Inday TrendingInday Trending
Sa Loob ng Mahahabang Panahon ng Pagsasama Bilang Mag-asawa, Hindi Nila Naiparamdam ang Ikinukubling Pagmamahal sa Isa’t Isa; Mapatunayan Kaya Nilang Laging Huli ang Pagsisisi?

Sa Loob ng Mahahabang Panahon ng Pagsasama Bilang Mag-asawa, Hindi Nila Naiparamdam ang Ikinukubling Pagmamahal sa Isa’t Isa; Mapatunayan Kaya Nilang Laging Huli ang Pagsisisi?

Tamang-tamang katatapos lamang magluto ni Editha, 62 taong gulang, ng kanilang aalmusalin ng mister na si Conrado, 65 taong gulang, nang lumabas ito mula sa silid. Tuwing alas sais impunto talaga gumigising ang kaniyang mister, kabisado na niya ang oras ng paggising at pagtulog nito, kaya alam na rin niya kung anong oras gigising upang makapaghanda ng almusal.

“Kain na,” tipid na turan ni Editha sa mister. Pinihit naman ng mister ang kabiserang silya at naupo. Kinuha naman ni Editha ang mga basyo ng kape. Kape lang, ayaw ni Conrado sa gatas o creamer, isa pa, mataas ang sugar level nito kaya walang asukal. Matapang at mapaklang kape. Iyan ang gusto ni Conrado.

Matapos matimplahan ng kape ang asawa, siya naman ang nagtimpla ng sariling inumin. Kaunting asukal lamang subalit wala ring gatas o creamer. Hindi na rin siya sanay. Ganoon nga yata kapag tumatanda. Hindi naman sa nahawa na siya kay Conrado o kung ano pa man, subalit sa paglipas ng panahon, mas nagustuhan na rin niya ang lasa ng mapait na kape. Iyong gumuguhit sa lalamunan.

Salo sila. Gaya ng dati, tahimik lamang nilang ninamnam ang sinangag, bacon, at itlog. Hindi maarte o mapili sa pagkain si Conrado. Noong mga unang taon ng kanilang pagsasama, hindi marunong magluto si Editha. Kinailangan niyang matuto dahil iyon ang nakasanayan ng kanilang pamilya. Ang babae ay siyang tagaluto at tagasilbi sa bahay. Kailangan kapag babae ka, marunong ka sa gawaing-bahay. Kailangan mong sumunod sa asawa mo.

“Editha, may ibinigay sa aking regalo yung kaibigan ko dati sa opisina, si Roderick. Gamitin natin,” maya-maya ay basag ni Conrado sa katahimikan.

“Regalo?” tanong ni Editha.

“Oo, regalo. Bakasyon sa isang hotel, yung uso ngayon. Staycation ang tawag. Sayang naman. Mga dalawang araw lang naman. Para makapagbakasyon na rin tayo,” tugon ni Conrado.

“Sige maganda iyan. Kailan ba?”

“Ikaw bahala. Wala namang nakalagay kung kailan, basta within this year lamang,” sagot ni Conrado.

“Sige, sasabihan kita,” saad ni Editha.

Muling katahimikan. Ganoon lagi ang kanilang mga pag-uusap. Hindi tumatagal ng dalawang minuto. Mapalad na kung humaba ng isang minuto. Kinasanayan na nilang huwag tagalan ang pag-uusap. Sanay na silang hindi nag-uusap.

Matapos makakain, tumayo na si Conrado at iimisin sana ang pinagkainan, subalit sinaway siya ni Editha. Siya na lamang daw. Tumango naman si Conrado. Lagi namang ganoon ang senaryo tuwing umaga. Tatangkain niyang ayusin ang mga pinagkainan subalit sasawayin siya ni Editha. Tatangkain niyang maghugas ng mga pinagkainan, subalit sasawayin siya ni Editha. Kapag ganoon, tutungo na si Conrado sa salas upang magbasa ng pahayagan, o kaya naman ay manood ng telebisyon.

Sina Editha at Conrado ay biktima ng kani-kanilang mga magulang sa tinatawag na “fixed marriage” o pinagkasundong kasal. Usong-uso ang ganitong mga pangyayari noong kanilang kabataan. Nagulat na lamang sila nang i-anunsyo ng kani-kanilang mga magulang na sila na ang itatakda sa isa’t isa. Nang makita nila ang isa’t isa, walang masama, guwapo si Conrado at maganda naman si Editha. Subalit hindi nila mahal ang isa’t isa. Wala silang nararamdaman.

Walang nagawa ang dalawa, subalit bilang protesta, ipinasya nilang huwag magkaroon ng anak, subalit nagsisiping sila, dahil sa pangangailangan bilang tao. Hanggang sa pagdaan ng panahon, nadala na nila ito. Mas mainam na rin na may makasama sa buhay, subalit hindi ibig sabihing mahal ninyo ang isa’t isa.

