Tamad Mag-Aral Ang Dalagang Ito, Nadurog Ang Kaniyang Puso Nang Marinig Ang Usapan Ng Mag-inang Kapos Sa Buhay

Tamad Mag-Aral Ang Dalagang Ito, Nadurog Ang Kaniyang Puso Nang Marinig Ang Usapan Ng Mag-inang Kapos Sa Buhay

InspiringStoriesSuccess

“Cheska! Paalisin mo nga ‘yung batang ‘yon! Nagsusulat na naman ng kung ano-ano sa pader natin!” sigaw ni Aling Teya sa kaniyang anak na nakahilata habang nanunuod ng telebisyon. 

“Mamaya na, mama! Nanunuod pa ako, o!” reklamo ni Cheska. 

“Ayan, imbis na mag-aral ka, nanunuod ka lang d’yan! Tapos kapag inutusan ka, puro “mamaya” ang sagot mo!” sermon pa ng kaniyang ina dahilan upang siya’y tagong mapairap. 

“Eh, mama, nakakatamad kayang mag-aral. Hindi tulad nang panunuod, may natututunan ka na sa buhay, nakakaaliw pa,” depensa niya na lalo pang ikinagalit ng ina. 

“Hoy, tumigil ka, ha! Kita mo ‘yung batang ‘yon, kahit puro pangalan niya lang ang alam isulat, nagsusulat pa rin siya,” sambit pa nito. “Sa pader nga lang natin,” pangbabara niya sa ina. 

“Tumahimik ka d’yan! Baka gusto mong patigilin kita at ‘yon na lang ang pag-aralin ko? Dalian mo! Sawayin mo na ‘yon!” bulyaw nito sa kaniya, bakas na sa mukha nito ang pangagalaiti dahilan upang mapabalikwas siya’t puntahan ang batang kanina pa nagsusulat sa kanilang pader.

Dahil nga solong anak ang dalagang si Cheska, lahat ng nais nito’y binibigay ng kaniyang ama’t ina. Hindi naman ito imposible lalo pa’t isang seaman ang kaniyang ama habang isang negosiyante naman ang kaniyang ina. 

Lahat ng nais niya, mapasapatos man ito o kahit ano pang materyal na bagay, agad niyang nakukuha. Sa katunayan pa nga, ngayong kakatapos niya lang sa hayskul, ipinasok siya ng kaniyang mga magulang sa isang sikat na unibersidad gaya ng kaniyang kagustuhan. 

Ngunit kahit pa bigay lahat ang kaniyang luho, hindi mapatino-tino ng kaniyang mga magulang ang dalagang ito sa larangan ng pag-aaral. May katamaran kasi itong mag-aral, ni magsulat ng mga aralin sa paaralan, pinapagawa niya pa sa kaniyang mga kaklase. Handa siyang magbayad kahit magkano para lang may magsulat sa kaniyang mga kuwaderno.

Mabait naman talaga si Cheska. Mapagbigay, mapagmahal sa mga magulang at maka-Diyos, kaya nga lang, kapag katamaran na ang pinag-uusap, siya ang nagnunumero-uno dahilan upang palagi na lang siyang sermunan ng kaniyang ina. 

Noong araw na ‘yon, pagkabulyaw ng kaniyang ina, agad siyang tumayo mula sa pagkakahiga’t padabog na lumabas upang sawayin ang batang nagsusulat sa kanilang pader. 

“Hoy, bata, hindi sulatan ‘yang pader namin!” saway niya dito ngunit hindi siya iniintindi ng naturang bata, “Papahuli kita sa pulis kapag hindi ka tumigil d’yan!” panakot niya sa bata dahilan upang bigla itong tumakbo at sinabing, “Ang damot mo! Pangit ka naman!” dahilan upang habulin niya ito. 

Napadpad siya sa isang bahay sa tabi ng tambakan ng basura. Narinig niyang nagsusumbong ang batang hinabol niya sa isang ginang dahilan upang bahagya siyang magtago sa isang sulok. 

“Eh, bakit kasi sa pader ka nila nagsusulat, ha? May mga papel naman dito, nakakaabala ka pa sa kanila,” malumanay na sambit ng ginang. 

“Pakiramdaman ko po kasi, mama, kapag sa pader ako nagsusulat, para na akong isang ganap na guro tulad ng pangarap ko,” nakatungong ika ng bata. 

“Halika nga dito,” yaya ng ginang, “Pasensya na, anak, ha, sa hirap ng ating buhay, hindi natin prayoridad ang pag-aaral. Mukhang malabong matupad mo ang pangarap mo,” dagdag pa nito na talaga nga namang nakapagpadurog ng kaniyang puso. 

Agad siyang umuwi ng kanilang bahay matapos marinig ang usapang iyon ng mag-ina. Agad niyang niyakap ang kaniyang ina at lubos na nagpasalamat sa pagpapaaral sa kaniya na labis na pinagtaka ng kaniyang ina. Nangako pa siyang mag-aaral nang mabuti at gagawin ang lahat upang makabawi. 

“Tinamaan ka ba ng kidlat, anak? Anong himala ‘to?” biro ng kaniyang ina at doon na niya nga ikinuwento ang nasaksihan niyang pangyayari. 

Lubos na naawa ang kaniyang ina dahilan upang naisin nitong pag-aralin ang naturang batang iyon. 

“Talaga po, mama? Ang bait-bait mo talaga! Pangako, mama, kapag may trabaho na ako, ako na ang magpapaaral sa kaniya!” mangiyakngiyak niyang sambit saka niyakap nang mahigpit ang ina. 

Pinag-aral nga ito ng kaniyang ina at ilang taon pa ang nakalipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos at nakakuha ng isang magandang trabaho.

Katulad ng pinangako niya sa ina, siya na nga ang nagpaaral sa naturang batang iyon na palaging nangunguna sa klase. 

Ganoon na lang siya kasaya sa pagtulong niya sa batang nagpamulat sa kaniya sa reyalidad ng buhay. 

Madalas, kapag tayo’y tinamaan ng katamaran, nasasayang natin ang lahat ng oportunidad sa buhay. Nawa’y subukan natin lagi itong kalabanin, dahil may mga taong kahit kapos sa buhay, pilit na gumagawa ng paraan upang makuha lamang ang oportunidad na ating sinasayang. 

More Stories