Hindi Malaman ng Babae ang Gagawin nang Saktan ng Kaniyang Kapatid ang Kanilang Ina, Natuwa siya nang Magbunga ang Mataimtim niyang Pananalangin

Hindi Malaman ng Babae ang Gagawin nang Saktan ng Kaniyang Kapatid ang Kanilang Ina, Natuwa siya nang Magbunga ang Mataimtim niyang Pananalangin

FamilyLoveStories

“Frances, tawagan mo naman ‘yung doktor ni bunso, nakita ko na namang umiiyak kagabi, eh. Mukhang inaatake na naman ng depresyon,” ika ni Aling Girlie habang nagdidilig ng kaniyang mga tanim na halaman, bakas sa kaniyang mukha ang pag-aalala sa anak. 

“Naku, mama, nakita ko rin siya kagabi kaya tinawagan ko na agad ‘yung doktor niya. Ang sabi, dalhin daw natin si bunso doon sa klinik niya,” tugon ni Nathalie, saka tinulungan ang kaniyang ina na magdilig. 

“Eh, paano natin siya dadalhin doon? Nakasarado pa ang buong Maynila dahil sa kumakalat na sakit,” sambit ng kaniyang ina. 

“Iyon nga rin po ang sinabi ko, eh. Kaya sabi niya, hintayin na lang daw po muna nating magbukas ang Maynila para matignan niya si bunso. Sa ngayon daw po, huwag nating hayaang mag-isa siya. Lagi raw nating kausapin at pasayahin para hindi na mag-isip nang mag-isip,” paliwanag niya.

“Diyos ko, ang bunso ko, kawawa naman,” buntong hininga nito saka tumingin sa bintana ng kwarto ng bunsong anak,  “Halika, magluto tayo ng paborito niyang kutsinta, tiyak matutuwa ‘yon!” yaya ng kaniyang ina sa kaniya na agad naman niyang sinang-ayunan. 

Panganay sa dalawang magkakapatid ang dalagang si Nathalie. Simula nang pumanaw ang kaniyang ama, tatlong taon na ang nakakalipas, siya na ang naging katuwang ng kaniyang ina sa lahat ng bagay. Mapagawaing bahay man ito o pag-aalaga sa kaniyang bunsong kapatid na nagkadepresyon simula noong mawala ang kanilang padre de pamilya, siya ang kaagapay ng kaniyang ina. 

Dahil nga sobrang lapit ng kaniyang bunsong kapatid sa kanilang ama, hindi nito labis na matanggap ang paglisan ng ama. Walang araw na hindi ito umiiyak, walang araw na hindi ito natutulala at kung minsan pa nga, sinasaktan nito ang sarili dahilan upang labis na silang mag-alala. 

Simula noong mapansin nilang hindi na tama ang kinikilos ng kanilang bunso, ipinatingin na nila ito sa espesyalista na tunay ngang nakatulong sa pag-iisip nito. Sa lingguhang pagpapatingin nito, unti-unting nanumbalik ang masayahin at madaldal nilang bunsong dalaga. 

Ngunit nang lumaganap ang kumakalat na sakit, hindi na nila ito nagawang ipatingin dahilan upang manumbalik na naman ang sakit nito na labis na pinag-alala ng kaniyang ina. 

Noong araw na iyon, gumawa nga sila ng paboritong pagkain ng dalaga. Magiliw nila itong sinaluhan sa pagkain at kinuwentuhan ng mga masasayang ala-ala ng kanilang pamilya.

Ngunit nang mabanggit ng kaniyang ina ang tungkol sa kanilang padre de pamilya, bigla itong umalis at nagkulong sa silid. Agad naman itong sinundan ng kaniyang ina at sinabing, “Sige na, ako na bahala kay bunso, ligpitin mo muna ‘yang pinagkainan natin,” na agad naman niyang sinunod. 

Ngunit habang abala siya sa pagliligpit, narinig niyang sumigaw ang kaniyang ina dahilan upang dali-dali siyang magtungo sa silid ng kapatid. 

“Mama!” sigaw niya nang makitang nakahandusay na ang kaniyang ina’t naliligo na sa sariling dugo. Agad niyang hinanap ang kaniyang kapatid at nakita niyang tumatakbo na ito palayo sa kanilang bahay. Agad siyang tumawag ng ambulasya’t dinala ang kaniyang ina sa ospital. 

Umingay sa buo nilang barangay ang ginawang pananaks*ak ng kaniyang kapatid sa kanilang ina. Sabi pa ng iba, “Kita mo, nasa hukay ang kabilang paa ng nanay mo dahil sa baliw na ‘yon! Ipahanap mo’t ipakulong ‘yon!” Hindi niya alam ang gagawin noong mga oras na ‘yon. Natotorete siya sa mga sinasabi ng iba. Bukod sa nag-aalala siya sa kalagayan ng ina, nag-aalala pa siya sa kapatid niyang hanggang ngayon, hindi pa makita. 

Wala na siyang ibang magawa kung hindi magdasal. Pinagdasal niya ang mga nangyayari sa kanilang pamilya. Ika niya, “Alam ko pong may nais kayong ituro sa akin, at kung ‘yon ay intindihin at patawarin ang kapatid ko, handa po akong gawin iyon, iligtas niyo lang po ang aming ina.” 

Tila naman dininig ng Panginoon ang kaniyang panalangin dahil ilang araw lang ang nakalipas, muli nang gumising ang kaniyang ina. Sakto rin noong araw na ‘yon, natagpuan na ang kaniyang kapatid na labis ikinatuwa ng kaniyang ina. 

Doon niya nalamang inawat pala ito ng kaniyang ina sa pagpapakatiwakal dahilan upang magalit ito at saktan ang ina. 

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung hinahayaan ko lang siyang magpakatiw*kal. Ayos nang nasaktan ako basta napigilan ko siya,” nakangiting sambit ng kaniyang ina, isang araw nang iuwi na sa kanila ang kaniyang kapatid na galing sa isang rehabilitasyon. 

Ganoon na lamang ang saya niya nang yakapin at humingi ng tawad sa kanila ang kaniyang bunsong kapatid. Ika niya, “May pagkukulang din kami ni mama, kaya patawarin mo rin kami,” dahilan upang mangiyak ang kaniyang ina’t niyakap silang pareho nang mahigpit. 

Kahit gaano man kalalim ang sugat na naibigay ng mahal natin sa buhay, mabuting patawarin natin sila, dahil tayo’y nabuhay din dahil sa walang sawang pagpapatawad ng Poong Maykapal. 

More Stories