Inday TrendingInday Trending
Ipinakilala ng Babae ang Nobyo sa Kaniyang Ama’t Mula Noon, Lagi na Itong Dumadalaw sa Kanila; Paraan Ba Ito ng Nobyo Upang Makuha ang Loob ng Ama?

Ipinakilala ng Babae ang Nobyo sa Kaniyang Ama’t Mula Noon, Lagi na Itong Dumadalaw sa Kanila; Paraan Ba Ito ng Nobyo Upang Makuha ang Loob ng Ama?

“Pa, gusto ko pong ipakilala sa inyo si Jomel, nobyo ko po. Jomel, ang Papa ko,” pagpapakilala ni Cara sa kaniyang bagong nobyong si Jomel sa kaniyang amang si Rodolfo.

“Hello po Tito, magandang araw po sa inyo, ikinagagalak ko po ulit kayong makita…” nakangiting sabi ni Jomel sa ama ng kaniyang nobya. Inilahad niya ang kaniyang kanang kamay upang makamayan ito. Nakipagkamay naman ito sa kaniya.

“Sandali, nagkita na ba tayo?” tanong ni Rodolfo.

Tila namutla naman si Jomel sa tanong nito. “H-Ho?”

“Nagkita na ba tayo? Kasi sabi mo, ulit. Nagpunta ka na ba rito noon?”

Napatingin si Cara sa mukha ng kaniyang nobyo.

“Ah… eh… naipakita na po kayo ni Cara sa akin sa litrato sa cellphone niya, ipinakita po niya sa akin ang pamilya ninyo,” mabilis na tugon ni Jomel.

Tumango-tango naman si Rodolfo.

“Pasok ka iho, at kumain na tayo. Naghanda ako nang masarap na hapunan dahil sinabi nga ni Cara na ipapakilala ka niya sa akin.”

Habang kumakain sila ng hapunan ay panay ang tanong ni Rodolfo kay Jomel upang mas makilala pa ito.

“Maganda naman pala ang trabaho mo. Isa kang junior manager sa isang opisina. Pero sinasabi ko sa iyo, huwag mo munang buntisin ang anak ko ha. Unica hija ko ‘yan, at gusto ko, nasa maayos siyang kalagayan bago siya lumagay sa pag-aasawa. Ibig kong sabihin, gusto ko naenjoy niya muna ang pagkadalaga niya,” bilin ni Rodolfo.

Hindi kaagad nakasagot si Jomel dahil nakatitig siya sa guwapong mukha ni Rodolfo, na bagama’t nasa 50 na mahigit ay makikita pa rin ang kakisigan.

“Babe, tinatanong ka ni Papa…”

“Ay… opo! Opo. Oo naman po, saka wala pa po sa usapan namin iyan ni Cara. Syempre po mag-iipon muna kami ng pampakasal namin bago namin isipin iyan,” wika naman Jomel. Tumango-tango naman si Rodolfo.

Simula nang maipakilala ni Cara si Jomel ay nadadalas na ang pagpunta nito sa kanilang bahay. Halos doon na nga naglalagi si Jomel. Napapansin naman ni Cara na mas marami pang pasalubong si Jomel sa kaniyang Papa kaysa kaniya kapag dumadalaw ito.

“Mas marami pang pasalubong si Papa kaysa sa akin, si Papa ba ang jowa mo?” biro ni Cara kay Jomel nang minsang dumalaw ito sa kaniya, araw ng Sabado.

Namutla naman si Jomel sa biro ni Cara. “Eh… syempre… gusto kong magpa-good shot sa kaniya, Babe. Ganoon daw iyon, ‘di ba?”

“Sabagay… mukhang gusto ka naman ni Papa eh…”

Lumiwanag ang mukha ni Jomel.

“T-Talaga… gusto rin ako ng Papa mo?”

“Oo. Gusto ka niya. Okay ka raw. Kampante raw siya na sa iyo, na ikaw ang nobyo ko,” tugon naman ni Cara.

“Ahhh, mabuti naman kung gayon Babe, nang sa gayon ay pumayag na siya kapag hiningi ko na ang kamay mo. Lumulundag ang puso ko ngayon, na alam kong gusto rin ako ng Papa mo,” wika ni Jomel.

Hindi alam ni Cara, tumatak sa isip ni Jomel na gusto siya ni Rodolfo.

