Malapit nang Magdiwang ng Ika-100 Kaarawan ang Lolo Kaya Naman Todo-Asikaso na ang Kaniyang mga Apo; Dulot nga Ba ng Pagmamahal o May Iba Pa Silang Pakay?

Nagising si Lolo Macario, 99 na taong gulang, sa mabangong samyo ng nilulutong champorado, ang kaniyang paboritong pagkain. Muling nanumbalik sa kaniya ang alaala ng namayapang kabiyak na si Lola Dolores. Halos tatlong dekada na ang nakalipas simula nang sumakabilang-buhay ito. At ngayon, siya, na malapit nang maging sentenaryo, ay nananatili pa ring malakas.

“Good morning, Lolo! Naaamoy mo po ba ang mabangong samyo ng champorado ala Lola Dolores? Talagang pinagluto ko po kayo ng paborito ninyo,” nakangiting bungad ng kaniyang apong si Grace.

Filipino Chocolate Rice Porridge (Champorado) - Delishably - Food and Drink

Nakapisan si Lolo Macario sa kaniyang unang apo, na anak naman ng kaniyang panganay na anak, na mas nauna pang sumakabilang-buhay sa kaniya. Sa katunayan, nagsiyao na rin ang apat na anak ni Lolo Macario. Ang mga naiwan na lamang ay ang kaniyang mga apo at apo sa tuhod.

“Ano bang okasyon at nagluto ka?” mabagal na tanong ni Lolo Macario. Inalalayan siyang makaupo ng apo sa tuhod na si Tonton, panganay na anak ni Grace.

“Kailangan bang may okasyon para magluto ng champorado? Iyan, nag-ihaw pa ako ng tuyo para sa iyo. Paborito mo iyan, hindi ba?” nakangiting sabi ni Grace. Inilapag nito sa kaniyang harapan ang isang platito na naglalaman ng tatlong pirasong inihaw na tuyo. Nag-unahan naman ang mga langaw sa pagdapo rito, bagay na binugaw naman kaagad ni Lolo Macario.

“Napakarami namang langaw sa atin… mabuti pa’t maglinis kayong mabuti’t napapansin kong maraming langaw,” turan ni Lolo Macario.

“Lolo, ilang buwan na lamang at magiging sentenaryo na po kayo, ano po bang birthday wish ninyo?” untag ni Tonton na 17 taong gulang.

“A-anong sentensya?” tila nabinging pag-uulit ni Lolo Macario. Nilantakan na nito ang champoradong idinulot ni Grace. Hindi niya pinalagyan ng gatas. Ganoon ang gusto niyang champorado. Pagkatapos, itinubog niya rito ang mga inihaw na tuyo upang magkaroon ng maalat na lasa.

Advertisement

“Sentenaryo po… iyan po ang tawag sa mga gaya ninyo na umabot ng 100 years,” sabat naman ni Grace.

“Ang gusto ko, makasama ko na ang Lola Dolores ninyo sa langit,” walang kagatol-gatol na tugon ni Lolo Macario.

“Lolo naman!” biglang sambit ni Grace, sabay katok sa mesang yari sa kahoy. “Huwag naman kayong magsalita nang ganyan. Gusto pa namin kayong makasama, kung ano-anong sinasabi ninyo.”

“Aba, akala ninyo, mahirap na kayang gumalaw… mahirap din ang ganitong katanda. Huwag kayong mag-alala, nakahanda na ang damit ko sa burol, hindi na kayo mamomroblema. Ipasuot ninyo sa akin ang barong Tagalog na isinuot ko noong kasal namin ng lola ninyo,” tila pagbibilin ni Lolo Macario. Muli nitong binugaw ang mga palipad-lipad na langaw sa ere, na nais yatang makisalo sa kaniyang champorado.

Nararamdaman na ni Lolo Macario na malapit na siyang sunduin ng namayapang misis. May kung ilang gabing napapanaginipan niya itong bumababa mula sa langit, inilalahad ang isang kamay, at inaaya siyang hawakan ito. Subalit sa tuwing tatangkain niyang abutin ang mga nakalahad nitong kamay, biglang magliliwanag, masisilaw siya, at magbabalik sa realidad. Magigising siya.

Matapos kumain, muling bumalik sa kaniyang silid si Lolo Macario. Kagaya nang nakagawian, kukunin niya ang lumang larawan ni Lola Dolores na nakalagay sa isang lumang kuwadro. Hahawak-hawakan niya ito, at muli niyang kakausapin, na tila kaharap lamang.

