Inagaw ng Babaeng Ito ang mga Suki ng Kaniyang Kaibigan, Labis Siyang Nanlumo nang Karma na ang Gumanti

Inagaw ng Babaeng Ito ang mga Suki ng Kaniyang Kaibigan, Labis Siyang Nanlumo nang Karma na ang Gumanti

InspiringKarmaStories

“Ay, mars! Nakita ko nag-comment ka doon sa panindang damit ni Lea sa social media, ha? Magkano ang benta niya sa’yo?” nguso ni Jaja sa kumare, isang araw nang makasalubong niya ito sa kanilang eskinita. 

“Naku, mura lang ‘yon, dalawang daan lang!” nakangiting sagot nito. “Anong mura doon? Mahal nga ‘yon, eh! Naku, mars, sa akin ka na lang kumuha, isang daan lang ‘yon sa akin! Mas maganda pa ang tela,” bulong niya pa dito dahilan upang magulat ito. 

“Talaga? Ganoon din ang itsura?” tanong pa nito. 

“Oo, gano’ng gano’n! Doble magtubo ‘yang si Lea, kaya naku, sa akin ka na kumuha! Sampung pisong tubo ayos na sa’kin,” ika niya pa dahilan upang makumbinsi ang kumare. 

“Mabuti naman at sinabihan mo ako, grabe, naisahan ako doon ni Lea! Sige, sa’yo na ako kukuha simula ngayon. Ipakita mo sa akin mga binebenta mo,” sabi pa nito sa kaniya. 

“O, sige, dadaanan kita mamaya sa bahay mo. Ipamalita mo rin ito sa mga amiga mo, ha?” sagot niya, “O, sige, mauna na ako sa’yo, kukuha ako ng mga paninda ngayon, eh,” dagdag niya pa saka tuluyan nang nagpaalam. 

Isang online seller o nagtitinda sa social media ang ginang na si Jaja. Kamakailan lang siya nagsimulang pumasok sa negosyong ito dahil sa pagkawala ng kaniyang trabaho. 

Dati siyang isang kahera sa isang sikat na grocery store sa kanilang lugar. Ngunit dahil sa taglay niyang pag-uugali, minabuti na siyang tanggalin ng may-ari nito. Marami kasing nagrereklamo sa kaniya dahil palagi na lang siyang naninira ng iba bunsod ng pagkainggit. 

Naisip niyang magtinda ng kung ano-ano nang makita niyang maraming tumatangkilik ng mga paninda ng isa niyang kaibigan sa social media upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang anak kahit pa wala siyang trabaho.  

Nang makita niya ‘yon, inggit na inggit siya dito. Bukod kasi sa nagpopost lang ito ng litrato ng mga paninda at may bibili na, nakikita niya pang nagagawa nitong pumunta kung saan-saan kasama ang buong pamilya gamit ang perang kinita sa pagtitinda. 

Kaya naman noong araw na nakita niya ‘yon, agad siyang humanap ng mapagkukuhanan ng mga paninda. Tiniyak niyang mas mura kaysa sa paninda ng kaibigan niyang iyon upang sa kaniya na bumili ang mga suki nito.

Noong araw nga ‘yong lumuwas siya ng Maynila at nag-angkat ng iba’t-ibang paninda sa isang tagong tambakan. Lahat ng kaniyang mga nakuhang mga paninda ay kinuhanan niya ng litrato’t inilagay sa kaniyang social media account upang ibenta. 

Dahil nga mura’t mukhang mamahalin ang kaniyang mga paninda, sa loob ng isang oras ay naubos lahat ito na labis niyang ikinatuwa. 

Ilang linggo pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakaipon. Nakabili na siya ng sariling motor na ginagamit niya sa paghahatid ng mga paninda at mga mamahaling gamit ng kaniyang anak. 

“Mabuti pa ngang natanggal ako doon sa grocery na iyon! Bukod sa pangit ang ugali ng mga empleyado, mababa pa ang sweldo! Hindi tulad dito sa pagtitinda online, hawak ko na ang oras ko, hawak ko pa ang mga mamimili ko. Kawawang Lea, wala nang mamimili,” patawa-tawa niyang sambit niya, isang araw nang makita niyang malaki na ang kaniyang naiipong pera. 

Kinabukasan, agad na naubos ang kaniyang mga paninda dahilan upang magtungo ulit siya sa kaniyang pinagkukuhanang tambakan. 

Ngunit habang magiliw siyang nakikipag-usap sa may-ari nito, nagulat na lang siya nang mapalibutan silang dalawa ng mga pulis. 

Agad siyang tumingin sa kaniyang paligid at nakita niyang nakaposas na ang ibang mga empleyado dito.

 “Te-teka lang po, wala po akong ginagawang…” sambit niya.

“Sa presinto na po kayo magpaliwanag,” sabat ng pulis na may hawak sa kaniya saka siya inilabas ng naturang tambakan. 

Doon niya nalamang ilegal pala ang tambakang iyon at puro nakaw ang mga paninda. Napag-alamang ang mga empleyado nito’y pawang mga bihasang magnanakaw na pumupuslit ng mga paninda sa mga mall at binebenta sa murang halaga. 

Nang malaman niya iyon, tila gumuho ang mundo niya. Lalo pa’t nalaman ng mga pulis na binebenta niya rin ang mga panindang ito. 

Dahil nga ayaw niyang mamalagi sa bilibid, ginamit niyang pang-piyansa ang naipon niyang pera mula sa pagtitinda. 

Lumong-lumo siyang umuwi sa kanilang bahay. Muli siyang nagtinda sa pagbabakasakaling muling mabawi ang natalong salapi, ngunit nawala na ang tiwala ng mga mamimili sa kaniya sa kumalat na isyu dahilan upang ganoon na lamang siya mawalan ng pag-asa.  

Doon niya natutunang kahit anong gawin niya, kung may matatapakang iba, babagsak at babagsak siya. 

Lumipas ang ilang linggo, napagpasiyahan niyang pumasok bilang isang katulong sa kaniyang tiyahin. Maliit man ang sweldo, ang importante sa kaniya ngayo’y may maipapakain siya sa kaniyang anak at wala siyang tinatapakang tao.

More Stories