Inday TrendingInday Trending
Sa Sobrang Galit na Nararamdaman Niya Para sa Ama’y Tila Namanhid na ang Kaniyang Puso Para Rito; Makakalaya pa Kaya Siya sa Galit na Iyon?

Sa Sobrang Galit na Nararamdaman Niya Para sa Ama’y Tila Namanhid na ang Kaniyang Puso Para Rito; Makakalaya pa Kaya Siya sa Galit na Iyon?

“Piolo, nabalitaan mo na ba ang nangyari sa papa mo?” ani Jasmine, ang kaniyang kababatang kaibigan.

“Tumawag ka lang ba para asarin ako, Jasmine?”

“Hindi ah. Tinatanong nga kita e, kung nabalitaan mo na ba ang nangayari sa papa mo. Alam mo, Piolo. Kahit anong mangyari papa mo pa rin siya at anak ka pa rin niya. Kaya nga gusto kitang balitaan sa nangyari sa kaniya,” paliwanag ni Jasmine.

Mula musmos pa lang sila’y magkaibigan na silang dalawa ni Jasmine. Limang taon na rin ang nakakalipas mula noong umalis si Piolo, kasama ang dalawa niyang kapatid at ina sa probinsya nila, dahil sa panggugulo ng sarili nilang ama sa buhay nila.

Mula noong magdesisyon silang umalis sa lugar na iyon ay ayaw na niyang makarinig ng kahit anong balita na nag-uugnay sa kaniyang ama. Wala na siyang pakialam pa rito at ilang beses nang hiniling na sana’y hindi na lang ito ang naging ama nila, dahil wala naman itong kwentang tao.

“Alam mo bang nasa ospital siya ngayon? Naba*ril kasi ang papa mo sa hindi pa kinikilalang mga sus*pek. Hindi ako sigurado kung walo o limang tama ng bala ang nasalo ng kaniyang katawan. Wala man lang ba kayong balak na dalawin siya, Piolo?” Patuloy sa pagbabalita ni Jasmine.

“Bakit naman ako dadalaw sa kaniya?” nakaismid niyang wika. “Wala akong nakikitang rason, Jasmine upang dalawin pa siya. Sana nga’y matuluyan na siya, para mawala na ang problema naming pamilya at makabalik na kami ni mama at ng mga kapatid ko d’yan sa lugar natin,” walang emosyong wika ni Piolo.

“Grabe ka naman, Piolo. Kahit anong mangyari’y papa mo pa rin si Mang Pedio, kaya sana naman ay kalimutan mo na ang mga nangyari noon sa inyo,” ani Jasmine.

“Sana nga, Jasmine, hindi na lang siya ang naging tatay namin. Siguro hindi ganito kagulo ang naging buhay ng pamilya ko,” malungkot na wika ni Piolo.

Naaalala niya noon kung paano sinasaktan ng kaniyang ama ang kanilang ina. Sinasampal nito ang kaniyang ina kapag nagrereklamo sa pagdadala nito palagi ng babae sa pamamahay nila. Laging sinasabi ng papa niya noon na walang pakialam ang kaniyang ina sa buhay nito. Pinapalamon lamang ng kaniyang ama ang kanilang ina.

Isa sa dahilan kaya nakapagdesisyon ang kaniyang mama na makipaghiwalay na rito ng tuluyan. Doon na rin nag-umpisa ang kalbaryo nilang magkakapatid. Tatlo sila at hindi kinakaya ng kanilang ina ang buhayin sila.

Kapag naman humihingi ng sustento ang mama niya sa papa nila’y laging wala itong binibigay. Galante ito sa mga babae at barkada nito, ngunit hinayaan lamang silang magmukhang p@tay gutom.

Noong isang beses na pinakulong ito ng mama niya’y wala pang isang araw ay nakalaya na ito sa kulungan. Palibhasa’y maraming hawak na malalaking tao sa lugar nila.

Pinagbantaan pa nito ang mama niya na papat@y*n kapag hindi ito tinantanan. Kaya rin sila nakapag-desisyon na umalis na lang sa lugar nila dahil sa ginawang pagsunog ng kaniyang ama sa bahay ng kanilang mama na minana pa nito sa mga yumaong magulang.

“Mahirap kalimutan ang kaha*yupang ginawa ng papa ko sa’min, Jasmine. Parang hindi niya kami mga anak kung itakwil niya noon. Lahat ng ginawa niyang masama sa’min, hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin iyon sa puso ko.

Hindi mo ako masisisi kung bakit ako nasusuklam sa kaniya. Sariling ama namin ang sumira sa buhay naming magkakapatid. Hindi ko alam kung paano ko siya mapapatawad,” humihikbing wika ni Piolo.

“Wala akong ibang hinihiling, Piolo, na sana balang araw ay magawa mo nang palayain ang sarili mo sa sakit na nangyari noon,” malungkot na wika ni Jasmine.

Nabalitaan rin pala ng mama at mga kapatid niya ang nangayari sa papa nila. Kaya agad itong nag-ayang umuwi sa kanilang probinsya na mahigpit naman niyang inayawan.

“Papa mo pa rin siya, Piolo,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Sonya. “Galit rin ako sa papa niyo. Sa lahat ng masamang ginawa niya sa’tin ay nagalit rin ako. Pero hindi pa rin natin maitatangging ama niyo siya at mga anak niya kayo.

Nadamay lamang kayo sa galit niya sa’kin. Pero huwag niyong hayaan na habambuhay kayong nakakulong sa galit na iyan mga anak. Hangga’t hindi pa huli ang lahat ay mas maiging makita natin ang papa ninyo,” tumatangis na wika ni Sonya.

Kinabukasan nga’y sabay-sabay silang umuwi ng Masbate, upang bisitahin at kumustahin ang kanilang ama. Lantang gulay ito at tanging ang makina na lamang ang nagdudugtong sa buhay ng kanilang ama.

Ngayon lamang niya naramdaman ang awa sa amang nakahiga sa kama ng Ospital at halos wala ng buhay. Ang layo-layo na ng itsura nito sa dating itsura na natatandaan niya.

Napaluha siya nang makitang sabay-sabay na nag-iyakan ang kaniyang mama at dalawang kapatid na babae.

“Hindi man namin nagawang singilin ka sa lahat ng kasalanang ginawa mo noon sa’min. Ang karma naman ang naningil no’n para sa’min, papa,” humihikbing wika ni Piolo. “Hindi mo man hiningi ang kapatawaran namin papa.

Pero kahit gano’n ay ibinibigay pa rin namin iyon sa’yo ngayon. Patawarin mo rin sana kami kung may nagawa man kaming kasalanan sa’yo noon,” ani Piolo saka niyakap ang lantang gulay na katawan ng ama.

Tunay ngang kahit gaano man kalaki ang galit na nararamdaman mo sa’yong kapwa ay kusa itong mawawala lalo na kapag nakita mo siyang wala nang kalaban-laban.

Hindi man nagawa ni Pedio na humingi ng kapatawaran sa kaniyang pamilya, dahil makalipas ang ilang araw ay binawian na rin ito ng buhay. Sapat na ang pagpapatawad na ibinigay nila Piolo, upang isipin na matatahimik na rin ang kaluluwa nito sa kung saan man magtungo.

Sapat na ang sinapit nitong karma upang palayain na rin nila ang mga sarili nila sa noon pa mang nakatagong galit para dito.

Advertisement