“Dolores mahal ko… sunduin mo na ako, para magkasama na tayo… gustong-gusto na kitang makita,” usal ni Lolo Macario.

Nakatanaw naman sa kaniya si Tonton habang naghuhugas ng mga pinagkainan.

Advertisement

“Nay, nagsasalita na namang mag-isa ang Lolo Macario,” ininguso niya sa ina ang tila pagbulong-bulong ng matanda.

“Hayaan mo na ang lolo mo. Ganiyan talaga kapag tumatanda. Kailangang iparamdam natin sa kaniya na inaalagaan natin siyang maigi. Malapit na ang kaarawan niya. Kapag naging 100 years old na siya, may matatanggap na siyang 100, 000 piso kada buwan, bukod pa sa insentibo ni Mayor. Magagamit natin iyan para sa pag-aaral mo at pagpapagawa ng bahay,” paalala ni Grace sa anak.

“Eh paano po sina Tita Margaret at Tito Jose? Hindi ba’t gusto po nilang makakubra din sa biyaya?” tanong ni Tonton sa ina.

“Oo nga eh. Pero hindi ako papayag sa gusto nilang mangyari. Ang Tita Margaret mo, gustong kunin si Lolo Macario. Para nga naman nasa kaniyang poder kapag may natatanggap na si Lolo. Hindi tayo papayag, no. Tayo ang nagsaing, iba ang kakain?”

Makalipas nga ang dalawang linggo, dumating sa bahay nina Grace sina Margaret at Jose.

“Hindi ako papayag sa gusto ninyong mangyari. Kami ang nag-alaga sa matanda. Dapat lang na nasa amin siya,” pagdidiin ni Grace.

“Huwag kang suwapang sa pera, Grace. Tandaan mo, ako ang gumastos sa kaniya noong dinala natin siya sa ospital, kaya may karapatan din akong makinabang sa pera. Huwag mong solohin,” pagmamatigas ni Margaret.

“Ganito na lang, maghati-hati na lang tayo sa kung anuman ang makukuha ng lolo. Tutal, hindi naman niya gagamitin iyan. Tama si Margaret, Grace. Huwag mong solohin ang biyaya. Hindi porke’t dito siya nakatira sa poder mo, eh ikaw lang ang makakasahod sa paparating na biyaya.”

Advertisement

Pumayag na rin si Grace. Pinagplanuhan nila kung paano bibigyan ng marangyang birthday party si Lolo Macario sa ika-100 kaarawan nito. Kasado na ang lahat. Si Grace ang bahala sa lugar at dekorasyon, si Margaret ang bahala sa catering, at si Jose naman ang bahala sa videographer na magsasadokumento ng lahat.

Lingid sa kaalaman nila, batid ni Lolo Macario ang nais ng tatlo niyang apo. Sumama ang kaniyang loob. Inaabangan lamang nito ang perang matatanggap niya dahil sa kaniyang edad.

Isang araw bago ang aktuwal na kaarawan ni Lolo Macario, muling niyang napanaginipan si Lola Dolores. Mas malinaw niyang nakita ang kabiyak; puting-puti ang kasuotan nitong bestida, at tila hindi tumanda. Kung ano ang hitsura nito noong una silang nagkakilala, ganoon pa rin ito.

“Macario… halika na’t sumama ka na sa akin sa dako pa roon,” aya nito habang nakalahad ang isang kamay.

Iniangat ni Lolo Macario ang kaniyang kanang kamay, at iniabot ang nakalahad na kanang kamay ng misis. Iba ngayon dahil nahawakan na niya ito! Walang liwanag na nagpasilaw sa kaniyang mga mata. At nagtatatakbo silang palayo, hanggang sa sabay silang nilamon ng liwanag…

“‘Nay! ‘Nay! Ang Lolo Macario… ang Lolo Macario!”

Agad na nagtungo sina Grace, Margaret, at Jose gayundin ang iba pang mga imbitadong kaanak at kaibigan, sa maliit na silid ni Lolo Macario. Nakalaylay na ang kanang bisig nito. Tuluyan na itong sumama kay Lola Dolores sa kabilang-buhay.

Dahil sa mga pangyayari, sa halip na kaarawan ang ipagdiwang, ay naging burol ito. Naglahong parang bula ang pag-aasam nina Grace, Margaret, at Jose sa perang makukuha mula sa edad ni Lolo Macario.

Advertisement

Samantala, sa dako pa roon ay masayang naghahabulan sina Lolo Macario at Lola Dolores, walang iniindang sakit, lahat ay masaya lamang…