniya. Mabait ang tiyahin at tiyuhin niya at ang pinsang si Faye. Tinulungan pa nga siya ng mga ito sa pag-aaral niya sa kolehiyo. BInibigyan siya ng perang panggastos sa kaniyang matrikula at sa iba pang pangangailangan sa eskwelahan dahil minsan ay kinakapos sila. Nagtitinda lamang kasi ng gulay at prutas sa palengke ang mga magulang niya nang lumipat sila sa lungsod samantalang may kaya sa buhay ang kanilang kamag-anak. Naging sobra silang malapit ng pinsan niyang si Faye.

“O, Tina may allowance ka pa ba? Sabihin mo sa akin kung wala na at sasabihin ko kina mama ha?” wika ng dalaga.

“Naku, nakakahiya na, Faye. Sobra-sobra na ang naitulong niyo sa amin,” aniya.

“Ano ka ba? Pamilya tayo, ang pamilya ay nagtutulungan,” sagot ng kausap.

Nang makapagtapos siya sa kolehiyo ay tinulungan din siya ng kaniyang pinsan na makahanap ng trabaho. Dahil may kakilala ito sa isang ahensiya ng gobyerno ay agad siyang nakapasok roon at natanggap sa trabaho. Ngayon ay mataas na ang posisyon niya roon.  

Mayamaya ay muling bumalik sa isip niya ang tawag ni Eduard, ang asawa ng pinsang si Faye. Hindi pa rin humihinto ang pagdaloy ng luha sa kaniyang mga mata sa sobrang awa sa kaniyang pinsan sa kasalukuyang kalagayan nito. May malubha itong sakit sa baga at nalaman niyang may taning na ang buhay. Hindi pa rin niya matanggap ang sinapit nito sa kabila ng pagiging mabuting tao ng kaniyang pinsan.

Nang sumapit ang araw ng Sabado ay agad siyang gumayak at tinungo ang bahay ng kaniyang pinsan. Pagdating niya ay sinalubong siya agad ni Eduard.

“Salamat at nakarating ka, Tina. Tuloy ka!” bungad ng lalaki.

“Si Faye?” tanong niya.

Dinala siya nito sa isang silid. Nakita niya ang nakaratay na katawan ng isang babae sa kama. Nagmulat ang mga mata nito nang maramdamang dumating na siya.

“Kumusta ka na, Faye?” aniya sa pinsan .

“T-Tina? Mabuti at nakarating ka,” mahina nitong sagot.

“Siyempre naman darating ako. Gusto ko ring makita ang pinakaganda at pinakamabait kong pinsan!” sambit niya habang nanginginig ang boses.

Kahit pinipigilan ni Tina ang pangingilid ng kaniyang luha ay masaya pa rin niyang inaliw ang pinsan.

Mayamaya ay nakatulog na ito. Pinaghandaan naman siya ni Eduard ng masarap na pananghalian.

Sumapit na ang oras ng kaniyang pag-alis. Pinuntahan nila si Faye sa silid para magpaalam ngunit laking gulat nila ng hindi na ito nagising sa pagkakatulog. Wala itong buhay. Iniwan na sila ng kaniyang pinsan. Hindi na napigilang humagulgol ni Eduard na agad na niyakap nang mahigpit ang asawa. Bumagsak na rin ang mga luhang pilit niyang pinipigilan.

Siya lang pala ang hinintay nito bago ito malagutan ng hininga. Bago pa man ihatid sa huling hantungan ang kaniyang pinsan ay hindi na naman napigilan ni Tina ang masaganang luhang dumaloy sa kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ang maaliwalas nitong mukha. Payapa na si Faye. Hindi na mababakas sa mukha nito ang hirap at sakit.

“Paalam, Faye. Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng naitulong mo at ng iyong pamilya sa amin. Isa kang mabait at mabuting pinsan sa akin na kung tutusin ay para na kitang nakatatandang kapatid na palaging nariyan sa tabi ko. Hayaan mong ulit-ulitin ko sa iyo ang aking walang hanggang pasasalamat. Mahal na mahal kita, pinsan,” pabulong niyang sabi.

Nawala man ang kaniyang pinsan ay masaya na rin si Tina dahil alam niyang masaya na ito kung nasaan man ito naroroon.

More Stories