
Halos Isang Buwan nang Comatose ang Nanay ng Dalagang Ito, Mas Mabigat pa pala ang Papasanin Niya sa Pagmulat Nito
“Mommy, hindi ko pa rin talaga maintindihan at kung paano ka nalaglag sa hagdan natin. Please, mom, gising ka naman na, hirap na hirap na kami ni daddy,” umiiyak na wika ni Dianne sa kaniyang ina na halos isang buwan ng nakaratay sa ospital at comatose pa rin ang kalagayan nito.
Isang doktor ang nanay ni Dianne at bukod pa roon ay sila rin ang may-ari ng ospital kung saan nagtratrabaho ang kaniyang ina. Lumaki siya sa pamilyang may marangyang pamumuhay at halos walang problema.
“Anak, nandito ka na pala, balita ko ay hindi ka pa umuuwi sa atin simula nung nakalapag ka ng Pilipinas, magpahinga ka muna, anak,” bati ni Sir Robert, ang kaniyang ama na isang abogado.
“Ayos lang, daddy, kasalanan ko rin na hindi ako kaagad nakauwi galing sa Amerika at mas piniling tapusin pa ang mga pagsusulit ko kaysa bantayan si mommy. Dito na muna ako,” malungkot na sagot ng dalaga sa kaniyang ama.
“Hindi rin naman natin alam na magkakaganyan ang mommy mo at tatagal nang ganito ang aksidenteng ito. Walang may kasalanan, anak, isa pa, may nag-aalaga naman dito sa mommy mo kaya magpahinga ka muna para bukas ay makabalik ka ulit,” pagpupumilit muli ng kaniyang ama at pumayag na rin si Dianne na sumama rito matapos ang ilang minuto na pagbisita ng lalaki.
Ang buhay at bahay nila noon na punong-puno ng saya ay napalitan ng dilim at hinagpis simula nang mangyari ito sa kaniyang ina. Dahil sa nag-iisa lamang siyang anak ay pakiramdam niya’y obligasyon niya ang ina kaya kahit na nga pinagpapahinga siya ay lihim pa ring umalis si Dianne papunta sa ospital. Dahil madaling araw na ay wala na masyadong nag-iikot na nurses kaya naman dumiretso na siya sa kwarto ng kaniyang ina upang puntahan ito.
“Mommy!” sigaw ni Dianne nang makita niya ang kaniyang ina na nakatayo at naninigarilyo sa bintana ng kaniyang kwarto.
“Anak, bakit nandito ka?!” gulat at namumutlang sagot agad ni Doktora Minda.
“Para bantayan ka pero, oh my God! Gising ka na at nagsisigarilyo pa!” naguguluhan ngunit may kaunting inis sa boses ng dalaga.
“Ano ‘to, mommy, palabas lang ba itong lahat?” sunod niyang tanong saka nilapitan ang kaniyang ina at hinila ito para maupo.
“Sa nakikita ko ngayon, you are so well! Maayos ang kalagayan mo at walang bakas ng comotase, hindi mo pwedeng sabihin sa akin na kagigising mo lang!” ratrat pang muli ni Dianne rito.
“Anak, namiss kita,” malambing na sagot ng kaniyang ina at mabilis siyang niyakap.
“Pasensiya ka na kung nagulo pa ang pag-aaral mo nang dahil lang sa akin,” dagdga pa nito.
“So, palabas lang ang lahat ng ito? Para lang tayong nasa mga telenovela? ganoon ba? Para saan, mommy?” baling muli ni Dianne sa ina.
Dahan-dahan na bumitaw ang kaniyang ina sa kaniya at hinawakan ang kaniyang mga kamay saka nagsimulang pumatak ang mga luha.
“Bukod sa mabigyan ka ng magandang buhay ay isa lang naman ang hiling ko at iyon ay ang magkaroon ng kumpleto at mapagmahal na pamilya,” mahinang sabi ni Doktora Minda sa kaniya.
“Nag-away ba kayo ni daddy? Ano ba ‘to, mommy, para away lang ay nagawa mo pang mag-eksena ng ganito. Grabe!” baling ni Dianne sa kaniyang ina saka tinanggal ang kaniyang kamay at napahawak na lamang ito sa ulo niya.
“Baka lang hindi niyo alam, si daddy ay pumayat na kakaalala sa inyo at sigurado akong hindi ‘yun makapagtrabaho dahil sa sitwasyon niyo,” dagdag na sabi ni Dianne sa ina.
“Akala ko nung una nagsasawa lang ang daddy mo sa akin, baka dala lang ng katagalan ng relasyon namin, kaya hinayaan ko lang ang panlalamig niya at nagbulag-bulagan ako sa mga sinyales na may ibang babae,” mahinang sabi ni Doktora Minda na siyang ikinagulat ni Dianne dahil alam niyang mahal na mahal ng kaniyang mga magulang ang isa’t isa. Perfect couple nga ang tawag niya sa mga ito.
“Kaso, nakita ko na inaayos na niya ang annulment namin. Makikipaghiwalay ang daddy mo sa akin kaya binalak kong tapusin ang buhay ko,” umiiyak na dagdag pa ng kaniyang ina.
“Alam ko, makasarili ako para isipin lang ang sarili ko at gumawa ng ganito pero, anak, hindi ko alam kung paano ako gigising at mabubuhay na wala ang tatay mo sa tabi ko. Sa araw-araw, wala akong ibang hiniling kung ‘di ang makasama siya hanggang sa pagtanda. Mahal na mahal ko ang tatay mo kaya mas pipiliin ko pang m@m@t*y na lang kaysa sa mabuhay na parang araw-araw din akong p@pa@tay!n ng sakit. Hindi ko alam saan ako nagkulang, hindi ko alam saan ako nagkamali, hindi ko alam bakit hindi ko nagawang isalba ang relasyon namin. Kaya kong itapon ang pera, posisyon, ang lahat pero hindi pa rin iyon sapat para piliin ako ng tatay mo,” at doon na bumagsak ang kaniyang ina sa sahig at umiyak ito nang umiyak.
Hindi makapaniwala si Dianne na ang nanay niya na napakatapang ay iiyak ng ganoon sa mga oras na iyon kaya naman hinayaan na niya muna ang kaniyang ina. Kinaumagahan ay kaagad ding natapos ang palabas ni Doktora Minda at kinausap ni Dianne ang kaniyang ama. Ngayon lamang niya nalaman na may iba pala talagang mahal ang tatay niya sa tinagal-tagal ng panahon at kaya naman ito makikipaghiwalay sa kaniyang ina dahil gusto na niyang sundin ang puso niya kahit sa mga nalalabi man lang daw na oras ng kaniyang buhay.
Simula noon ay naghiwalay ang kaniyang mga magulang, para mang bumaligtad ang kaniyang mundo ngunit mas pinili niyang walang panigan sa dalawa dahil mas gugustuhin niya ng ganito kaysa naman sa buo sila ngunit hindi naman totoo.
At kahit mahirap para sa kaniyang ina ay unti-unti nitong natatanggap na may saysay pa ring mabuhay kahit na hindi na buo ang pamilya niya. Doon din napatunayan ni Dianne na kahit anong gawin at kahit anong maging sitwasyon ay hindi maaaring mabayaran ang pusong nagmamahal ng totoo, hindi ito matuturuan o mabubulag.