
Perpekto Raw ang Anak ng Aleng Ito Para Makapag-asawa, Siya Pala ang Bulag sa Katotohanan
“Anak, mawawala ka na sa kalendaryo at wala na akong ibang mahihiling pa kung ‘di ang makita kang ikasal at magkaroon ng sariling pamilya. ‘Yung makita kitang may sariling pamilya ay hindi na ako mamomroblema pa,” wika ni Aling Vivian sa kaniyang panganay habang abala ito sa pagfi-Facebook.
“Ma, dati sabi mo sa akin kapag nakita mo akong isang flight attendant na at nakakasakay na sa eroplano ay masaya ka na at wala ka nang mahihiling sa akin. Pero ngayon, ganyan ka naman. Hanggang ilang kahilingan mo ang dapat kong tuparin?” pabalang na sagot nito sa ale.
“Hoy, Ericka, kailan ka pa natutong sumagot nang ganyan? Hindi kita pinag-aral, binihisan at pinalaki para lang ganyanin mo ako! Baka nakakalimutan mo, nanay mo pa rin ako ano mang mangyari!” galit na sagot ni Aling Vivian.
Hindi na lamang nagsalita pa si Ericka at iniwasan niyang makipagtalo sa kaniyang ina. Trenta anyos na ang babae at nagtratrabaho bilang flight attendant ngunit wala pa pa rin itong pinapakilalang lalaki o nobyo, hindi tulad ng iba niyang mga kapatid na may matatagal nang karelasyon.
“Ma, sino ba ‘yung Anthony na nagti-text sa akin? Binigay mo na naman ba ang numero ko sa iba na walang paalam sa akin?” galit tanong ni Ericka sa kaniyang ina makalipas ang ilang araw ng huli nilang pagtatalo.
“Aba, siyempre, ibinida kita sa mga kumare ko kasi ako lang naman ang may anak na flight attendant. Kaya nung tinanong nung isa kong kumare kung pwede ka raw paligawan sa anak niya ay siyempre sabi ko, oo, “ sagot ni Aling Vivian sa kaniya.
“Ma, hanggang kailan mo ba ako gaganituhin? Hindi mo ba talaga nakikita?” naiiyak na tanong muli ng dalaga rito.
“Sasabihin mo na naman ba sa akin na kailangan mo na namang magpalit ng number para lang hindi mo ako mapahiya? Hay naku, subukan mo muna kasi, anak, subukan mo munang makipag-date bago ka magreklamo sa akin o baka naman may karelasyon ka nang piloto o ka-trabaho mo lang din pero hindi mo masabi sa akin? Bakit? May asawa ba? Pamilyado?” sunod-sunod na banat ni Aling Vivian sa kaniya.
“Ma! Hindi mo ba talaga nakikita? Ma, hindi ako mahilig sa lalaki!” sigaw at iritableng hiyaw niya sa ina.
“Tigilan mo ako Ericka Dimilan, huwag mo akong taasan ng boses!” sigaw din ni Aling Vivian dito.
“Ma, buong buhay ko, wala akong ginawa kundi ang sundin ka, sundin lahat ng pangarap mo para sa akin. Hindi ka pa ba masaya? Hindi mo ba talaga kayang tanggapin ‘yung totoong ako? Ma, t*bo ako, t*bo ang anak mo, may pusong lalaki ako, ma, babae ang gusto ko!” iyak ni Ericka sa kaniyang ina.
Mabilis at malakas na sampal ang ibinigay ni Aling Vivian sa kaniyang anak at saglit na natahimik ang lahat na nasa salas ng mga sandaling iyon. Hindi rin nakapagsalita kaagad si Ericka at labis na nabigla dahil ito ang unang pagkakataong pinagbuhatan siya ng kamay ng kaniyang ina.
“Hindi kita iniluwal, hindi kita pinalaki at mas lalong hindi kita pinag-aral at binigyan ng magandang buhay para maging ganyan, babae ka, Ericka, napakaganda mo, flight attendant, mukhang modelo, magandang pangangatawan, lahat na ng pwedeng pangarapin ng ibang babae ay ibinigay sa’yo kaya huwag mong masayang-sayang iyon sa kabalbalan na sinasabi mo! Huwag na huwag mong mababanggit ulit sa akin ‘yan dahil baka hindi lang sampal ang ibigay ko sa’yo sa susunod!” baling ni Aling Vivian sa kaniyang anak.
“Napakahirap maging anak mo, ‘ma, kung alam ko lang na mabubuhay ako para isumbat mo sa akin lahat ng ‘yan, sana noon pa man ay hindi na lang ako nabuo sa mundong ito. Wala naman akong ibang ginawa na ayaw mo, lahat ng gusto mo, ‘ma, simula bata pa lang ako ay sinunod na kita pero bakit hindi mo matanggap na iba ako sa kanila? Ganito mo ba talaga akong ikakahiya? Mas mabuti bang mawala na lang ako kaysa sa magkaroon ka ng anak na salungat sa inaasahan mo? Sabihin mo sa akin, ‘ma, kasi gusto ko na rin mabuhay. Gusto kong mabuhay sa paraang gusto ko, kung utang man ang pag-aaral ko, ang pagpapakain mo sa akin, sabihin mo, ‘ma, paano kita mababayaran? Paano ko babayaran ang lahat ng mga sinasabi mo makalaya lang ako sa’yo?!” hagulgol ni Ericka rito.
Hindi naman nagsalita pa ang ale at mas piniling pumasok na lamang sa kwarto habang si Ericka naman ay dinamayan ng iba niyang kapatid.
Batid sa kaalaman ni Ericka, matagal nang alam ng kaniyang ina ang napiling kasarian na iyon ng dalaga ngunit ginawa rin ni Aling Vivian ang lahat para mabago o malihis ito.
“Arturo, hindi ko alam kung paano ko tatangapin na ‘yung unang sanggol na binuo natin sa sinapupunan ko ay hindi babae. Nasasaktan din naman ako pero mas nananaig ang takot ko para sa kaniya at kung paano siya tatangapin ng lipunan. Hindi ko na alam paano ko pa makakayanan ang lahat,” iyak ni Aling Vivian sa abo ng kaniyang yumaong mister.
Hanggang sa dumaan ang ilang mga araw ngunit hindi pa rin inimikan ni Aling Vivian ang kaniyang anak kahit nga humingi na ito ng tawad. Alam niya sa sarili na nagkamali siya sa panunumbat dito dahil responsibilidad niya iyon bilang isang ina. Alam niya sa sarili na dapat tigilan na niya ang panunumbat ng kaniyang mga ginawa sa pagpapalaki sa mga ito para lamang masunod ang gusto niya dahil tama ang kaniyang anak. May sarili silang buhay na dapat nilang tahakin.
Kaakibat ng kaniyang pananahimik ay tinigilan na rin niya ang pagpapakilala ng lalaki kay Ericka at hinayaan niya ito na unti-unting ipakita ang kaniyang sarili. Hindi nagtagal ay nakita niyang masaya ang kaniyang anak at wala na siyang mahihiling pa. Unti-unti rin niyang natanggap sa sarili na hindi kamalian ito sa kanilang pamilya.

Sa Loob ng Mahahabang Panahon ng Pagsasama Bilang Mag-asawa, Hindi Nila Naiparamdam ang Ikinukubling Pagmamahal sa Isa’t Isa; Mapatunayan Kaya Nilang Laging Huli ang Pagsisisi?
