Matiyagang Pinag-ipunan ng Isang Misis ang Pinapangarap Nitong Sariling Bahay; Matupad nga Kaya Nito Iyon?
“Leo, sa palagay mo kaya’y pwede ko nang basagin iyang sementong alkansya ko? Baka marami nang laman iyan at baka maaari na tayong magpatayo ng bahay. Mas maigi pa rin talagang may sarili tayong bahay, hindi ba?” malambing na wika ni Alice.
Binili niya ang alkansyang iyon taong 2018 pa. Halos dalawang taon na rin niyang nilalagyan iyon ng pera kaya baka naman malaki na ang laman nun. At pwede na silang magpatayo ng sarili nilang bahay, sapagkat nagsasawa na siya sa sitwasyong wala man lang silang sariling bahay. Lumalaki na ang kanilang pamilya.
“Ikaw bahala. Sa’yo naman iyan e,” ani Leo.
“Basagin na natin. Tulungan mo ako,” ani Alice.
Hindi naman nagdalawang-isip ang asawang si Leo na tulungan ang kaniyang misis sa nais nito. Binasag nga nila ang alkansya at nalula sa mga nakatupi-tuping mga pera.
“Ang dami na nga pala talaga nito, Alice,” ani Leo.
“Sabi ko naman sa’yo e. Pinagtiyagaan ko talagang ipunin ito para makabili na tayo ng sarili nating lupa at makapagpatayo na rin ng bahay,” masayang wika ni Alice.
Makalaunan ay pinagtulungan nilang bilangin ang naipong pera ni Alice. Nang matapos sa pagbibilang ay nalaman nilang sa loob ng halos dalawang taon na pag-iipon ni Alice ay nakalikom siya ng kulang-kulang dalawang daang libong piso.
“Matutupad na talaga ang matagal ko nang gusto, Leo. Magkakabahay na tayo. Sa wakas! Magkakaroon na tayo ng sarili nating pamamahay,” masayang-masayang wika ni Alice.
“Paano mo nagawang ipunin ang lahat ng ito?” takang tanong ni Leo sa asawa.
“Tuwing sumasahod kay hinuhulugan ko ito ng minsan limang daan kapag malaki ang sahod na binibigay mo sa’kin. Pero kapag maliit lang, minsan dalawang daan lang. Tapos naglalabada rin ako, para may extra income, kaya nahuhulugan ko rin ito minsan ng isang libo.
Gano’n palagi hanggang sa hindi ko namamalayan na marami-rami na rin pala ang nailalagay ko rito. Basta ang iniisip ko palagi ay para ito sa magiging bahay natin,” nakangiting paliwanag ni Alice.
“Ang galing mo naman, Alice. Hindi ko inasahan na aabot sa ganito kalaki ang maiipon mo. Akala ko mga ilang libo lamang, kaya nga tinatawanan lang kita sa t’wing sinasabi mong magkakaroon din tayo ng bahay gamit ang perang naipon mo rito sa alkansya,” ani Leo.
“Naku! Huwag mong minamaliit ang kakayahan ng isang babaeng may pangarap, Leo,” nakangiting ismid ni Alice sa asawa. “Siyempre, tatlo na ang anak natin at ayoko naman na habang buhay na lang tayong makikitira dito sa bahay ng magulang mo.
Mas maigi pa rin iyong may sarili tayong bahay. Kaya iyon ang naging inspirasyon ko upang mag-ipon lang ng mag-ipon. Kasi alam kong balang araw, mangyayari rin ang gusto ko. Kahit maliit lang na bahay, Leo, basta sarili nating bahay. Ayos na ayos na iyon sa’kin,” ani Alice.
Agad namang niyakap ni Leo ang asawa. Masayang-masaya ang kaniyang naramdaman sapagkat ngayon niya napatunayang napaka-swerte niya kay Alice. Siya ang lalaki kaya dapat lang na siya ang mag-bigay sa lahat ng kailangan nilang pamilya.
Ginagawa namam niya ang lahat ng kaniyang makakaya, upang maibigay lamang ang mga iyon, ngunit alam niyang malabo pa sa kaniyang balintatanaw ang pagkakaroon ng sariling bahay. Salamat sa pagiging masinop ng kaniyang asawa. Hindi lang pangarap nito ang natupad, kung ‘di pati ang sa kaniya.
Alam niyang hindi pa sasapat ang naipon nito, para sa bahay at lupa, pero alam ni Leo na mabilis na lamang dagdagan ang kulang, upang maitayo na ang pinapangarap nilang bahay.
Makalipas ang dalawang Linggo ay sinimulan na ngang itayo ang bahay na gusto nilang mag-asawa. Simple lamang ang itsura at hindi na pina-bongga. Basta ang mahalaga’y sa kanila na iyon. Galing sa pinaghirapan nilang mag-asawa.
“Salamat, Alice ah,” buong pusong pasasalamat ni Leo sa asawa. “Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa’yo. Kahit pa kumayod ako nang kumayod at magkanda-kuba-kuba sa pagta-trabaho.
Kung hindi mo naisip na ipunin ang perang binibigay ko sa’yo’y hindi natin maipapatayo ang bahay na ito. Kaya maraming-maraming salamat sa’yo,” ani Leo saka ginawaran ng magaan na halik ang noo ng asawa.
“Alam ko kasi na ginagawa mo ang lahat para sa pamilya natin. Kaya ginagawa ko rin ang parte ko bilang asawa mo, Leo. Matagal kong pinangarap na sana dumating ang araw na ito at ito na nga,” masayang wika ni Alice, sabay tingin sa pinapatayong bahay. “Tunay nga talagang walang imposible sa taong masinop, Leo,” aniya saka humalakhak nang malakas.
“Tama ka d’yan, Alice. Salamat at nagkaroon ako ng masinop na asawa,” wika rin ni Leo at nakitawa na rin.
“Next project ko’y kotse naman,” ani Alice.
“Hala ka! Ikaw na ang bahala,” ani Leo at niyakap ang asawa.
Tunay ngang walang imposible sa taong may pangarap.