Kaya naman nang sila ay mag-staycation, kakatwa ang lahat para kay Editha. Sa halos buong panahon ng pagsasama nila ni Conrado, ngayon lamang yata sila lumabas upang magbakasyon. Tuwang-tuwa si Editha sa hotel na kanilang pinuntahan dahil maraming mga bulaklak. Isa pa, talaga namang mamahalin at maraming mga atraksyon.

Kinagabihan, kumain sila sa tabi ng malaking swimming pool. Napakaromantiko ng lugar. Nakasuot ng kaniyang balabal si Editha. Hindi niya napansin na lihim siyang pinagmamasdan ng mister.

“Masaya ka ba?” untag sa kaniya ni Conrado.

Napatingin si Editha sa mister. “Masaya naman… oo masaya. Maganda at masarap dito.”

“Ngayon lang natin ito nagawa simula nang maikasal tayo.”

Katahimikan.

“Editha, may kailangan kang malaman…”

Nangunot ang noo ni Editha.

“Nagpacheck-up ako sa doktor dahil sa inirereklamo kong pagsakit sa aking tiyan. Mayroon daw akong c@ncer sa colon. Mawawala na ako, Editha.”

Nalaglag ang balabal ni Editha dahil nilipad ito ng hangin at tinangay patungo sa swimming pool, subalit hindi nakahuma si Editha sa rebelasyon ng mister.

“K-Kailan mo pa nalaman? Bakit hindi mo kaagad sinabi sa akin? Kailangang magpagamot tayo…” nag-aalalang sabi ni Editha.

“Huwag na. Ayokong magpagamot. Matanda na rin ako, Editha at pasasaan ba’t doon na rin ang tungo ko. Pero may hiling ako sa iyo,” pakiusap ni Conrado.

“Ano iyon?”

“Maaari ba tayong maglakbay? Gawin natin ang mga bagay na hindi natin nagawa noong mga bata-bata pa tayo? Kumain tayo sa labas, gawin natin ang mga hindi natin nagawa noon!” may desperasyon at namumuong luha sa mga mata ni Conrado. May kung anong damdaming naramdaman si Editha sa pagsulyap niya sa mga mata ng mister, na hindi niya naramdaman noon.

Pumayag si Editha. Iyon na ang naging simula ng kanilang mga paglalakbay, pagkain sa mga mamahaling restaurant, pamamasyal. Ayaw mang aminin ni Editha, subalit labis siyang nag-enjoy. Marami siyang natuklasan sa mga katangian ni Conrado. Hindi pala ito seryosong tao kundi kalog din at mahusay magpatawa. Hindi niya natuklasan ito sa buong panahong magkasama sila sa iisang bubong.

Makalipas ang dalawang linggo, hindi na natuloy ang nakatakda nilang pamamasyal sa Batanes dahil nanghina na si Conrado. Tumanggi itong magpapunta sa ospital. Nanatili lamang sila sa loob ng bahay.

“Editha… patawarin mo ako. Napakarami nating sinayang na sandali, at ngayon… mukhang hanggang dito na lang ang buhay ko… nagsisisi ako kung bakit ngayon ko lang napagtanto na mahal na mahal na pala kita, at kung kailan may karamdaman ako, saka ako naglakas-loob na ipagtapat sa iyo ang lahat…” lumuluhang pag-amin ni Conrado sa kaniyang misis.

“Huwag mo na alalahanin iyon…. ako rin… gusto kong humingi ng tawad sa iyo. Mahal kita Conrado, subalit hindi ko napagtanto ang damdamin ko sa iyo, dahil natakot ako. Mahal na mahal kita, Conrado…” lumuluhang saad naman ni Editha. At sa kauna-unahang pagkakataon, ginawaran niya nang masuyo at banayad na halik sa mga labi ang mister…

Habang tinitingnan ni Editha ang puntod ng kaniyang asawa, nakaramdam siya ng panghihinayang sa mahahabang panahong sinayang nilang mag-asawa. Mahal na pala nila ang isa’t isa, at kinailangan pang magkasakit ni Conrado para lamang masabi at maamin nila ito. Napagtanto niyang maiksi lamang ang buhay kaya huwag matakot sabihin sa asawa o sa kahit na sinong mahahalagang tao sa buhay ang pagmamahal, dahil laging nasa huli ang pagsisisi.

Sa kabilang banda, masaya si Editha dahil siya ang kasama ng kaniyang asawa, at naiparamdam niya rito ang hindi napagtantong pagmamamahal, bago man lamang mapugto ang hininga.

Advertisement