
Hindi Magkasundo ang mga Ina ng Dalawang Magpapakasal na Magkasintahan; Matutuloy Pa Kaya ang Kanilang Pag-iisang Dibdib?
“Ma, behave kayo bukas ah…” paalala ni Natalie sa kaniyang inang si Aling Cleofe.
Napatigil sa pagsimsim ng kape ang ginang. Pinandilatan niya ng mga malalaking mata ang unica hija.
“Para namang sinasabi mong ikinakahiya mo ako! Hoy Natalie, baka nakakalimutan mo na nag-iisang anak ka lang namin ng Papa mo, kaya ang gusto ko, enggrandeng kasal! I just want the best for my only daughter!”
Nakatakda na kasing mamanhikan ang fiance ni Natalie na si Arnold, ang kaniyang boyfriend sa loob ng limang taon. Bagama’t sila ay nasa hustong gulang na, mas gusto pa rin ng pamilya ng isa’t isa na maging marangya ang naturang kasalan.
Subalit hindi pa rin sila nagkaksundo sa ilang mga detalye ng kasal dahil parehong may mga suhestyon at nais manaig ang kani-kanilang mga magulang. Ayaw magpatalo. Nagpapataasan ng ihi.
At dumating na nga ang araw ng pamamanhikan ng pamilya nina Arnold. Kasama nito ang kaniyang mga magulang, sina Aling Conchita at Mang Simoun. Nagbeso-beso sina Aling Conchita at Aling Cleofe. Naghandshake naman sina Mang Simoun at ang ama ni Natalie na si Mang Rogelio.
Masasarap na pagkain ang ipinahanda ni Aling Cleofe upang walang masabi ang kaniyang mga balae.
“Wow, balae, mukhang masasarap ang mga pinahanda mo ah, nag-abala ka pa,” kunwari ay papuri ni Aling Conchita kay Aling Cleofe.
“Oo naman, balae. Para sa inyo… saka para sa magiging future son in-law ko. Dapat lang talaga na masasarap ang ihain sa inyo, sabi ni Aling Cleofe.
Tinikman ni Aling Conchita ang kare-kare.
“Alam mo balae, masarap sana ang kare-kare mo, pero parang may kulang. Hindi ganito ang kare-kare ko eh,” sabi ni Aling Conchita. Nagkatinginan sina Arnold at Natalie. Nagsisimula na naman ang pagpapataasan ng ihi ng kanilang mga magulang.
“Naku balae ganoon ba? Ano bang kulang? Asin ba?” tanong ni Cleofe.
“Oo yata balae… parang medyo matabang eh. Pasensiya ka na ah…” sabi ni Aling Conchita.
Matabang na ngumiti si Aling Cleofe. Tumayo ito at nagtungo sa kusina. Kinuha ang lalagyanan ng asin. Itinaktak nito ang asin sa kinakain ng magiging balae, bagay na ikinagulat ni Aling Conchita.
“Anong ginagawa mo, balae?” nagtatakang tanong ni Aling Conchita.
“Eh ‘di ba sabi mo matabang ang kare-kare, alatan natin…” sabi ni Aling Cleofe. Tumayo ang kani-kanilang mga mister upang awatin ang napipintong pagkakainitan na naman ng mga ulo ng dalawa.
“At talagang nananadya ka? Napakabastos mo naman! Iyan talaga ang gagawin mo sa bisita?” nanggagalaiti si Aling Conchita kay Aling Cleofe.
“Oo, bakit? Hindi ba’t ikaw naman ang nauna? Tinawag mong manggagamit ang anak ko noon. Sinong matutuwa?” galit na galit na sabi ni Aling Cleofe.
“Hindi ba’t humingi na ako ng kapatawaran sa iyo? Bakit inuungkat mo na naman ang nakaraan?” sumbat ni Aling Conchita.
Nag-ugat ang hindi pagkakasundo ng dalawa sa binitiwang salita noon ni Aling Conchita na baka pera lamang ang habol ni Natalie sa kaniyang anak na si Arnold, na nagsimula nang magtayo ng sarili niyang negosyo.
Bumaling si Aling Cleofe sa anak na si Natalie.
“Anak, ito ba ang biyenang nanaisin mong makasama? Binabastos tayo sa sarili nating tahanan. Kung ako sa iyo, huwag mo nang ituloy ang pagpapakasal!” sabi ni Aling Cleofe sa anak.
“That’s right! Arnold, I’m sure marami ka pang makikilalang ibang babae riyan na may class ang nanay!” sabi naman ni Aling Conchita.
“Aba’t talagang sinusubukan mo ako ah…” galit na sabi ni Aling Cleofe. Hindi naman malaman ng kani-kanilang mister kung anong gagawing awat sa dalawa.
“Magsitigil na nga kayo! Tigil!” sigaw ni Arnold. Napatanga sina Aling Cleofe at Conchita. Lumapit naman si Natalie kay Arnold.
“Utang na loob naman, kasal namin ang pag-uusapan natin dito hindi ang mga personal issues ninyo. Kung ayaw ninyong magpakasal kami, hindi na namin kailangan pang magpaalam sa inyo. Tutal naman, nasa hustong gulang na kami kaya hindi na namin kailangan pang magpaalam pa sa inyo,” sabi ni Arnold.
Walang nagawa ang hilaw na magbalae nang magpakasal sa pinakasimpleng seremonya sina Arnold at Natalie: malayo sa pinangarap at pinaplano nilang enggrande at marangya.
“Sorry na balae. Magkapatawaran na tayo alang-alang sa mga anak natin,” sabi ni Aling Cleofe.
“Tama ka, balae. Tunay na magbalae na tayo. Suportahan na lamang natin ang mga anak natin,” sabi ni Aling Conchita.
At namuhay nang simple at mapayapa ang bagong kasal na sina Arnold at Natalie. Naging magkasundo na rin ang kanilang mga ina.