Kaya nang dumalaw siya ulit sa bahay ng nobya, tiniyak niyang wala roon ito at nasa trabaho. Nagulat si Rodolfo nang makita si Jomel.

“Jomel? Wala rito si Cara. Nasa trabaho. Hindi mo ba alam?” takang tanong ni Rodolfo.

“Hindi… hindi si Cara ang pinunta ko rito. Ikaw, ikaw…” wika ni Jomel.

Nagulat si Rodolfo sa paraan ng pagsasalita ni Jomel. Tila nawala ang paggalang nito sa kaniya. Nawala ang katagang ‘po’.

“A-ako? Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Naalala mo noong sinabi ko na masaya ako na nakita kitang muli? Totoo ang sinabi ko. Nakita na kita dati. Sa Malate. Naroon ka sa bar kung saan naroon din ako, kaming mga beki kong kaibigan. At lahat ng mga nagpupunta roon ay beki rin. Una pa lamang kitang nakita, nagustuhan na kaagad kita kaya inalam ko ang mga bagay na tungkol sa iyo, Rodie,” saad ni Jomel.

Tila natulos sa kaniyang kinatatayuan si Rodolfo.

“Napag-alaman ko na closeta ka at hanggang ngayon, hindi alam ni Cara ang tungkol sa tunay mong pagkatao. Rodie… mas bagay tayo. Sana naman pumayag ka na ligawan kita. Gusto na kita noon pa man. At habang nakikilala kita… habang nagpupunta ako rito, mas napapamahal na ako sa iyo,” pagtatapat ni Jomel.

“Teka muna… matagal na ‘yun. Oo, bi ako… pero tinalikuran ko na ang buhay na iyon. Saka, nobyo ka ng anak kong si Cara at ayokong saktan siya,” sabi ni Rodolfo.

“Ginamit ko lang siya, Rodie. Ginamit ko lang siya para mapalapit ako sa iyo. Ikaw ang tunay kong mahal. Sana mapagbigyan mo ako,” at inilapag ni Jomel ang kaniyang mga dalang pasalubong kay Rodolfo, sinugod ito at sinunggaban ng halik.

Pumalag naman si Rodolfo at naghinang ang kanilang mga labi ni Jomel. Naninibasib ang mga labi ni Jomel. Mapusok. Nadarang si Rodolfo. Sino ba ang hindi makakahindi kay Jomel? Aminado siya na nagaguwapuhan siya sa nobyo ng anak…

Subalit mali ito. Bumalik sa realidad ang isipan ni Rodolfo. Itinulak niya si Jomel.

Pagkatulak niya sa lalaki, nakita niyang may nakatayo sa pintuan ng bahay.

“C-Cara… a-anak…. magpapaliwanag ako…”

Tulala si Cara. Gulat na gulat siya sa mga nasaksihan. Hindi niya inaasahan ang tagpong kaniyang maaabutan. Nag-half day pala siya dahil masama ang lagay ng kaniyang tiyan, kaya napauwi siya nang maaga.

“C-Cara… babe… magpapaliwanag ako…” tumayo si Jomel at lumapit sa nobya.

Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Jomel.

“Nakakadiri kayo… mga hayop… nakakadiri kayo!” histerya ni Cara. Umiiyak ito. Lumapit si Rodolfo sa anak at niyakap ito. Pinaghahampas naman ni Cara ang dibdib ng ama habang tila natutulos na kandila naman si Jomel dahil sa mga nangyayari.

Ipinagtapat ni Jomel ang ginawa niyang pagsubaybay at pagsasaliksik sa buhay ni Rodolfo upang mapalapit dito, at ang ginawa niyang panggagamit kay Cara para lamang mapalapit sa ama nito.

“Walang kapatawaran ang ginawa mo, Jomel. Hayop ka! Diyos na ang bahalang humatol sa ginawa mo,” saad ni Cara.

Noon din ay nakipagkalas na si Cara kay Jomel. Sising-sisi naman si Jomel sa kaniyang ginawa, at tuluyan na ngang nagpakalayo-layo sa mag-ama.

Pinatawad naman ni Cara ang kaniyang ama, matapos ang pag-aming ginawa ni Jomel sa mga tunay na nangyari. Umamin na rin sa tunay niyang kasarian si Rodolfo upang mas maintindihan ito ni Cara.

Naniniwala si Cara na darating din ang taong magmamahal sa kaniya nang tunay, at hindi gagamitin lamang siya.

Advertisement